top of page

Tungkulin ng nagpapaupa na ipaayos ang ari-ariang pinauupahan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 19 hours ago
  • 2 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | March 29, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Marami pa rin sa ating mga kababayan ang hindi pa kayang magkaroon ng kanilang mga sariling tahanan dahil wala pa silang sapat na kakayahang pinansyal upang magpatayo o bumili nito. Kaya naman, habang hindi pa nila ito kaya ay pansamantala muna silang nangungupahan at ang inuupahang bahay ang nagsisilbing tahanan nila at ng kanilang mga pamilya. Sila ay magbabayad ng kaukulang renta kapalit ng kanilang maayos na paninirahan sa nasabing lugar na inuupahan.


Kapag mayroong sira dala ng tagal na paggamit sa lugar na inuupahan, sila ay may karapatang hilingin sa nagpapaupa na ipaayos ang mga ito para manatiling kaaya-aya habang sila ay nananatili rito. Malinaw na nakasaad sa Artikulo 1654 ng New Civil Code of the Philippines, obligasyon ng isang lessor o nagpapaupa na:


“Art. 1654. The lessor is obliged:

(2) To make on the same during the lease all the necessary repairs in order to keep it suitable for the use to which it has been devoted, unless there is stipulation to the contrary.” 


Dagdag pa rito, sa Artikulo 1663 ng parehas na batas, binigyang-diin naman ang obligasyon ng isang lessee o nangungupahan sa pagsasabi sa lessor ng mga kinakailangang repairs:


“Art. 1663. The lessee is obliged to bring to the knowledge of the proprietor, within the shortest possible time, every usurpation or untoward act which any third person may have committed or may be openly preparing to carry out upon the thing leased.


He is also obliged to advise the owner, with the same urgency, of   the need of all repairs included in No. 2 of Article 1654.


In both cases the lessee shall be liable for the damages which, through his negligence, may be suffered by the proprietor.


If the lessor fails to make urgent repairs, the lessee, in order to avoid an imminent danger, may order the repairs at the lessor's cost.” 


Maliwanag sa mga nabanggit na probisyon ng batas na maliban kung mayroong istipulasyon o kasunduan na kontra rito, sa mga kinakailangang ayusin na sira sa isang ari-ariang pinauupahan, obligasyon ng lessor o nagpapaupa na gawin ito at ang tanging obligasyon ng lessee o nangungupahan ay ang kagyat na ipaalam sa lessor o nagpapaupa ang pangangailangang ayusin ang nasabing sira. Kung walang gagawin ang lessor o nagpapaupa hinggil sa mga kinakailangang gawin, maaaring ipagawa ito ng lessee o nangungupahan kung saan ang pagbabayad o pananagutan sa gastusin ay maipapataw sa lessor o nagpapaupa.


Kaya kapag ang nangungupahan ay nagsabi sa nagpapaupa na may mga kinakailangang ayusin sa inuupahan na maaaring magdulot ng pinsala sa nangungupahan kapag hindi naayos, ay kinakailangan niyang ipagawa ito o kaya naman ay papayagan niyang ipagawa ito ng nangungupahan at anumang gastusin para rito ay maaaring ibawas sa upa ayon sa kanilang pag-uusapan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page