top of page

VP Sara, tila safe sa impeachment dahil 4 senador lang ang pumirmang kasuhan ang mga kaalyado na

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 26 minutes ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | March 15, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


4 SENADOR LANG ANG PUMIRMA SA REKOMENDASYONG KASUHAN ANG MGA KAALYADO NI VP SARA NA SINA SENS. ESCUDERO, ESTRADA AT VILLANUEVA KAYA KAPAG 4 LANG ANG BOMOTO SA IMPEACHMENT, ABSUWELTO  ANG VP – Sa partial report ng Senate Blue Ribbon Committee, inirekomenda nitong imbestigahan at kasuhan ng Office of the Ombudsman ang mga kaalyado ni Vice President Sara Duterte—sina Senators Chiz Escudero, Jinggoy Estrada, at Joel Villanueva—kaugnay ng umano’y pagkakasangkot nila sa flood control scandal.


Ngunit, apat lamang ang lumagda sa rekomendasyon: sina Senators Ping Lacson, Bam Aquino, Kiko Pangilinan, at Risa Hontiveros. Dahil may 24 na senador sa kabuuan, ibig sabihin, 20 senador ang hindi pumirma.


Isang masamang senyales ito para sa Kamara. Kahit maisampa ang Articles of Impeachment laban kay VP Sara sa Senado, kung apat lamang ang boboto para sa impeachment at 20 ang mag-“No,” awtomatikong mapapalaya ang bise presidente. Boom!


XXX


PAGBASURA NG SANDIGANBAYAN SA HIRIT NI SEN. JINGGIT NA MAKAPAG-ABROAD, INDIKASYON KAYA ITO NA MALAPIT NA NIYANG MAKASAMA ULI SA KULUNGAN ANG FRIEND NIYANG SI EX-SEN. BONG REVILLA? – Binasura ng Sandiganbayan ang hirit ni Sen. Jinggoy Estrada na makalabas ng bansa habang dinidinig pa ang kaso niya na may kaugnayan sa pork barrel scam. Bukod dito, malapit na ring maglabas ng resolusyon ang Department of Justice (DOJ) sa kasong plunder at malversation of public funds na konektado sa flood control scandal.


Ang pagbasura kaya ng Sandiganbayan sa hiling ni Sen. Jinggoy na makapag-abroad ay indikasyon na malapit nang ilabas ang warrant of arrest laban sa kanya, upang muling makasama sa kulungan ang kaibigan niyang si former Sen. Bong Revilla? Abangan!


XXX


BAKA MAY MAGANAP NA SARA VS. LENI SA 2028 PRESIDENTIAL ELECTION DAHIL SA KAKA-BASH NG MGA DDS SA ALKALDE NG NAGA CITY – May kumuha lang ng larawan kay Naga City Mayor at former Vice President Leni Robredo na nakasakay sa bus at pinost ito sa social media, eh binash agad siya ng mga Duterte Diehard Supporters (DDS).


Dapat tandaan ng mga DDS na ilang beses nang sinabi ni Mayor Leni na hindi siya kakandidato sa pagka-presidente, at ang tatakbuhan niya sa 2028 election ay pagka-mayor muli ng Naga City. Ibig sabihin, walang Sara vs. Leni sa 2028 presidential election. Kaya dapat itigil na nila (DDS) ang pambabash sa ex-VP, lalo na’t nakasanayan na niya talagang mag-bus — ginagawa na niya ito noon pa, kahit wala pa siya sa pulitika.


Baka sa sobrang pambabash ng DDS kay Mayor Leni ay magbago ang isip niya at makumbinsi siyang tumakbo sa pagka-presidente. Na kapag nagsanib ang boto ng mga loyalista at Kakampink-Dilawan, sa totoo lang, may “tulog” dito si VP Sara. Period!


XXX


HINDI LANG SA PANAHON NG MARCOS ADMIN, KUNDI PATI SA PANAHON NG DUTERTE ADMIN MAY NAGANAP NA PAG-DELIVER NG MALE-MALETANG MAY PERA – Ayon kay Ombudsman Boying Remulla, base sa isinagawa nilang pag-iimbestiga at sa impormasyon mula sa kanyang source, ilang male-maletang may pera na idiniliber ng mga “bagman” na ex-marines ni ex-Cong. Zaldy Co ay naganap sa panahon ni former Speaker Lord Allan Velasco.


Kung totoo ito, aba’y hindi lang pala mga kongresista sa panahon ng Marcos administration ang nakatanggap ng male-maletang may pera, kundi tila pati mga kongresista sa panahon ng Duterte administration. Boom!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page