Transport workers, winawalanghiya raw ng sabwatang Marcos admin at oil companies
- BULGAR

- 1 hour ago
- 3 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 3, 2026

TRANSPORT WORKERS MASYADONG WINAWALANGHIYA NG MARCOS ADMIN AT MGA OIL COMPANIES — Sabi ni Manibela Transport Organization President Mar Valbuena, ang may gawa raw ng krisis sa langis sa bansa ay ang Marcos administration at kasabwat nitong mga oil company, at hindi ang giyera sa Middle East.
Aniya, napakarami pa naman daw kasing stock na krudo sa Pilipinas nang maganap ang digmaan sa Middle East, pero ang ginawa raw ng Marcos admin at mga kasabwat na oil companies ay itinaas ang presyo ng mga nakaimbak na langis sa bansa at bukod d’yan, sa mga bansa naman daw sa Asia Pacific umaangkat ng mga produktong petrolyo ang gobyerno, pero ang laki raw ng ipinipresyo rito ng mga kumpanya ng langis.
Kumbaga, parang sinabi na rin ni Valbuena na masyadong winawalanghiya na ng Marcos admin at mga oil company ang transport workers sa ‘Pinas, boom !
XXX
LUBAYAN NA NG SC ANG PAKIKIALAM SA IMPEACHMENT PARA HINDI SILA NASOSOPLA NI TITO SEN — Sa dictionary, ang kahulugan ng “forthwith” na nasa Konstitusyon ay immediately, without delay sa mga impeachment cases na naisasampa sa Senado, pero sa inilabas na desisyon ng 14 sa 15 mahistrado ng SC, iniba nila ang depinisyon nito, na ang tunay na kahulugan daw nito (forthwith) ay “reasonable time, not immediately” na hindi raw dapat minamadali ang paglilitis sa sinumang nahaharap sa impeachment cases.
Ang bagong desisyon na iyan ng SC ay sinopla ni Senate President Tito Sotto, kasi ayon sa kanya kapag naisampa na sa Senado ang mga Articles of Impeachment laban kay Vice Pres. Sara Duterte ay “the following day” ay aaksyunan niya agad ito, kasi ang tunay na kahulugan daw ng “forthwith” ay immediately, without delay.
Sa totoo lang, base sa Konstitusyon ay walang paki ang Korte Suprema sa mga impeachment cases kasi hindi naman nila sakop ang impeachment court at ang may mandato rito ay Senado, at para hindi sila nasosopla ni Tito Sen ay dapat lubayan na ng mga mahistrado ang pakikialam sa kasong impeachment na kinakaharap ni VP Sara, period!
XXX
PARANG INAMIN NI MANONG CHAVIT NA SI MAYORA LENI ANG KATAPAT NI VP SARA SA 2028 PRESIDENTIAL ELECTION — Sa interview ng Bilyonaryo News Channel kay former Gov. Chavit Singson, natanong siya kung sino ang magiging mabigat na kalaban ni VP Sara sa 2028 presidential election, at ang tugon dito ni Manong Chavit ay nagsabi na raw si Naga City, former VP Leni Robredo na hindi tatakbo sa anumang national position.
Hindi man direktang sinabi, pero parang ipinakahulugan na rin ni Manong Chavit na si Mayora Leni ang katapat ni VP Sara, pero dahil umayaw na siya (Leni Robredo) sa presidential election, sure win, wala nang tatalo sa anak ni former Pres. Rodrigo Roa Duterte, boom!
XXX
KANDIDATURA NI SEN. RISA FOR PRESIDENT, REJECT SA MGA KAKAMPINK AT DILAWAN — Bagama’t sinabi na ni Mayora Leni na hindi siya sasabak sa 2028 presidential election at nagpahayag naman ng kahandaan si Sen. Risa Hontiveros na kumandidato sa pagka-pangulo, ay patuloy pa rin ang panawagan sa social media ng mga Kakampink at mga Dilawan sa kanya (Leni Robredo) na ituloy ang laban sa pampanguluhang halalan, at kapuna-puna na wala sa kanila (Kakampinks at Dilawans) na nagpapahayag ng suporta sa kandidatura ni Sen. Risa.
Ibig sabihin n'yan, reject sa mga Kakampink at Dilawan ang Sen. Risa for president, period!




Comments