Todo-tanggi hanggang huli… DNA match, pinatunayang guilty
- BULGAR 
- Aug 10
- 7 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | August 10, 2025
ISSUE #361
Kadalasan, ang mga krimen ay nagaganap at nasasaksihan lamang ng salarin at ng biktima.
Madalas, dis-oras ito isinasakatuparan, o kaya nama’y ang lugar at iba pang sirkumstansya ay nagsisilbing hadlang upang may ibang tao na makasaksi.
Dahil dito, sa maraming pagkakataon, nagiging mahirap para sa mga biktima o sa kanilang mga naulila ang makibaka para sa hustisya—lalo na’t ang hinihinging katibayan sa ilalim ng ating batas ay yaong magpapatunay sa krimen at sa may-akda nito nang higit pa sa makatuwirang pagdududa.
Ganyan mismo ang sinapit ng biktima na si Emelito—walang-awang pinaslang, at wala kahit isa ang nakasaksi sa karumal-dumal na insidenteng kumitil sa kanyang buhay.
Makakamtan pa kaya ni Emelito ang hustisya, gayung walang saksi sa pangyayaring naging sanhi ng kanyang kamatayan?
Sama-sama nating tunghayan ang kasong aming ibabahagi sa araw na ito—People of the Philippines vs. Jonifer Oydoc y Las-eg (CA-G.R. CR No. 47736, May 31, 2024) para sa mga kasagutan at higit pang kaliwanagan.
Si Emelito ay natagpuang wala nang buhay sa loob mismo ng kanyang tahanan sa Baguio City, noong ika-17 ng Hulyo 2018.
Ang itinuturong salarin, na pinaratangan ng paggamit ng kataksilan at pang-aabuso sa pamamagitan ng higit na lakas sa pagsasakatuparan ng pamamaslang ay si Jonifer.
Kasong murder ang isinampa laban kay Jonifer sa Regional Trial Court (RTC) ng Baguio City.
Batay sa bersyon ng Tagausig, bandang alas-6:00 ng umaga noong nabanggit na araw, nakatanggap ng tawag si SPO1 Luis, na noon ay naka-duty sa Police Station 2 ng Baguio City, mula sa isang nagngangalang Miriam kaugnay ng pamamaslang kay Emelito. Si Miriam ay ang kasambahay ng biktima.
Nang magsagawa ng imbestigasyon si SPO1 Luis sa bahay ng biktima, ipinabatid ni Miriam na hindi niya nakita ang mukha ng salarin.
Mga bakas lamang ng paa ng tao na pumasok sa loob ng nasabing bahay ang kanyang napansin. Maging ang mga kapitbahay ay hindi rin umano napansin na may naganap na insidente, sapagkat malakas ang ulan noong gabi ng ika-16 ng Hulyo 2018.
Nang matagpuan ni SPO1 Luis ang walang-buhay na katawan ng biktima, ito ay nakatagilid at nadaganan ng mga damit, kahon, at maleta. Meron din umanong mga sugat sa mukha at mga kamay si Emelito, bunsod ng pagkakataga. Ang kama, sahig, at iba pang bahagi ng bahay ay nakita ring may mga mantsa ng dugo.
Diumano, noong araw ding iyon, nakatanggap ng ulat si SPO1 Amoy na may pasyenteng biktima ng pananaksak na nasa isang ospital sa Baguio City.
Ipinaalam ni SPO1 Amoy kay PMSgt Dangli ang naturang ulat, at nagtungo naman si PMSgt Dangli sa nasabing ospital noong ika-19 ng Hulyo 2018 upang magsagawa ng karagdagang imbestigasyon.
Nang mabatid nina PMSgt Dangli, kasama si PO3 Bagtawa, na nailipat na sa ibang ospital ang naturang pasyente, agad silang nagtungo ru’n. Nauna umanong nakarating ang kanilang mga senior officer, na siya ring kumilala sa pasyente bilang si Jonifer.
Sa isinagawang imbestigasyon, ipinaalam ni Jonifer kay PMSgt Dangli na siya ay sinaksak umano sa parehong kamay bandang alas-3:00 ng madaling araw, noong ika-17 ng Hulyo 2018, sa Bokawkan Road. Boluntaryo umanong pumayag si Jonifer na sumailalim sa buccal at blood swabbing.
Ang mga specimen na nakuha mula kay Jonifer at sa iba pang mga suspek ay isinumite noong ika-20 ng Hulyo 2018, sa Serology Section ng Crime Laboratory Service sa Baguio City upang sumailalim sa pagsusuring Deoxyribonucleic Acid o DNA.
Batay sa DNA Laboratory Report na inihanda ni PCI Amangan, tumugma ang mga sample ng dugo ni Jonifer sa mga sample ng dugong nakuha mula sa tahanan ng biktima.
Mariin namang itinanggi ni Jonifer sa hukuman ang mga paratang laban sa kanya.
Ayon sa kanya, bandang alas-4:00 ng hapon, noong ika-16 ng Hulyo 2018 ay nagtungo siya sa Baguio City upang makipagkita sa kanyang katrabaho.
Subalit, hindi umano ito sumipot, kaya’t nagtungo na lamang siya sa kainan ng kanyang tinuturing na nanay-nanayan.
Doon, kasama ang ilang kaibigan, sila ay nag-inuman hanggang bandang alas-8:00 ng gabi.
Pagkaraan, lumipat umano sila sa isang bar upang ipagpatuloy ang pag-iinuman hanggang alas-9:30 ng gabi.
Bandang alas-10:00 ng gabi ay nagpaalam si Jonifer na mauuna na siyang umuwi upang makipagkita sa kanyang katrabaho, at idinahilan na meron pa siyang pasok kinabukasan.
Habang naghihintay siya ng taxi sa Bokawkan Road ay sinundan diumano siya ng tatlong lalaki, hinawakan ang kanyang mga balikat, at ang isa sa mga ito ay tinangka umano siyang saksakin. Nanlaban diumano siya, dahilan ng pagtamo niya ng mga sugat sa kanyang mga kamay. Tumalilis diumano ang mga nasabing lalaki bitbit ang kanyang wallet at cellphone habang siya ay naiwang nakadapa sa lupa at nauulanan.
Diumano, bumalik na lamang si Jonifer sa kanyang mga kaibigan at ipinaalam ang nangyari sa kanya. Pinapunta umano siya ng kanyang tinuturing na nanay-nanayan sa ospital upang magpagamot, subalit nagtungo muna siya, kasama si Hilda na kanyang kaibigan, sa bahay ng kanyang kapatid. Nang hindi siya makapasok dahil wala pa umano ito at nakakandado ang gate, nagpasya silang magpunta na lamang sa boarding house ni Hilda. Doon ay nakapagkape siya at nakapagpalit ng damit.
Bandang alas-2:00 ng madaling araw, noong ika-17 ng Hulyo 2018, nagtungo sila ni Hilda sa ospital upang ipagamot ang kanyang mga sugat. Nakalabas umano siya sa nasabing pagamutan nang tanghali ring iyon at nagpalipas ng araw sa boarding house ni Hilda, sapagkat wala pa rin umano ang kanyang kapatid sa bahay nito.
Noong ika-18 ng Hulyo 2018, nagpunta umano sila ni Hilda sa isa pang ospital upang muling magpagamot.
Kinabukasan, dumating umano ang ilang mga pulis na kumuha ng kanyang pangalan at nagsabi na siya ay isasailalim sa buccal at blood swabbing. Puwersahan umano nilang kinuha ang kanyang mga sample, at nang tanungin niya kung saan gagamitin ang mga ito, hindi siya sinagot. Sa halip, sinabihan umano siya ng mga pulis na, “Makisama ka na lamang.”
Nang makalabas umano siya sa nasabing ospital noong araw ring iyon, agad siyang nagtungo sa himpilan ng pulis upang i-report ang umano’y pagnanakaw na naganap sa kanya noong ika-17 ng Hulyo 2018.
Matapos iyon ay bumalik umano siya sa Acupan. Laking gulat na lamang umano niya nang malaman na siya ay pinaparatangan ng pamamaslang.
Sa inilabas na desisyon ng Regional Trial Court (RTC) noong ika-30 ng Hunyo 2022, hinatulang guilty beyond reasonable doubt si Jonifer sa kasong homicide.
Ipinataw sa kanya ang indeterminate penalty na 12 taon na prision mayor bilang minimum hanggang 17 taon at 4 na buwan ng reclusion temporal bilang maximum.
Inatasan din siya ng hukuman na magbayad ng civil indemnity na P50,000.00, at moral damages na P50,000.00.
Agad na inakyat ni Jonifer ang nasabing desisyon sa pamamagitan ng apela.
Sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan M.L.C. Pilimpinas mula sa Public Attorney’s Office – Special and Appealed Cases Service (PAO-SACS), iginiit ng depensa na nararapat siyang mapawalang-sala dahil sa kawalan ng circumstantial evidence na magpapatunay na siya ang may-akda ng pamamaslang.
Bagaman may DNA evidence na iniharap laban sa kanya, ang naipakita lamang umano nito ay ang presensya ni Jonifer sa bahay ng biktima, at hindi ang aktuwal na pamamaslang.
Dagdag pa ng depensa, nabigo umano ang tagausig na patunayang mahigpit na nasunod ang mga panuntunan sa pangangalap ng DNA evidence, dahilan upang magkaroon ng makatuwirang pag-aalinlangan sa integridad ng mga nakuhang samples. Hindi rin umano napatunayan ng tagausig ang lahat ng elemento ng krimeng homicide.
Giit pa ng depensa, nagkamali ang RTC sa hindi pagbibigay-halaga sa pagtanggi at alibi ng inakusahan, lalo’t ang mga ito ay pinagtibay ng testimonya ng dalawa pang saksi.
Matapos ang masusing muling pag-aaral sa apela ni Jonifer, pinagtibay ng Court of Appeals (CA) Manila ang pasya ng RTC na hindi napatunayan ng tagausig ang lahat ng elemento ng krimen na murder, partikular ang qualifying circumstances na treachery at abuse of superior strength.
Ipinaliwanag ng appellate court na walang malinaw at tiyak na ebidensya na nagpapakita na sinadya ng inakusahan ang pagpili ng paraan ng pag-atake upang matiyak na wala siyang magiging panganib mula sa anumang pagtatanggol ng biktima. Wala rin umanong saksi sa naturang insidente na nagpatunay ukol sa antas ng puwersang ginamit, uri ng sandatang ipinantay sa pamamaslang, at bilang ng mga salarin na sangkot sa krimen.
Pinagtibay rin ng CA Manila na merong probative value ang resulta ng isinagawa na DNA testing sa mga nakuha na samples.
Si PCI Amangan ay kuwalipikado umano na expert witness bilang siya ay Forensic DNA
Analyst mula sa Philippine National Police, Regional Crime Laboratory Office ng Cordillera.
Batay sa kanyang DNA Laboratory Report, tumugma ang mga specimens ni Jonifer sa mga specimens na nakuha mula sa tahanan ng biktima.
Para din sa hukuman ng mga apela, naitaguyod ng tagausig sa pamamagitan ng mga ebidensya at saksi, na naingatan ang integridad ng mga nakuha na DNA samples batay sa dokumentasyon ng pagsasalin ng mga ito.
Binigyang-diin din ng CA Manila na ang mga pulis ay walang nalabag na karapatan ni Jonifer.
Paglilinaw ng appellate court, ang karapatan ng bawat tao laban sa pagsasangkot sa sarili o self-incrimination, na ginagarantiyahan ng ating Saligang Batas, ay hindi tumutukoy sa lahat ng uri ng pamimilit o pamumuwersa. Bagkus, ang proteksyon na ipinagkakaloob ng ating Saligang Batas ukol dito ay iyong para lamang sa mga puwersahan o sapilitan na pagtetestigo o testimonial compulsion sa sarili.
Sa depensa naman ng denial at alibi, binigyang-linaw ng appellate court na kinakailangan na sapat na nakumbinsi ang pagtatanggi at pagdadahilan upang ang mga ito ay bigyang-halaga ng hukuman.
Kinakailangan na maitaguyod ng inakusahan na sadyang imposible na siya ay nasa lugar ng pinangyarihan ng krimen sa oras na naganap ito.
Sa sitwasyon ni Jonifer, batay sa desisyon ng CA Manila, bagaman pinatotohanan ng dalawa pang mga saksi ng depensa na kasama nila si Jonifer noong gabi ng ika-16 ng Hulyo 2018, hindi nawaglit sa mapanuri na isipan ng hukuman ng mga apela na umalis ang inakusahan bandang alas-10:00 ng gabing iyon at bumalik lamang sa kanyang mga kaibigan makalipas ang dalawampung minuto. Wala umanong nakakaalam kung saan nagpunta ang inakusahan noong punto na iyon. Bumalik na lamang siya na basang-basa na ng ulan at sugatan na ang mga kamay.
Gayunpaman, binago nang bahagya ng CA Manila ang ipinataw ng hukuman ng paglilitis na parusa kay Jonifer bunsod ng kawalan ng sirkumstansya na magbabago sa bigat ng krimen.
Pangungulungan ng 8 taon at isang araw na prision mayor, bilang minimum, hanggang 14 na taon, 8 buwan at isang araw na reclusion temporal, bilang maximum, ang ipinataw na parusa sa kanya.
Ipinag-utos din ng CA Manila ang pagbabayad-pinsala ni Jonifer ng P50,000.00, P50,000.00 naman bilang moral damages, at P50,000.00 bilang temperate damages para sa mga naulila ni Jonifer, na merong karagdagan na 6% na interes bawat taon mula sa petsa na naging pinal ang nasabing hatol hanggang sa mabayaran ni Jonifer ang kabuuang halaga ng mga ito.
Ang nabanggit na desisyon ng CA Manila ay ipinroklama noong ika-31 ng Mayo 2024 at naging final and executory noong ika-29 ng Hunyo 2024.
Napakalaki ng ambag ng siyensya sa pagreresolba ng mga krimen at paghahatid ng hustisya sa mga partido na karapat-dapat na mapagkalooban nito.
Tulad na lamang sa nangyari kay Emelito, naging mahalaga na susi ang mga natuklasan mula sa DNA samples na nakalap ng mga kapulisan.
Sa pagwawakas ng kaso na ito, nawa ay tuluyan nang nakamit ng nagtangis na kaluluwa ni Emelito ang hustisya mula sa malagim niyang sinapit may pitong taon na ang nakararaan. Ang hatol ng hukuman ng mga apela, hindi man maibabalik ang buhay ni Emelito, nawa ay katahimikan naman ng kaluluwa at kalooban ng kanyang pamilya ang madala niya.








Comments