Unang Linggo ng Disyembre, idineklara bilang National Government Employees Week
- BULGAR

- 5 hours ago
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | March 4, 2026

Dear Chief Acosta,
Hindi maikakaila ang malaking tulong ng mga empleyado ng gobyerno sa ating bansa para matugunan ang ilan sa mga pangangailangan ng mga Pilipino. Kung kaya nais kong malaman kung may batas ba na kumikilala sa nasabing mga empleyado at may panahon ba na nakalaan sa batas upang ipagbunyi ang kanilang pagkakakilanlan?
— Andres, Jr.
Dear Andres, Jr.,
Ang kasagutan sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Proclamation No. 1130 na ipinalabas noong ika-11 ng Nobyembre, taong 1997, kung saan nakasaad na:
“NOW, THEREFORE, I, FIDEL V. RAMOS, President of the Philippines, by virtue of the powers vested in me by law, do hereby declare the first week of December of every year as National Government Employees Week under the auspices of the Philippine Government Employees Association and other government employees organizations.”
Malinaw na nakasaad sa nasabing proklamasyon na ipinagdiriwang ang National Government Employees Week tuwing unang Linggo ng buwan ng Disyembre. Ayon dito, kinikilala ng ating gobyerno na ang kahusayan ng serbisyo-publiko ay lubos na nakabatay sa pagganap at dedikasyon ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno. Dahil dito, importante at kinakailangan magkaroon ng pagkakilanlan sa sinasabing best effort na ibinibigay ng bawat kawani ng gobyerno upang sila ay lalong hikayatin na pagbutihin ang kanilang trabaho. Ang isa sa mga nakikitang insentibo tungo sa kahusayan sa serbisyo-publiko ay ang pagtuunan ng pansin ang mga napakahalagang serbisyong ibinibigay ng mga karapat-dapat na empleyado ng gobyerno at bigyang-diin ang kanilang napakahalagang kontribusyon sa pagbuo ng bansa.
Gayunpaman, hindi lamang mga empleyado sa gobyerno ang nararapat mabigyan ng pagkakilanlan ngunit lahat ng empleyado na nagbibigay serbisyo para sa bayan. Ito ay upang patuloy na makaramdam ng suporta ang lahat mula sa ating gobyerno at ito ay magbigay kaligayahan sa bawat empleyado. Kung kaya, nararapat din na magkaroon ng selebrasyon para sa mga empleyado ng gobyerno na siyang ginugunita tuwing unang Linggo ng Disyembre kada taon.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




Comments