top of page
Faith Da Silva at Sam Verzosa - IG.jpg

Trillanes, baka sa kulungan mauna kaysa sa pagpapabagsak kay VP Sara

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 14 hours ago
  • 3 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 23, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


CRYING LADY SENATOR, HINDI BAGAY MAMUNO SA SENATE BLUE RIBBON COMMITTEE, KAYA DAPAT NA ITONG IPASA KAY SEN. MARCOLETA – Ang pag-iyak ni Sen. Pia Cayetano sa Senado ay ikinokonsidera ng ilan bilang senyales ng pagiging emosyonal sa gitna ng matitinding usapin sa politika. Dahil dito, may mga nagsasabing hindi umano siya nararapat mamuno sa Senate Blue Ribbon Committee.

May mga naniniwala rin na mas bagay umano kay Sen. Rodante Marcoleta ang pamumuno sa naturang komite dahil sa kanyang matapang at agresibong estilo sa pagdinig at pag-iimbestiga.


Gayunman, hindi rin dapat gawing batayan lamang ang pagiging emosyonal ng isang opisyal upang husgahan ang kakayahan nitong mamuno. Ang mahalaga pa rin ay kung paano niya ginagampanan ang kanyang tungkulin at pinamumunuan ang komite sa patas at maayos na paraan. Boom!


XXX


BARA-BARANG PAG-ARESTO NG NOO'Y POLICE GEN. NICOLAS TORRE KAY FPRRD, ‘DI TUTULARAN NI PNP CHIEF. NARTATEZ – Marami ang nagalit noon kay dating Police Gen. Nicolas Torre dahil sa umano’y bara-barang pag-aresto kay former President Rodrigo Roa Duterte (FPRRD), na nahaharap sa kasong crimes against humanity sa International Criminal Court. Matindi rin ang naging pambabatikos sa kanya matapos kumalat ang video kung saan sinabi niyang “kakaladkarin” niya ang dating pangulo.


Ayon naman kay Jose Melencio Nartatez, sisikapin ng Philippine National Police na maipatupad nang maayos ang anumang proseso kaugnay kay Sen. Ronald Dela Rosa, na nahaharap din sa kasong crimes against humanity sa ICC. Bagama't hindi siya ituturing na VIP, tiniyak na ang anumang operasyon ay isasagawa nang may due process at paggalang sa karapatang pantao.


Maganda ang ganitong pananaw ni Gen. Nartatez dahil sa totoo lang, sa naging kontrobersyal na aksyon noon ni Torre, hindi lamang siya ang nabatikos ng publiko kundi maging ang buong PNP. Period!


XXX


TRILLANES, KINASUHAN NG PERJURY NI ATTY. MANS KAYA BAKA MAKULONG ANG DATING SENADOR TAPOS HINDI MA-IMPEACH SI VP SARA – Nagsampa ng kasong perjury si Atty. Mans Carpio, mister ni Sara Duterte, sa Pasig City Regional Trial Court laban kay Antonio Trillanes dahil umano sa mga maling pahayag at paratang nito laban sa kanya at sa pamilya Duterte sa pagdinig ng House Justice Committee kaugnay ng impeachment complaint.


Kabilang umano sa mga ibinintang ni Trillanes ang pagkakaroon daw ng hidden wealth ng mag-asawa at ang pagkakadawit ng pamilya Duterte sa ilegal na droga sa bansa.

Kaya naman, kapag napatunayang guilty si Trillanes sa kaso, posibleng mas mauna pa siyang makulong kaysa matupad ang hangarin nila ng ilang anti-Duterte congressmen na ma-impeach si VP Sara. At kung sakaling hindi pa ma-impeach ang bise presidente, maaari pa rin itong tumuloy sa pagtakbo sa 2028 presidential election. Saklap naman niyan para sa mga kalaban niya. Boom!


XXX


CALOOCAN CITY 3RD DIST. REP. DEAN ASISTIO, NAKALUSOT MAN SA ICI PERO HINDI KAY FORMER MAYOR REY MALONZO – Nagsampa si dating Caloocan City Mayor Rey Malonzo ng kasong malversation of public funds through falsification of public documents at graft laban kay Caloocan City 3rd District Rep. Dean Asistio kaugnay ng umano’y maanomalyang P79 milyong flood control projects sa lungsod.


Marahil ay inakala ni Cong. Asistio na ligtas na siya sa isyu ng flood control scandal dahil hindi siya kabilang sa mga inirekomendahan noon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na sampahan ng kaso sa Ombudsman. Ngunit tila hindi pa rito nagtatapos ang usapin dahil mismong dating alkalde ng lungsod ang naghain ng reklamo laban sa kanya sa Ombudsman. Period!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page