- BULGAR
- 2 days ago
ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | October 24, 2025

Kaisa ako ng sambayanang Pilipino na sumusuporta sa anumang imbestigasyon hinggil sa mga anomalya sa flood control at mga ghost project. Dapat managot ang lahat ng may kinalaman sa kalokohang ito na nagpapahirap sa ating bayan. Ang taumbayan ay matagal nang naghihintay na maparusahan ang mga tunay na mastermind ng katiwalian.
Bilang inyong senador, kaisa ako ng mga Pilipino sa krusada laban sa korupsiyon. Nanawagan ako sa lahat ng imbestigador ng gobyerno — ungkatin natin ang katotohanan. Hinihikayat ko rin ang mga saksi na ilantad ang buong katotohanan. Kung malinis ang konsensya, walang dapat katakutan. Kung wala kang ginawang masama, wala kang dapat itago.
Sa buong buhay ko, lalo na bilang lingkod-bayan, lagi kong pinanghahawakan ang delicadeza. Inaalagaan ko ang aking dangal at pangalan. Hindi ko sasayangin ang tiwalang ibinigay ng ating mga kababayan. Naninindigan ako para sa pananagutan at katapatan sa serbisyo.
Hindi papayag ang mga Pilipino na malinlang o lituhin ng mga may gustong itago ang katotohanan. Kailangang magkaisa tayong lahat — mula sa karaniwang mamamayan hanggang sa pinakamataas na opisyal — para tapusin ang ganitong uri ng katiwalian.
Panahon na para managot ang mga tunay na salarin. Dapat matapos ang isyung ito nang malinaw at tapat upang makabalik ang lahat ng kawani ng gobyerno sa kanilang tunay na tungkulin, ang maglingkod nang tapat sa taumbayan.
Ngayon higit kailanman, kailangang magkaisa tayo laban sa korupsiyon. Ang laban na ito ay laban ng bawat Pilipino. Sama-sama nating ipaglaban ang katotohanan at integridad sa pamahalaan.
Samantala, bilang adopted son ng Maragondon, Cavite, personal kaming nakipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan ng Maragondon, sa pangunguna ni Mayor Lawrence Arca, upang magbigay ng tulong pinansyal sa 2,930 senior high school at college students noong October 16.
Noong nakaraang linggo naman, walang sawang nag-ikot ang ating Malasakit Team sa iba’t ibang komunidad upang maghatid ng karagdagang tulong. Agad nilang tinulungan ang mga biktima ng sunog sa Caloocan City.
Nagbigay din tayo ng dagdag na tulong sa mga biktima ng sunog na unti-unti nang nakakabangon sa Bacoor City, Cavite, na nakatanggap din ng tulong mula sa pambansang pamahalaan upang muling makapagsimula.
Bukod dito, namahagi rin ng tulong ang ating Malasakit Team sa mga kababayan nating naapektuhan ng pagbaha sa Malita, Davao Occidental.
Sa tulong ng pambansang pamahalaan, nakapagbigay din tayo ng dagdag na tulong sa mga mahihirap na solong magulang sa Cebu City. Nagpaabot din tayo ng tulong sa mga bagong TESDA graduates sa Palawan.
Bilang lingkod-bayan, wala akong ibang hangarin kundi ang ikabubuti ng ating bansa at ang makamit natin ang hustisyang nararapat para sa bawat Pilipino. Patuloy akong makikipagtulungan sa anumang imbestigasyon at maglilingkod nang buong puso sa ating mga kababayan, sa abot ng aking makakaya — dahil bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.




