top of page
RUN WILD - BARBIE, NAPABILIB SI ALDEN SA PAGIGING WILD-IG _barbaraforteza.jpg

US-Israel vs. Iran war sumisiklab na naman, mga ‘Pinoy, sakit-ulo uli sa presyo ng langis

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 12
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 12, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


SA PANANAKOP NG MGA DAYUHAN LANG NAKALAYA, HINDI SA MGA KURAKOT SA PAMAHALAAN — Araw ng Kalayaan ngayon, na nangangahulugang 128 taon na mula nang makalaya ang mga Pilipino sa pananakop ng mga dayuhan.


Ang masaklap, nakalaya man tayo sa mga dayuhan, tila mga kurakot naman sa pamahalaan ang pumalit na nagpapahirap sa mamamayan.


Kailan naman kaya tunay na makakalaya ang mga Pilipino sa mga “buwaya” sa gobyerno? Boom!


XXX


SA KUPAD NG MARCOS ADMIN, MAS NAUNA PANG MAGDALA NG RELIEF GOODS SINA VP SARA AT SEN. BONG GO SA MGA BIKTIMA NG LINDOL KAYSA SA NATIONAL GOV'T. — Nang humupa ang lindol sa Mindanao, makikita sa social media na mas nauna pang nakapaghatid ng relief goods sina Vice President Sara Duterte at Sen. Bong Go sa mga biktima kaysa sa national government.


Ang nais lamang nating ipunto rito ay kung pagresponde at paghahatid ng ayuda ang pag-uusapan, simbilis ng kidlat ang naging aksyon nina VP Sara at Sen. Bong Go, samantalang napakabagal naman ng naging tugon ng Marcos administration. Period!


XXX


3% NI SEN. RISA HONTIVEROS SA PRESIDENTIAL SURVEY MAPAPAKO, HINDI NA MADADAGDAGAN KASI HINDI SIYA IBOBOTO NG MGA 'KAKAMPINKS' — Mula nang ilunsad ng Akbayan at Magdalo ang kampanyang “Risa Na,” na may kahulugang “Risa Hontiveros for President” sa 2028 presidential election, ay hindi na tumigil ang ilang Kakampink sa pambabatikos sa senadora sa social media.


Hindi kasi nagustuhan ng mga ito na habang nananawagan sila kay Naga City Mayor Leni Robredo na kumandidato sa pagkapangulo, ay isinabay naman ng Akbayan at Magdalo ang kampanyang “Risa Na” para sa 2028 elections.


Kaya kung sakaling hindi na tumakbo sa pagkapangulo si Mayor Leni, huwag nang umasa si Sen. Risa na makukuha niya ang boto ng mga Kakampink. Ibig sabihin, maaaring manatili na lamang sa 3% ang kanyang suporta sa presidential survey at hindi na madagdagan pagdating ng halalan sa 2028. Saklap!


XXX


NAGBOMBAHAN NA NAMAN ANG US-ISRAEL VS. IRAN KAYA DAMAY NA NAMAN ANG ‘PINAS SA OIL CRISIS — Balik-giyera na naman sa Middle East matapos muling magpalitan ng pag-atake ang Amerika-Israel vs. Iran. Dahil dito, muling nabuhay ang pangamba sa pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.


Hay naku, kahit hindi direktang kasali ang Pilipinas sa digmaang ito, damay pa rin ang mga Pinoy dahil tiyak na mararamdaman ang epekto ng pagmahal ng langis. Kapag nagpatuloy ang tensyon sa Middle East, posibleng sumiklab na naman ang oil crisis na tiyak na magpapabigat sa bulsa ng mamamayan. Tsk!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page