- BULGAR
- 3 days ago
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 3, 2025

Opisyal nang inihain ng inyong lingkod ang panukalang batas upang maging posible ang tatlong taong kolehiyo. Ang panukalang batas na ito na pinamagatang Three-Year College Education (3CE) ang una nating inihain sa ating mga priority bills ngayong 20th Congress.
Kung babalikan natin ang mga talakayan bago maisabatas ang K to 12, matatandaang ipinangako noon na ang dagdag na dalawang taon sa high school ay magdudulot ng mas maikling panahong kailangan gugulin sa kolehiyo.
Halos 12 taon na ang lumipas simula noong ipatupad natin ang K to 12. Bagama’t binawasan na ang bilang ng mga kinakailangang kurso sa mga programa sa kolehiyo, hindi naging sapat ang mga ito para umikli ang panahong kailangang gugulin sa kanila. Kaya imbes na makatapos at makapagtrabaho agad ang ating mga mag-aaral, kinakailangan pa nilang maglaan ng mas mahabang panahon upang matapos ang mga kursong kinuha nila.
Batay sa pag-aaral ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), lumalabas na ang mga programa sa kolehiyo ay maituturing na General Education (GE)-heavy at internship-light. Imbes na matutukan na sana ng ating mga mag-aaral ang kanilang mga specialization, 42% ng mga kinukuha nilang kurso ay mga GE. At dahil kulang ang panahong inilalaan para sa internship, hindi nagiging sapat ang karanasan ng ating mga mag-aaral para maiangat ang kanilang kahandaan para makapagtrabaho.
Kaya naman sa inihain nating panukalang batas, layon nating ibaba ang mga kurso ng GE sa senior high school. Iminumungkahi rin nating mabigyan ang Commission on Higher Education ng kapangyarihang pahintulutan ang mga programa sa kolehiyo na hindi lalagpas sa tatlong taon. Sa kabila nito, kailangang nakabatay sa mga pangangailangan ng industriya, international standards o benchmarks, at mga kinikilalang best practices ang haba ng mga programa sa kolehiyo.
Upang mapaigting pa lalo ang kahandaan ng ating mga mag-aaral sa trabaho, isinusulong din nating madagdagan ang oras na kailangan nilang gugulin para sa internship. Kaugnay nito, muli rin nating ihahain ang Batang Magaling Act na una nating iminungkahi noong 19th Congress.
Layon ng Batang Magaling Act na matulungan din ang ating mga mag-aaral sa senior high school na maging handa sa trabaho. Sa ilalim ng panukalang batas na ito, titiyakin natin ang ugnayan sa curriculum ng senior high school sa work immersion program at sa mga pangangailangan ng pribadong sektor.
Abangan sa susunod na araw ang iba pa nating mga panukala upang matulungan ang ating mga mag-aaral, lalo na pagdating sa kanilang pagtatapos at sa kanilang pagtatrabaho.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com