VP Sara at Sen. Bong Go, magkatugma sa 'Tapang at Malasakit' sa 2028 election
- BULGAR

- 3 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | February 19, 2026

TANDEM NA VP SARA AT SEN. BONG GO, TUGMA SA 'TAPANG AT MALASAKIT SA 2028 PRESIDENTIAL AND VICE PRESIDENTIAL ELECTIONS – Nagdeklara si Vice President Sara Duterte na kakandidato siya sa pagkapangulo sa 2028 presidential election, dahil aniya’y nais niyang maibalik ang pamamahalang may temang “Tapang at Malasakit.”
Kung pag-uusapan ang tapang, madalas siyang ihalintulad sa kanyang ama na si Rodrigo Roa Duterte. Samantala, pagdating sa malasakit, hindi maikakaila ang kaugnayan nito kay Bong Go, lalo na sa kanyang isinulong na Malasakit Center Act na naglalayong mapadali ang pagkuha ng tulong medikal ng mga pasyente sa mga pampublikong ospital na may Malasakit Center.
Dahil dito, may mga naniniwalang maaaring maging akma ang tambalan nina VP Sara at Sen. Bong Go sa ilalim ng islogang “Tapang at Malasakit.” Period!
XXX
SEN. BAM AQUINO, NAGPAKITA NG PAGIGING MAKABAYAN NANG SABIHING DAPAT SA PINAS NILILITIS ANG KASONG EJK, HINDI SA ICC – Pinutakte ng batikos si Senador Bam Aquino matapos niyang igiit na ang mga kasong may kaugnayan sa umano’y extrajudicial killings (EJK) noong panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay dapat litisin sa Pilipinas. Ayon sa senador, may sapat na mga korte sa bansa upang dinggin ang mga naturang kaso, kaya hindi na umano kinakailangang dalhin pa ito sa International Criminal Court (ICC) sa The Netherlands.
Gayunman, umani ng puna ang pahayag ni Aquino mula sa ilang netizens. Sa halip na kilalanin ang kanyang posisyon bilang pagpapakita ng paninindigan sa kakayahan ng sistemang hudisyal ng bansa, binatikos siya ng mga kritiko at kinuwestiyon ang kanyang pananaw sa usapin. Tsk!
XXX
VERSION NG ANTI-POLITICAL DYNASTY NINA CONG. SANDRO AT SPEAKER BOJIE, PANG-UUNGGOY SA PUBLIKO KASI PRO-DYNASTY ANG ISINULONG NILA – Sa dami ng mga bersyon na tinatalakay ngayon kaugnay ng panukalang anti-political dynasty, iginiit ng ilang kritiko na dapat umanong ibasura ng mayorya sa Senado at Kamara ang bersyon nina Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos at Speaker Martin Romualdez (tinukoy sa ilang ulat bilang “Bojie” Dy).
Ayon sa mga tumututol, hindi tunay na “anti-political dynasty” ang naturang panukala kundi tila pumapabor pa umano sa mga political family. Sa bersyon umano nila, ang ipinagbabawal lamang ay ang pagkakaroon ng magkakapamilyang senador o ang tuwirang pagpapalitan ng posisyon ng magkakamag-anak. Gayunman, pinapayagan pa rin ang magkakapamilya na sabay-sabay humawak ng iba’t ibang puwesto—halimbawa, maaaring senador ang ama, gobernador ang ina, mga kongresista ang magkakapatid sa magkakaibang distrito, at mga alkalde naman ang iba pang kamag-anak sa iba’t ibang lungsod o bayan.
Dahil dito, may panawagan ang ilang sektor na mas suportahan ang mga bersyon ng panukala na magtatakda ng mas mahigpit na limitasyon—tulad ng pagpapahintulot lamang sa isa o hanggang dalawang miyembro ng isang angkan na kumandidato o humawak ng posisyon sa iisang panahon—upang mas malinaw na matugunan ang isyu ng political dynasty. Period!
XXX
DAPAT SA 2027 NATIONAL BUDGET, TANGGALAN NA NG INTEL FUNDS ANG CUSTOMS – Nagisa sa Kamara si Customs Commissioner Ariel Nepomuceno matapos mabanggit na may intelligence funds ang ahensya, ngunit ang mga operatiba pa ng PNP-Highway Patrol Group (HPG) ang nakakahuli ng smuggled na sigarilyo sa bansa.
Kung mahina ang intelligence network ng Customs, iginiit ng mga kritiko na dapat na itong tanggalan ng intel funds sa 2027 national budget. Period !








Comments