top of page

Video ni Zaldy Co, taob sa ‘pasabog’ ni Sen. Imee vs. PBBM

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 hours ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 19, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


TAOB ANG VIDEO NI ZALDY CO SA ‘PASABOG’ NI SEN. IMEE LABAN KAY PBBM -- Taob ang video na “pasabog” ni former Cong. Zaldy Co sa isyung nagpa-insert si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ng P100 billion sa Bicam at pagtanggap ng Presidente at pinsan nitong si former Speaker Martin Romualdez ng kickback sa flood control projects, sa pinasabog na isyu ni Sen. Imee Marcos na sugapa umano sa droga ang mag-asawang PBBM at First Lady Liza Araneta-Marcos, at ang kanilang mga anak.


Mas pinag-uusapan na kasi ngayon ng publiko ang atake ni Sen. Imee sa kanyang kapatid na Presidente, hipag at kanyang mga pamangkin kaysa sa atake ni Zaldy Co sa magpinsang PBBM at Cong. Romualdez, period!


XXX


ATE IMEE NA NIYA ANG NAGSANGKOT SA KANYA SA PAGGAMIT DAW NG DROGA KAYA’T DAPAT MAGPA-HAIR FOLLICLE DRUG TEST NA SI PBBM -- Ang panawagan noon ng magkakapatid na sina Vice Pres. Sara Duterte, Mayor Baste Duterte at Cong. Pulong Duterte kay PBBM na magpa-hair follicle drug test ito ay dinededma lang noon ng Presidente sa katuwirang fake news daw ang pagsasangkot sa kanya sa paggamit umano ng droga.


Ngayong mismong kapatid na niya, ate niya na si Sen. Imee ang nagsangkot sa kanya sa paggamit daw ng droga, ay dapat na talaga siyang magpa-hair follicle test at ipakita sa publiko ang resulta nito, boom!


XXX


MALI ANG AKALA NG MGA DDS NA PAMUMUNUAN NG INC ANG PEOPLE POWER PARA MAPATALSIK SI PBBM, HINDI PALA -- Hindi na itinuloy ng kapatiran ng Iglesia ni Cristo (INC) ang pangatlong araw sana nilang protesta kontra-corruption sa Quirino Grandstand sa kadahilanang pagod na raw ang kanilang mga kapatid sa relihiyon, at nasabi naman na raw nila ang mga dapat nilang sabihin na panawagan sa pamahalaan na panagutin lahat ng mga sangkot sa flood control projects scam.


Hindi man aminin ay tiyak masakit sa damdamin ng mga Duterte Diehard Supporters (DDS) ang desisyong ito ng INC dahil akala nila pamumunuan ng relihiyong ito ang People Power para patalsikin sa puwesto si PBBM, iyon pala ay hindi, kasi nga matapos sabihin ni INC spokesman Edwil Zabala na ang protesta ay laban lang sa corruption at hindi para pabagsakin ang Marcos administration, ay stop na rin ang pang-ikatlong araw nilang protesta kontra-katiwalian, period!


XXX


KARAMIHAN NG UPI MEMBERS, MGA DATING MAY PUWESTO SA DUTERTE ADMIN AT MARAHIL KAYA NANAWAGAN SILANG MAG-RESIGN SI PBBM PARA KAPAG SI VP SARA DUTERTE NA ANG PRESIDENTE, MAY PUWESTO ULI SILA SA GOBYERNO -- Nanawagan ang mga miyembro ng United People’s Initiative (UPI) kay PBBM na mag-resign na sa puwesto para si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio na ang magpatakbo ng bansa.


Para sa kaalaman ng publiko, karamihan sa mga miyembro ng UPI ay dating may mga posisyon sa panahon ng Duterte admin, at natanggal sila sa kanilang mga puwesto nang pumasok ang Marcos admin.


So, alam na ngayon ng ating mga kababayan kaya nananawagan ang UPI na mag-resign na si PBBM, kasi nga naman kapag si VP Sara na ang pangulo, magkakaroon uli sila ng mga posisyon sa Sara Duterte admin, boom!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page