Titser, may bonus tuwing Oct. 5 — PBBM

ni Mylene Alfonso @News | October 6, 2026

Photo: FB / Bongbong Maros
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patuloy na palalawakin ng pamahalaan ang mga insentibo, allowance at iba pang benepisyo para sa mga guro, bilang pagkilala sa kanilang serbisyo.
Sa pagdiriwang ng 2026 National Teachers’ Day na “Teacher, Ikaw Naman” sa Smart Araneta Coliseum, sinabi ng Pangulo na kabilang dito ang World Teachers’ Day Incentive Benefit, na matatanggap ng mga guro tuwing Oktubre 5.
Patuloy din aniya ang proseso para sa 2024 Performance-Based Bonus (PBB) upang mas mabilis itong maibigay sa mga kwalipikadong guro.
“Kabilang dito ang World Teachers’ Day Incentive Benefit na matatanggap ninyo sa tuwing ika-5 ng Oktubre,” ani Marcos.
Pinalawak din ng pamahalaan ang career advancement opportunities sa ilalim ng Expanded Career Progression System. Hanggang Setyembre, 82,105 guro at school heads na ang na-promote, kabilang ang 4,125 education personnel sa Region II.
“Patuloy rin natin gagampanan ang tungkuling pangalagaan ang mga karapatan, kapakanan, at patuloy na pag-unlad ng ating mga guro,” ani Marcos.
Dumalo sa selebrasyon ang libo-libong guro mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kasama sina House Speaker Faustino “Bojie” Dy III at DepEd Secretary Sonny Angara.





Comments