top of page
Gelli de Belen - IG.jpg

Utol nasawi sa sagupaan, kapatid na nanaga napawalang-sala

Writer: BULGAR
BULGAR
1 hour ago
7 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Daing Mula sa Hukay | October 5, 2026



  • Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta

ISSUE #413



Naharap sa isang napakabigat na suliranin ang magkakapatid sa kuwentong aming ibabahagi sa araw na ito, na hango sa kasong may pamagat na People of the Philippines vs. Cecilio Molina y Edquila and Joel Pabillore (Criminal Case No. 1681-M (05), April 1, 2009). Ang gusot at hindi pagkakaintindihan sa pagitan ng magkapatid ay nauwi sa pagkamatay ng isa sa kanila. 


Samahan ninyo kami sa pagbabahagi ng kuwento ng magkakapatid na sina Rodulfo, Cecilio, Nicasio at Eduardo.


Si Rodulfo ay marahas na sinalakay at pinagtataga, na nauwi sa kagyat na pagkamatay nito. Naganap ang malagim na insidente bandang alas-8:30 ng umaga noong ika-20 ng Disyembre 2005, malapit sa bahay ng kanyang kapatid na si Nicasio sa Medina, Misamis Oriental. 


Ang mga pinaratangang pumaslang sa kanya ay ang isa pa niyang kapatid na si Cecilio at ang kasabwat diumano nito na si alyas “Lolong.” 


Nasakdal sina Cecilio at Lolong para sa kasong Homicide na inihain sa Regional Trial Court (RTC) ng Medina, Misamis Oriental.


Tumayo bilang mga saksi para sa Tagausig si Marivic, anak ni Rodulfo; si Dr. Enriquez, na sumuri kay Rodulfo; at si Eduardo, na isa ring kapatid ni Rodulfo.

Diumano, nabalitaan ni Marivic sa kanyang tiyahin na pinaslang ang kanyang ama ng kanyang tiyuhin na si Cecilio bunsod ng hidwaan sa lupa.


Subalit sa cross-examination, ibinahagi ni Marivic na hindi nabayarang utang ang pinag-ugatan ng pamamaslang sa kanyang ama.


Sa isinagawang re-cross-examination, ipinahayag ni Marivic na kasabwat si Lolong sa nasabing pamamaslang dahil sa pamumukol nito ng bato sa kanyang ama.


Batay sa testimonya ni Dr. Enriquez, nagtamo si Rodulfo ng mga malulubhang sugat mula sa pagkakataga sanhi ng isang matalas na bagay sa itaas na harap na bahagi ng kaliwang binti, sa likurang ibabang bahagi ng binti, at mga sugat sa ibaba ng kaliwang tuhod. Nagtamo rin ang biktima ng malubhang sugat sa harap ng tainga at mga sugat sa kaliwang braso sa ibabaw ng pulsuhan. Mayroon ding mga sugat sa kaliwang hinlalaki, hintuturo at palasingsingan ang biktima na maaari umanong bunsod ng kanyang pagsalag sa naganap na pananalakay.


Batay naman sa testimonya ni Eduardo, naabutan niya sina Lolong at Cecilio sa labas ng bahay ng isa pa nilang kapatid na si Nicasio noong umaga ng ika-20 ng Disyembre 2005. Ilang saglit lamang, dumaan diumano si Rodulfo na kasama si Alfredo. Nang mapansin diumano ni Rodulfo na naroon si Cecilio, bumalik ito at kinompronta ang huli patungkol sa hindi pa nababayarang utang sa kanya. Dahil hindi umano tumugon si Cecilio, kumuha ng bato si Rodulfo na ipinukol kay Cecilio. Nakatakbo umano si Cecilio sa loob ng bahay ni Nicasio at naisara pa ang pintuan, subalit nagkaroon pa rin ng mainit na pagtatalo sa pagitan ng dalawang magkapatid.


Nagpatuloy diumano sa pamumukol si Rodulfo at nang papasok na ito sa bahay ni Nicasio, nakakuha naman ng karit o pangtabas si Cecilio at nakiusap kay Rodulfo na ibaba na ang hawak nitong bato. Ibinaba naman umano ni Rodulfo ang bato, ngunit nang pababa na si Cecilio ay muli siyang pinukulan ng bato ni Rodulfo. Papunta na umano sa kalsada si Rodulfo at ibinaba na ang hawak nitong bato, ngunit hinabol diumano ni Cecilio si Rodulfo habang hawak ang karit.


Hindi umano nakita ni Eduardo ang mismong akto ng pananaga ni Cecilio kay Rodulfo. Gayunman, narinig niya umano na humingi ng tulong si Cecilio, subalit hindi niya ito nilapitan. Kanya naman umanong nakita na binato ni Lolong si Rodulfo, ngunit hindi niya nakita kung saang bahagi ng katawan ito tinamaan. Umalis na rin diumano siya noong nagpapambuno na ang kanyang dalawang kapatid, kung kaya't hindi na niya alam kung ano pa ang mga sumunod na nangyari.


Si Lolong, na nasakdal, ay kalaunang tumayo bilang state witness. 

Batay sa kanyang testimonya, kasama niya sina Cecilio at Benjie na nagtungo sa bahay ni Nicasio noong umaga ng ika-20 ng Disyembre 2005. Diumano, nakita ni Rodulfo roon si Cecilio at pinukol ng bato ang huli. Nakatakbo umano si Cecilio sa loob ng bahay ni Nicasio, ngunit nagpatuloy sa pamumukol ng bato si Rodulfo. Diumano, nakakuha ng karit si Cecilio at tinaga ang kaliwang braso at binti ni Rodulfo.


Nagpambuno umano ang magkapatid, natumba at gumulong sa kalsada. Narinig niya umano ang paghingi ng saklolo ni Cecilio dahil kinagat siya ni Rodulfo sa dibdib, ngunit hindi lumapit si Lolong. Naitulak pa umano ni Cecilio si Rodulfo at noong patayo na sila, hinamon diumano ni Rodulfo si Cecilio na tapusin na ang kanyang buhay. Muli umanong tinaga ni Cecilio si Rodulfo. Napaupo umano si Rodulfo at noong muli siyang sasalakayin ni Cecilio ay mayroong sumigaw. Sinabihan na rin umano siya ni Benjie na tumakbo na.


Kawalan naman ng kasalanan ang mariing iginiit ni Cecilio. Sa tulong at representasyon ng PAO-Medina, Misamis Oriental District Office, kanyang iginiit na makatuwirang pagtatanggol sa sarili lamang ang kanyang ginawa.


Diumano, bandang alas-7:00 ng umaga noong ika-20 ng Disyembre 2005, habang sila nina Lolong, Eduardo at Toto ay nakaupo sa labas ng bahay ni Nicasio, dumaan ang kanyang kapatid na si Rodulfo. Bumalik umano ito na mayroon nang hawak na bato at dalawang beses umano siyang pinukol nito ng bato. Bagaman umilag siya, tinamaan umano ng bato sa balikat si Cecilio.


Agad umano siyang pumasok sa bahay ni Nicasio, ngunit pinagpupukol pa rin siya ni Rodulfo at tinamaan nga siya sa puwetan. Habang itinutulak diumano ni Rodulfo ang pintuan ng nasabing bahay ay nakakita siya ng karit. 


Noong muli siyang pukulin ng bato ni Rodulfo, tinaga niya umano ang braso nito, at muli na naman siyang pinukol ng bato ni Rodulfo, kung kaya't tinaga niya ito sa binti.

Nahawakan diumano ni Rodulfo ang kanyang kamay at sila ay nagpambuno.


Pumaibabaw umano sa kanya si Rodulfo at sinubukan na kunin ang karit ngunit hindi ito nagtagumpay. Kinagat diumano ni Rodulfo ang kanyang dibdib, kung kaya't tinaga niyang muli ang binti nito. Itinulak niya umano si Rodulfo, ngunit wala umano siyang balak na paslangin ang kapatid. Hinamon pa umano siya ni Rodulfo na tapusin na ang buhay nito, ngunit hindi umano niya kayang gawin iyon dahil sila ay magkapatid. Matapos ang insidente ay sumuko na rin si Cecilio sa pulis.


Iginiit din ni Cecilio na wala siyang pagkakautang kay Rodulfo at na hindi ito ang sanhi ng insidente. Bagaman mayroon silang hindi pagkakaunawaan dahil sa itinatayong bahay ni Rodulfo sa kanyang lupa, hindi rin umano rito nag-ugat ang insidente. Pagkakita umano sa kanya ni Rodulfo noong umagang iyon, nagwika lamang ito na,


“Nandito pala ang mabait kong kapatid na lalaki” at bigla na siyang pinukol ng bato.

Tumayo rin bilang saksi para sa Depensa si Nestor. Diumano, kasama niya si Cecilio na nagtungo sa bahay ni Nicasio noong umaga ng ika-20 ng Disyembre 2005. Wala pa umano si Nicasio, kung kaya't umupo muna sila sa gilid ng nasabing bahay. Mayroong dalawang tao na dumaan, ngunit hindi niya umano kilala kung sino ang mga ito.


Diumano, bumalik ang isa at nagsabi ng “Nandito pala ang mabait kong kapatid” at “Papatayin kita”. Hindi umano sumagot si Cecilio, subalit bigla namang kumuha ang naturang lalaki ng bato at ipinukol ito kay Cecilio. Hindi niya umano nakita kung tinamaan si Cecilio dahil bigla siyang napatalon at nagtago sa madamong bahagi sa likod ng bahay ni Nicasio.


Patuloy diumano sa pamumukol ng bato ang naturang lalaki, sinundan si Cecilio hanggang ang isang paa nito ay nakapasok na sa bahay ni Nicasio. Lumabas umanong muli ang naturang lalaki at kumuha ng dalawang bato. Nang makaharap nitong muli si Cecilio at subukang mamukol ng bato, tinaga umano ni Cecilio ang kaliwang braso nito gamit ang may-apat na pulgadang karit.


Sinubukan muli ng naturang lalaki na pukulin ng bato si Cecilio, kung kaya't tinaga umano ni Cecilio ang kaliwang binti nito. Noong nagpapambuno na umano ang dalawa ay napagulong sila sa gilid ng kalsada. Narinig niya umano na humingi ng tulong si Cecilio dahil kinagat ang kanyang dibdib, ngunit dahil sa takot, hindi siya lumapit.


Matapos marinig ng hukuman ng paglilitis ang parehong panig, nakamit kaya ng namayapang si Rodulfo ang hustisya? O depensa ng pagtatanggol ni Cecilio sa kanyang sarili ang kinatigan ng hukuman?


Bagama’t hindi kaila sa hukuman ng paglilitis na binawian ng buhay si Rodulfo mula sa mga tinamo niyang malulubhang sugat bunsod ng insidenteng naganap sa kanila ni Cecilio, hindi rin napag-alinlanganan ng hukuman ng paglilitis ang mga katotohanang kapwa inilahad ng Tagausig at Depensa—na pinagpukulan ni Rodulfo ng bato ang kanyang kapatid na si Cecilio bandang alas-8:30 ng umaga ng ika-20 ng Disyembre 2005 sa harap ng bahay ng kanilang kapatid na si Nicasio, dahilan upang tumakbo ang huli sa loob ng nasabing bahay; na kahit nasa loob na si Cecilio ay patuloy pa rin ang pamumukol ng bato ni Rodulfo at sinubukan pa nitong pasukin ang loob ng bahay; na nang makakita ng karit si Cecilio ay tinaga niya si Rodulfo; na tinangka ni Rodulfo na kunin ang nasabing karit, dahilan upang mataga itong muli; na nagpambuno ang magkapatid, gumulong sa kalsada at, bagaman hawak ni Cecilio ang karit, sigaw niya ng paghingi ng saklolo ang narinig dahil siya ay kinagat ni Rodulfo sa dibdib.


Sa kasong ito, kinatigan ng RTC Medina, Misamis Oriental ang panig ng Depensa. 

Binigyang-diin ng hukuman ng paglilitis ang mga kinakailangang elemento upang maitaguyod ang justifying circumstance na self-defense, alinsunod sa Artikulo 11 ng ating Revised Penal Code: 


(1) Mayroong unlawful aggression o hindi makatarungang pagsalakay ng biktima; (2) mayroong reasonable necessity o makatuwirang pamamaraan na ginawa ng taong dumedepensa sa kanyang sarili; at (3) walang sapat na pang-uudyok o lack of sufficient provocation sa parte ng taong dumedepensa sa kanyang sarili upang siya ay salakayin ng biktima.


Para sa hukuman ng paglilitis, naitaguyod ng ebidensya ng magkabilang panig na makatuwirang pagtatanggol sa sarili ang ginawa ni Cecilio. 

Ayon pa sa hukuman, kahit pa sabihin na ang pagtatanggol ng nasasakdal sa kanyang sarili ay hindi lisensya upang paslangin niya ang biktima na gumawa ng hindi makatarungang pagsalakay, hindi rin maaaring asahan na makakapag-isip nang malinaw ang nasasakdal upang makapagtimpi o makontrol ang kanyang mga kilos.


Dahil dito, minarapat ng hukuman ng paglilitis na igawad kay Cecilio ang hatol ng pagpapawalang-sala. Ang Desisyong ito ng RTC Medina, Misamis Oriental, na nilagdaan noong ika-1 ng Abril 2009, ay hindi na inapela o kinuwestyon pa.


Naging malinaw, batay sa ibinabang desisyon ng hukuman, na hindi ninais ni Cecilio na sa mismong mga kamay niya magwakas ang buhay ng sarili niyang kapatid. Hindi man napatawan ng kaparusahan si Cecilio, nawa ay nagdala pa rin ang hatol ng hukuman ng katahimikan sa kaluluwa ni Rodulfo. At kung sila man ay magkita nang muli ni Cecilio sa kabilang buhay, nawa ay magkaroon sila ng pagkakaayos at pagkakapatawaran para na rin sa kapwa nilang kapayapaan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page