top of page

Tuluy-tuloy na serbisyo para sa mga Pilipino

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 day ago
  • 3 min read

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | April 8, 2026



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Pagkatapos ng Semana Santa, balik na naman tayo sa normal na takbo ng buhay. Trapik, biyahe, trabaho, gastos—lahat sabay-sabay bumabalik. Pero hindi lang basta pagbabalik ang kinakaharap ng marami nating kababayan ngayon. Kasabay nito ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na direktang tumatama sa pamasahe, sa presyo ng pagkain, at sa pang-araw-araw na gastusin.


Bilang lingkod-bayan, malinaw sa akin na ang pinakaapektado rito ay ang mga ordinaryong Pilipino—mga manggagawa, tsuper, maliliit na negosyante, at mga pamilyang kapos na nga, lalo pang pinipiga ng sitwasyon. Lagi kong sinasabi na para sa akin, ang mahalaga ay ang kapakanan ng mga walang-wala sa buhay. Hindi puwedeng ipagwalang-bahala ang laman ng sikmura ng ating mga kababayan.


Ngayong tapos na ang panahon ng pagninilay, dala pa rin natin ang bigat ng krisis sa langis. Kaya mahalaga na may malinaw at konkretong mga hakbang na ginagawa para makatulong sa mga Pilipino na nahihirapan.


Hindi sapat ang pansamantalang solusyon. Kailangan tuluy-tuloy ang suporta, lalo na sa mga sektor na direktang naaapektuhan. Ang mga tsuper na araw-araw nakikipagsapalaran sa kalsada, ang mga manggagawang umaasa sa arawang kita, at ang mga pamilyang nagtitipid para lang makaraos—sila ang dapat unang maramdaman ang tulong. Dapat maramdaman nila na may umaalalay sa kanila sa ganitong panahon. Higit sa lahat, dapat walang sektor na maiwan. Kaya nananawagan ako sa Executive Department na maglatag ng kongkretong plano para tumugon sa matinding epekto ng krisis sa langis sa pamumuhay ng mga Pilipino, lalo na ang mga mahihirap.


Sa abot ng aking makakaya bilang mambabatas, anumang programa o batas na kailangang isulong para maibsan ang paghihirap ng ating mga kababayan ay susuportahan at ipaglalaban ko.


Samantala, noong April 6, personal na dinaluhan natin ang turn-over ng bagong Super Health Center sa Tulunan, Cotabato. Sa parehong araw, dumalo rin tayo sa turn-over ng isa pa sa San Fernando, Bukidnon. Bilang Vice Chairperson ng Senate Committee on Health, patuloy kong susuportahan ang mga programang makakapaglapit ng serbisyo medikal sa ating mga kababayan.


Kinabukasan naman, April 7, nakibahagi tayo sa 109th founding anniversary ng bayan ng Manolo Fortich sa Bukidnon. Kasabay rin nito ang pagdiriwang na kanilang Banog-Banog Festival.


Sinundan ito ng pagdalo natin sa turn-over naman ng bagong pedestrian overpass sa Kibawe sa parehong probinsya. Ang proyektong ito ay sinuportahan natin bilang Vice Chairperson ng Senate Committee on Finance. Muli kong pinapaalalahanan ang kababayan natin, mag-ingat po tayo palagi sa ating pagbyahe!


Noong nakaraang linggo rin, tumulong ang aking team sa iba’t ibang kababayan, kabilang ang mga biktima ng sunog sa Malabon City; Bacoor City, Cavite; Pasay City; at Parañaque City. Tumulong din tayo sa mga tricycle drivers sa Dinalupihan, Bataan.


Nagbigay rin ng suporta ang aking team sa mga nagsipagtapos mula sa Basilan National High School sa kanilang Commencement Exercises. Namahagi rin tayo ng assistance sa mga TESDA graduates sa Iligan City, Lanao del Norte.


Sa mga susunod na araw, patuloy nating babantayan ang pagbibigay ng tulong sa mga sektor na direktang naaapektuhan ng mga hamong pang-ekonomiya. Mananatili ang aking paninindigan na magtrabaho at tumulong sa mga nangangailangan, dahil bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page