top of page

Utang na walang interes, good news para sa mga first-time OFWs

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | February 24, 2026



Boses by Ryan Sison


Karapatan ng bawat nangangarap na mangibang-bansa ang makaalis nang hindi nababalot ng utang at pangamba.


Sa paghahain ng Senate Bill No. 1696, o ang OFW Pre-employment Loan Assistance Act, binibigyang-diin na ang pag-asa ng pamilyang Pilipino ay hindi dapat samantalahin ng mapagsamantalang nagpapautang bago pa man makalipad ang isang OFW.


Nilalayon ng panukala na magbigay ng pautang na hanggang ₱100,000 na walang interes upang masalo ang gastusin sa pre-departure, tulad ng placement fees, medical at psychological exams, training, pamasahe, at visa. Ito ang mga karaniwang dahilan kung bakit napipilitan ang aplikanteng OFW na humiram sa loan sharks na may malulupit na interes, na nagiging pasanin hanggang sa unang sahod—o higit pa.


Batay sa karanasan sa mga action center, madalas makita ang mga OFW na napipilitang mangutang sa hindi makatarungang termino para lamang makumpleto ang requirements. Dito pumapasok ang saysay ng panukala: proteksyon bago ang sakripisyo.


Sa ilalim ng bill, ang mga OFW na may overseas employment contract ay maaaring mag-apply ng loan na pamamahalaan ng Department of Migrant Workers (DMW) katuwang ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). Walang interes sa unang taon, at pagkatapos nito, ang anumang interes ay iaakma sa umiiral na government lending rates.


Prayoridad ang mga first-time OFW para sa mas mabilis na proseso at mas mahabang palugit sa pagbabayad, na aabot hanggang 18 buwan. Hindi lamang pautang ang iniaalok—kasama rin ang financial literacy orientation at libreng debt management programs bago ang deployment. Ibig sabihin, hindi lang pera ang puhunan, kundi kaalaman para sa mas matalinong desisyon kapag nagsimulang kumita.


Ang panukalang ito ay praktikal at makatao. Kapag nabawasan ang utang bago pa man makaalis, mas nagiging buo ang lakas ng OFW sa pagtatrabaho at mas maayos ang padala sa pamilya.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page