VP Sara, gustong umpisahan na ang impeachment trial, kaya lang ayaw ni SP Chiz
- BULGAR
- 2 days ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 5, 2025

SA HIMIG NG PANANALITA NI SP ESCUDERO, AYAW NIYANG UMUSAD ANG IMPEACHMENT TRIAL KAY VP SARA -- Sa interview ni Alvin Elchico ng DZMM kay Senate President Chiz Escudero ay sinabi ng radio anchor na marami raw nagagalit sa kanya dahil sa delaying tactic sa impeachment trial kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio at ang tugon niya (Escudero) ay ‘yung mga nais lang daw ma-impeach ang bise presidente ang nagagalit sa kanya, pero ang mas nakakaraming Pilipino raw ay mas gusto na ipasa nila ang mga batas na nakabinbin sa Senado at maraming Pinoy din daw ang sawa na sa isyung pulitika o pamumulitika tulad ng impeachment kay VP Sara.
Dahil diyan ay sinabihan ni Elchico si Escudero na sa himig daw ng pananalita ng Senate president ay ayaw nito talaga na ma-impeach si VP Sara, boom!
XXX
MAY EPEKTO SA KANDIDATURA FOR PRESIDENT NI VP SARA SA 2028 ELECTION KAPAG ‘DI NIYA NALINIS ANG PANGALAN SA ISYU NG CORRUPTION SA CONFI FUNDS -- Nang isampa ng Kamara sa Senado ang mga impeachment cases laban kay VP Sara ay sinabi ng bise presidente na pagkakataon daw ito para malinis ang kanyang pangalan, at nitong Lunes (June 2) nang iantala ni SP Escudero ang impeachment proceedings, ay sinabi uli vice president na gusto niyang umpisahan na ang impeachment trial.
Gusto talaga ni VP Sara na umusad na ang impeachment trial, pero parang ayaw ni SP Escudero.
Kapag hindi natuloy impeachment trial kay VP Sara ay siguradong malaki epekto nito sa kandidatura ni VP Sara sa 2028 presidential election kasi hindi niya nalinis ang kanyang pangalan, kaya’t asahang bubuhayin ng mga kalaban niya sa pulitika sa eleksyon ang alegasyong in-scam niya ang kanyang mga confi funds, abangan!
XXX
‘DI MAN AMININ TIYAK NA KINABAHAN SI SEN. DELA ROSA SA SINABI NI PNP CHIEF GEN. TORRE NA MAKIKIPAGTULUNGAN ITO SA ICC KAPAG MAY WARRANT OF ARREST NA ANG SENADOR -- Sinabi ni newly-appointed PNP Chief Gen. Nicolas Torre na handa raw silang makipagtulungan sa International Criminal Court (ICC) kapag nagpalabas na ito ng warrant of arrest laban kay former PNP chief at Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa.
Sa sinabing ito ni Gen. Torre ay hindi man aminin, tiyak kinabahan si Sen. Bato dahil ang statement na ito ng PNP chief ay indikasyong dadakpin siya ng kapulisan upang isurender sa Interpol para tulad ni ex-P-Duterte ay makulong din sa ICC jail sa The Netherlands, period!
XXX
KUNG SI EX-P-DUTERTE PA ANG PRESIDENTE NG ‘PINAS, TIYAK NA-TOKHANG NA SINA 'JUN GINTO' NG LAS PIÑAS CITY AT ‘LAKAY’ NG PARAÑAQUE CITY -- Kung may singhutan ng shabu sa mga saklang-patay at saklang puwesto-piho ni "Jun Ginto" sa Las Piñas City, ay lantaran din ang pagbebenta ng shabu ng mga lotteng kubrador ni
"Lakay" sa Parañaque City, at nakapagtatakang walang aksyon sina Southern Police District (SPD) Director, Brig. Gen. Joseph Arguelles; Las Piñas City chief of police, Col. Sandro Tafalla at Parañaque City chief of police Col. Melvin Montante laban sa dalawang ilegalistang ito.
Kung si ex-P-Duterte pa ang presidente ng ‘Pinas, siguradong "na-tokhang" na sina "Jun Ginto" at "Lakay," boom!
Comments