top of page

Vlogger na P2M monthly kita, gisahin para mahubaran ng maskara ang amo sa illegal gambling

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 21
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 21, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

KAPAG NAPATUNAYAN NI VP SARA SA IMPEACHMENT TRIAL NA HINDI NIYA KINURAKOT ANG CONFI FUNDS, TIYAK LALONG TATAAS ANG KANYANG RATING SA SURVEY -- Sa isinapublikong survey ng Social Weather Stations (SWS) patungkol sa trust rating ng apat na matataas na opisyal ng pamahalaan ay top si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio sa iskor na 61%, pangalawa si Senate Pres. Chiz Escudero, 55%; pangatlo si Pres. Bongbong Marcos (PBBM), 48% at kulelat si Speaker Martin Romualdez, 34%.


Ang taas ng rating ni VP Sara at partida, tiyak na lalong tataas ang kanyang rating kung magkakaroon ng impeachment trial at makapaglalabas siya ng mga ebidensyang hindi siya corrupt, na hindi niya kinurakot ang kanyang confidential funds, abangan!


XXX


ATTY. KAPUNAN GUSTONG MAGPABIDA SA LIVE COVERAGE SA IMPEACHMENT TRIAL KAY VP SARA KAYA UMATRAS BILANG LAWYER NI ATONG ANG -- Umatras na si Atty. Lorna Kapunan sa pag-aabogado kay Atong Ang dahil mas mahalaga raw para sa kanya ang maging miyembro ng private prosecutor sa impeachment kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio kaysa mag-abogado sa gambling tycoon na nasasangkot na mastermind sa pagpapapatay umano sa mga missing sabungero.


Marahil, napag-isip-isip ni Atty. Kapunan na sa impeachment trial, dahil siguradong live coverage ito ng mga TV networks ay magagawa niyang magpabida sa publiko, kumpara sa kaso ni Atong Ang na hindi niya magagawang magpabida dahil sa loob ng hukuman ay walang TV live coverage, boom!


XXX


MAY PUNTO SI SEN. DELA ROSA SA SINABING PINAPUTOK ANG ISYUNG WARRANT OF ARREST SA KANYA NG ICC PARA PAGTAKPAN ANG USAPING NASANGKOT ANG PANGALAN NI FL LIZA ARANETA-MARCOS SA PAGKAMATAY NI PAOLO TANTOCO – Ayon kay Sen. Ronald Dela Rosa ay diversionary tactic lang ng Malacanang ang inanunsyong ipapahuli siya ng Marcos administration kapag may warrant of arrest na sa kanya ang International Criminal Court (ICC) para raw mapagtakpan ang isyu na overdose daw sa paggamit ng cocaine ang ikinamatay ni Paolo Tantoco sa Amerika, kung saan nasasangkot dito ang pangalan ni First Lady Liza Araneta-Marcos.


May punto si Dela Rosa sa sinabi niyang ‘yan kasi mantakin n’yo, kainitan ang isyung nagdadawit sa pangalan ng First Lady sa pagkamatay ni Tantoco dahil sa overdose daw na paggamit ng cocaine, tapos sinabayan ito ng statement ni Executive Sec. Lucas Bersamin na kapag may warrant of arrest na ang ICC laban kay Sen. Dela Rosa ay aarestuhin daw nila ito para i-turnover sa The Netherlands, period!


XXX


HUBARAN NG MASKARA ANG GAMBLING LORD NA NAGBABAYAD NG P2M MONTHLY SA MGA VLOGGER NA NAGPU-PROMOTE NG ILLEGAL ONLINE GAMBLING -- Ibinulgar ni Deputy Executive Director Renato Paraiso ng Cybercrime Investigation and Coordinating Council (CICC) na nagkakamal daw ng P2 million kada buwan ang mga vlogger sa pagpu-promote ng mga illegal online gambling sa social media.


Kung totoo iyan, aba’y dapat gisahin nang todo ng CICC ang mga vlogger na ito para mahubaran ng maskara kung sino ang amo nilang gambling lord na nagbabayad sa kanila ng P2M monthly kapalit ng pagpu-promote ng mga illegal online gambling sa socmed, boom!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page