Valdez, doble-kayod na para sa pagsabak sa PVL
ni VA / MC - @Sports | January 29, 2022

Bilang pangako, prayoridad pa rin ni volleyball phenom Alyssa Valdez ang laro at double time siya sa ngayon sa ensayo bago ang pagsapit ng bagong season ng Premier Volleyball League (PVL).
Umabot ng halos isang buwan si Valdez o huling quarter ng taong 2021 sa loob ng “Pinoy Big Brother” house si Valdez at tinitiyak niya sa fans na hindi siya mawawala sa upcoming season ng PVL.
Sa isang podcast interview ni Migs Bustos, sinabi ni Valdez na lumalarga na siya ngayon sa kanyang workout kasama ang iba pang teammates sa Creamline Cool Smashers.
“I've been actually working out kasi malapit naman po talaga sa priority ko talaga ay ang makapaglaro ng volleyball,” paliwanag ni Valdez.
“Yun ang ginagawa ko ngayon, nagwo-workout talaga. Nagdo-double time talaga para makahabol sa mga naiwan ko dito sa labas, lalo na 'yung team Creamline.”
Kakarekober pa lang din si Valdez sa COVID-19 at nakuha ang virus makaraang lumabas sa "Pinoy Big Brother” house.
Agad naman siyang nagpasabi ng intensiyon na magbabalik sa paglalaro ng volleyball sa isang Kumu livestream kasama si beauty queen Samantha Bernardo, isa sa kanyang co-housemates sa "Pinoy Big Brother."
"To everyone who's asking, na nagtatanong kung maglalaro po ako this coming season, definitely. At talagang maglalaro po ako," saad ni Valdez.
Natulungan ni Valdez ang Creamline na magtapos sa runner-up finish noong 2021 PVL Open Conference sa Ilocos Norte nang matalo sila sa Jaja Santiago-powered Chery Tiggo Crossovers sa isang makapigil-hiningang finals series.





Comments