top of page
BIDA - DENNIS KAY GELLI- SISIHIN MO ‘YUNG NAGSIMULA NG GULO_IG _dennistrillo & _gellidebel

Karapatan laban sa hindi responsableng pagparada ng sasakyan sa kalsada

Writer: BULGAR
BULGAR
16 hours ago
2 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 4, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Sadyang wala sa ating mga mamamayan ang maaaring mag-angkin ng mga kalsada sapagkat ang mga ito ay pag-aari ng publiko at nakalaan para sa paggamit ng mga mamamayang Pilipino para sa kanilang paglalakbay. Bilang pag-aari ng publiko, mayroong mga batas na itinalaga para bigyan ng regulasyon ang paggamit sa mga ito. Isa rito ang Republic Act (R.A.) No. 4136 o ang Land Transportation & Traffic Code. 


Sa Chapter IV, Article 46, ng nabanggit na batas, nasusulat ang mga sumusunod: 

“SECTION 46. Parking Prohibited in Specified Places. – No driver shall park a vehicle, or permit it to stand, whether attended or unattended, upon a highway in any of the following places:

(a) Within an intersection.

(b) On a crosswalk.

(c) Within six meters of the intersection of curb lines.

(d) Within four meters of the driveway entrance to and fire station.

(e) Within four meters of a fire hydrant.

(f) In front of a private driveway.

(g) On the roadway side of any vehicle stopped or parked at the curb or edge of the highway.

(h) At any place where official signs have been erected prohibiting parking.” 


Nakasaad dito, partikular na sa letrang “f”, na bawal para sa isang driver na iparada ang dala niyang sasakyan sa isang highway na nasa tapat ng isang pribadong driveway. Samakatuwid, ipinagbabawal ng batas ang pagpaparada ng sasakyan sa harap ng isang bahay, lalo pa nga at mahaharangan nito ang daanan na maaaring makaabala sa paglabas ng mga taong nasa loob ng bahay na nahaharangan lalo na sa panahon na mayroon silang emergency. 


Ang paglabag sa probisyon na ito ay pinarurusahan sa ilalim ng Chapter V, Article I, Section 56 (g) ng nasabing batas, kung saan nakasaad na: 

(g) Violation of Sections thirty-two, thirty-four (a), (b), and (b-1), thirty-five and forty-six, a fine not exceeding one hundred pesos: xxx xxx. 

 

May katagalan na ang R.A. No. 4136 na nagtalaga ng kaparusahan sa ganitong uri ng paglabag, kaya kung papansinin natin ay tanging multa lamang na isang daang piso (P100.00) ang kaparusahan. Noong Hunyo 20, 1964 pa ay umiiral na kasi ang batas na ito at marahil ay napapanahon na para ito ay bisitahing muli para ma-update ang mga penalties na nakapaloob rito. Parami nang parami na rin ang mga sasakyan. Pero para sa kaayusan, ang mabuting gawin ng naagrabyadong tao ay kausapin muna nang maayos ang kapitbahay na nagparada ng kanyang sasakyan at pakiusapan siyang matutong magparada nang responsable. Kapag hindi siya makinig, maaaring idulog ang problema sa nakasasakop na barangay para sila ay makagawa ng aksyon at maiwasan ang hindi pagkakaunawaan. 



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page