VP Sara, na-bash ng netizens dahil ‘di sinita sina Atty. Topacio at Cong. Suntay sa kanyang Women’s Month speech
- BULGAR

- 2 days ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | March 10, 2026

KAPAG GUILTY SA KASO, MALAMANG MABANSAGANG 18 'MARITES ANG 18 EX-MARINES – Sinampahan ni ML Partylist Rep. Leila de Lima ng kasong cyberlibel sa National Bureau of Investigation (NBI) ang 18 ex-marines at ang kanilang abogadong si Atty. Levi Baligod dahil sa umano’y paninirang ginawa sa kanyang pagkatao. Kaugnay ito ng paratang na kabilang umano siya sa mga nabigyan ng maleta na naglalaman ng pera mula sa kickback ni dating Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co.
Kung mapatunayang guilty ang 18 ex-marines sa pagdinig ng kaso, maaari na rin silang bansagang 18 “marites,” dahil ikinalat umano nila ang kuwento na tumanggap si Cong. De Lima ng maletang may pera kahit hindi naman pala. Boom!
XXX
DAPAT HINDI NA NAGMENSAHE NG PAGBATI SA WOMEN'S MONTH SI VP SARA KUNG HINDI RIN LANG NIYA BABATIKUSIN SINA CONG. SUNTAY AT ATTY. TOPACIO NA NAGSALITA NG KABASTUSAN SA KABABAIHAN – Sa mensahe ng pagbati ni Vice Pres. Sara Duterte para sa Women’s Month nitong nakalipas na March 8, 2026, inulan siya ng batikos mula sa netizens dahil wala siyang sinabi tungkol sa umano’y pambabastos ni Quezon City 2nd District Rep. Bong Suntay kay actress Anne Curtis, gayundin ni Atty. Ferdinand Topacio sa kapatid nitong si Jasmine Curtis.
Para sa ilang netizens, kung wala rin lang siyang balak punahin sina Duterte Diehard Supporter (DDS) Cong. Suntay at DDS Atty. Topacio, mas mabuti pang hindi na siya naglabas ng pagbati para sa Women’s Month. Dahil dito, batikos tuloy ang inabot niya sa social media. Period!
XXX
DAPAT IPATAWAG AT IMBESTIGAHAN NI LTO CHIEF MACALINAO AT NG SANGGUNIANG PANGLALAWIGAN NG BULACAN SI NANCY CARVAJAL DAHIL SA PINOST NITONG PEKENG LTO SHOW CAUSE ORDER – Dapat ipatawag at imbestigahan nina Land Transportation Office (LTO) chief Markus Lacanilao at Bulacan Vice Gov. Alex Castro, presiding officer ng Sangguniang Panlalawigan, si DZME anchor Nancy Carvajal na unang nag-post sa social media ng umano’y pekeng LTO show cause order na naglalaman ng mga plaka ng sasakyan ng Bulacan Provincial Government na nasangkot daw sa road rage.
Dahil sa naturang post, may mga nanira na kay Gov. Daniel Fernando matapos kumalat ang paratang na convoy umano ng lalawigan ang nang-harass kay presidential son Vinny Marcos, kahit wala namang ganitong insidente na nangyari sa NLEX.
Para hindi na ito maulit, dapat sampahan ni LTO chief Lacanilao si Carvajal ng kasong falsification of public documents. Sa panig naman ng Sangguniang Panlalawigan, maaari silang magpasa ng resolusyon upang sampahan siya ng kasong cyberlibel dahil sa umano’y paninirang idinulot ng kanyang post laban sa Bulacan Provincial Government, kung saan inilabas pa ang mga plate number ng mga sasakyang sinabing sangkot sa road rage kahit hindi naman. Period!
XXX
SI GEN. HANSEL MARANTAN NA ANG RD NG PNP-REGION 4-A KAYA TAPOS NA ANG HAPPY DAYS NG MGA 'TONGPATS COLLECTOR' SA CALABARZON – May bagong Regional Director (RD) ang PNP-Region 4-A sa katauhan ni Brig. Gen. Hansel Marantan.
Dahil kilala si Gen. Marantan bilang disiplinadong pulis, asahan nang tapos na ang “happy days” ng mga umano’y “tongpats collector” sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon). Kabilang umano sa mga ito sina alyas “Tsan Parak,” “Obet,” “Adlawan,” “Dimapeles,” “Rico,” “Jong,” “Hero,” “Minong,” “Kevin,” “Ady,” “Milan,” “Sandoval,” “Marcial,” “Jak,” at “Jame,” pati na si “Panganiban.” Boom!



Comments