VP Sara, ‘wag na dapat pumatol kay Usec. Castro dahil ‘di sila magka-level
- BULGAR

- 6 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | February 16, 2026

PINALAGAN NI SEN. LACSON ANG HARASSMENT NG ICC KINA SEN. DELA ROSA AT SEN. BONG GO, ANUMAN DAW ICC-WARRANT ANG ILABAS, DAPAT IDAAN ITO SA PH COURT – Pinalagan ni Senate Pro Tempore Sen. Ping Lacson ang International Criminal Court (ICC) matapos maisangkot bilang mga co-perpetrators sa kasong crimes against humanity ang dalawa niyang kapwa senador—sina Sen. Ronald Dela Rosa at Sen. Bong Go—kaugnay ng kasong kinahaharap ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Dahil dito, sinabi ni Lacson na kakausapin niya si Senate President Tito Sotto upang magpatawag ng caucus ng mga senador. Layunin umano nitong pagkaisahan ang paninindigan na kung maglalabas ng warrant of arrest ang ICC, dapat muna itong idaan sa lokal na korte bago payagang arestuhin ang mga nabanggit na senador.
Ayon kay Lacson, may dahilan ang kanyang pagtutol dahil hindi umano katanggap-tanggap na basta gamitin ng isang dayuhang korte ang kapangyarihan nito laban sa mga halal na opisyal ng bansa. Binigyang-diin din niya na sina Sen. Bong Go at Sen. Dela Rosa ay nahalal sa pamamagitan ng boto ng milyun-milyong Pilipino. Period!
XXX
MAY KORTE NAMAN SA ‘PINAS, PATUNAY NA DITO NAKULONG SINA EX-PRESIDENTS ERAP AT GLORIA KAYA SABLAY TALAGA ANG MARCOS ADMIN NA IPAKULONG SI FPRRD SA NETHERLANDS – Uumpisahan na ang paglilitis kay FPPRD sa ICC sa The Hague, Netherlands.
Hindi katanggap-tanggap para sa maraming Pilipino ang desisyon ng administrasyong Marcos na ipaaresto sa Pilipinas ang dating pangulo gamit ang warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) upang ikulong at litisin sa ibang bansa.
Nais nating ipunto na may sariling hudikatura ang Pilipinas. Kung may pagkakasala si FPPRD, maaari naman siyang kasuhan, litisin, at ikulong dito sa bansa. Napatunayan na ito noon nang maharap sa kaso at paglilitis ang mga dating pangulo tulad nina Erap Estrada at Gloria Macapagal-Arroyo. Period!
XXX
HINDI DAPAT PATULAN NI VP SARA SI USEC. CLAIRE KASI HINDI SILA MAGKA-LEVEL – Patuloy ang bangayan nina Vice President Sara Duterte at Presidential Communications Office (PCO) Usec. at Spokesperson Claire Castro.
May mga nagsasabing dapat may magpayo kay VP Sara na huwag nang patulan ang mga patutsada ni Castro. Bilang halal na bise presidente na ibinoto ng milyun-milyong Pilipino, hindi umano nararapat na makipagbangayan pa siya sa isang opisyal na itinalaga lamang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa PCO. Boom!
XXX
KAILAN KAYA AAKSYON SINA MAYOR PAULINO AT COL. CLARAVALL LABAN SA MGA RAKET NI 'AGING' SA OLONGAPO CITY? – Halos lahat umano ng barangay sa Olongapo City ay may mga kubrador ng jueteng, lotteng at STL bookies na konektado sa isang operator na kilala sa alyas na “Aging.”
Kailan kaya kikilos sina Mayor Rolen Paulino at Olongapo City police chief Col. Ritchie Claravall laban sa naturang operasyon? Abangan!








Comments