VP Sara, lalong nasasabit sa mga pahayag ni Atty. Poa
- BULGAR

- Apr 28
- 3 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | April 28, 2026

DAPAT MAG-PUBLIC APOLOGY SI PBBM SA FAKE NEWS NIYANG NAHULI NA SI ZALDY CO SA CZECH REPUBLIC – Matapos ikumpirma ng Czech Republic government na hindi inaresto o ikinulong si dating Cong. Zaldy Co—at sa halip ay sinita lamang ng immigration dahil sa kakulangan ng travel documents at nilimitahan ang kanyang galaw sa kanilang bansa—umani ng batikos si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM). Lumabas kasi na mali ang nauna niyang pahayag na naaresto ang dating kongresista.
Depensa naman ni Presidential Communications Office (PCO) spokesperson Usec. Claire Castro, hindi raw sinabi ng pangulo na “arrested” si Co, kundi “apprehended.”
Ngunit kahit anong anggulo ang tingnan, sablay pa rin ang palusot na ito. Sa simpleng pagpapaliwanag, ang “arrested” ay arestado, at ang “apprehended” ay nahuli—na sa konteksto ng usapin ay iisa lamang ang ipinahihiwatig.
Ang punto: nararapat lamang na maglabas ng public apology si PBBM sa maling impormasyong naibahagi at aminin na nabigyan siya ng hindi tamang ulat hinggil sa umano’y pagkakaaresto o pagkakahuli kay Zaldy Co sa Czech Republic. Period!
XXX
VP SARA, NAPAPAHAMAK SA MGA STATEMENT NI ATTY. POA KAYA DAPAT SABIHAN ITO NG BISE PRESIDENTE NA TIGILAN NA ANG PAGPAPA-INTERVIEW SA MEDIA – Dapat paalalahanan ni Vice President Sara Duterte ang kanyang abogado na si Atty. Michael Poa na maging maingat sa pagharap sa mainstream media, dahil may mga pagkakataong nagiging alanganin ang kanilang panig sa mga pahayag nito.
Sa panayam ni Unang Hirit host na si Ivan Mayrina kay Atty. Poa, tinalakay ang isyu ng kuwestiyonableng bilyong pisong bank transactions na inilahad ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa House Justice Committee kaugnay ng impeachment proceedings laban sa bise presidente. Sa naturang panayam, nasabi ng abogado na wala naman silang sinasabing mali o gawa-gawa ang mga numero, kundi ang presentasyon lamang umano ng AMLC ang may problema.
Sa ganitong pahayag, nagkaroon ng impresyon na tila kinikilala na rin ang pag-iral ng naturang mga halaga. Dahil dito, lalo pang umiigting ang mga tanong, lalo na kung ang mga nasabing halaga ay hindi makikita sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng bise presidente. Boom!
XXX
SAMPAHAN DIN KAYA NI ATTY. MANS CARPIO SI RAMIL MADRIAGA NA NAGSANGKOT SA KANYA SA DROGA? – Nagsampa ng kasong kriminal si Atty. Mans Carpio, mister ni Sara Duterte, laban sa mga opisyal ng Bangko Sentral ng Pilipinas, Anti-Money Laundering Council, at mga kongresistang miyembro ng House Justice Committee kaugnay ng isinagawang bank disclosure ng kanyang mga account.
Samantala, ang detenidong suspek sa kidnapping na si Ramil Madriaga—na nag-akusa kay Carpio na umano’y sangkot sa tangkang pagpapalusot sa Customs ng mga magnetic lifter na may laman umanong shabu—ay maaari ring kaharapin ng kaso. Abangan ang susunod na mga kaganapan. Abangan!
XXX
NANG MAGING PRESIDENTE ANG PINSAN NIYANG SI PBBM, MALI AKALA NI CONG. ROMUALDEZ NA POWERFUL NA SIYA KASI TADTAD NA SIYA NGAYON NG MGA KASO — Nang maupo bilang Pangulo si PBBM, inakala ni Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez na mas tumibay ang kanyang impluwensiya kaya kinuha niya ang pagiging Speaker ng House of Representatives.
Gayunman, tila hindi ganap na ganoon ang naging sitwasyon. Sa gitna ng mga isyung ibinabato sa kanya kaugnay ng umano’y flood control scandal, napalitan siya sa posisyon bilang Speaker at kasalukuyan ding nahaharap sa iba’t ibang reklamo tulad ng plunder, indirect bribery, at money laundering.
Kung mapatutunayang may basehan ang mga kaso, maaari siyang makaranas ng mabibigat na kaparusahan sa ilalim ng batas. Period!




Comments