Total ban sa mga e-cigarettes, dapat nang ipatupad
- BULGAR

- Mar 1
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | March 1, 2026

Dapat nang alisin sa ating lipunan ang mga produktong unti-unting sumisira sa kalusugan, lalo na ng ating mga kabataan. Sa gitna ng tumitinding diskurso sa buwis sa vape at iba pang nicotine delivery products, malinaw ang panawagan ng mga public health group na hindi sapat ang dagdag-buwis kung ang pinsala ay tuluy-tuloy at ang akses ay nananatiling bukas para sa mga konsyumer.
Umapela ang nasabing grupo matapos maging ikawalong bansa sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang Myanmar na nagpatupad ng ganap na pagbabawal sa vape. Sa Pilipinas, patuloy ang deliberasyon sa Kongreso ukol sa buwis sa tabako at vape—isang hakbang na, ayon sa mga eksperto, ay kulang kung walang komprehensibong pagbabawal.
Ayon sa isang opisyal ng Health Justice, suportado ang mas mataas at pare-parehong buwis bilang panandaliang hadlang, ngunit para sa marami, ang total ban ang pinakamainam na proteksiyon at nagbibigay-linaw sa regulasyon. Binanggit din na kung kinaya ng Myanmar, Brunei, Cambodia, Lao PDR, Singapore, Thailand, Timor-Leste, at Vietnam ang ganap na pagbabawal, kaya rin ito ng Pilipinas. Hindi ito usapin ng kakayahan kundi ng pagpapasya.
Ipinapakita ng datos mula sa Institute for Global Tobacco Control noong 2019 at 2021 na humigit-kumulang 14 porsyento ng kabataang Pinoy at 2 porsyento ng matatanda ang gumagamit ng e-cigarettes—babala na dapat seryosohin ng mga nasa itaas. Mas nakakabahala ang maling paniniwala ng marami: 70 porsyento ng kabataan ang naniniwalang mas ligtas ang e-cigarettes kaysa sigarilyo, at halos kalahati ang gumagamit nito sa pag-asang makabawas o maging daan para sa pagtigil sa paninigarilyo.
Ayon sa isang kawani ng Southeast Asia Tobacco Control Alliance, maling ibinebenta ang vape bilang harm-reduction. Ang nicotine ay nagpapataas ng blood pressure at heart rate, humihina ang immune response, at tumataas ang panganib sa sakit sa puso at kanser. Ang mga sangkap tulad ng propylene glycol at flavorings ay nakakairita sa daanan ng hangin at nakasisira ng baga.
Bagamat maaaring magpabagal ng konsumo ang mas mataas na buwis, hindi nito tuluyang pinipigil ang pagkalat. Sa harap ng ebidensya at karanasan ng mga kapitbahay sa ASEAN, ang komprehensibong pagbabawal ang pinakamalinaw na hakbang upang protektahan ang kalusugan at maiwasan ang pagkalito sa pagpapatupad ng regulasyon.
Ang usapin ng vape ay usapin ng kinabukasan. Kapag hinayaan ang maling marketing at madaling akses, ang kabataan ang nagiging unang biktima. Ang matapang na desisyon ngayon ay magbubunga ng mas malusog at maayos na komunidad sa hinaharap. Hindi kailangan ng taumbayan ang panandaliang solusyon; kinakailangan natin ang ganap na proteksyon at mahigpit na regulasyon para rito.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




Comments