top of page
Search

ni Madel Moratillo @News | July 22, 2025



Photo File: Libreng pagkain sa kinder - DepEd Philippines



Pinalawak na ng Department of Education (DepEd) ang kanilang School-Based Feeding Program.


Dahil d'yan, lahat ng kindergarten sa mga pampublikong paaralan sa bansa ay makakatanggap na ng masustansyang pagkain araw-araw. 


Ang programa ay inilunsad kahapon sa Juan Sumulong Elementary School sa Antipolo City. 


Layon ng programa na magbigay ng hot meals at fortified food products araw-araw sa 3.4 milyong learners kabilang ang lahat ng kindergarten pupils at undernourished na mga bata sa Grade 1 hanggang 6. 


Sabi ni DepEd Secretary Sonny Angara, kapag may sapat na nutrisyon ang mga bata, mas madali silang matuto. 


Sa datos ng DepEd, sa Cagayan Valley (Region II) at Davao (Region XI), bumaba sa 80% ang bilang ng mga undernourished na kindergarten.

 
 

ni Madel Moratillo @News | July 22, 2025



Photo File: Sonny Angara - DepEd Philippines


Nanawagan si Education Secretary Sonny Angara sa publiko partikular sa mga magulang at estudyante na huwag i-pressure ang mga lokal na pamahalaan sa pagsususpinde ng klase kung mahina naman ang ulan. 


Giit ng Kalihim, ang madalas na kanselasyon ng klase ay magdudulot ng negatibong epekto sa pag-aaral ng mga estudyante. 


“Nakikiusap din kami sa publiko, mga magulang, mga estudyante. Huwag natin masyadong i-pressure ang ating local government, chief executives na konting ulan mag-suspend na tayo dahil 'pag sinumatotal natin ang nawawalang araw, malaki ang dagok o tama sa ating mga estudyante, 'yung tinatawag na learning loss,” pahayag ni Angara. 


Para makumpleto ang kailangang learning hours ng mga estudyante, ipinag-utos na ng Department of Education (DepEd) ang pagsasagawa ng make-up classes. 


“'Yung ini-emphasize namin that there must be make-up classes kasi matindi na 'yung learning loss talaga. Apektado ang bata 'pag masyadong maraming cancellation,” dagdag pa ni Angara. 


Paglilinaw ng Kalihim, hindi naman kailangang gawin ito ng weekend. Depende na aniya sa availability ng guro.


 
 

by Info @Editorial | September 16, 2024



Editorial

Isa sa pinaghahandaan ngayon ng Department of Education (DepEd) ay ang Program International Student Assessment (PISA) sa 2025.


Sinusukat ng nasabing assessment ang performance ng mga edad 15 na mag-aaral sa mathematics, reading, at science.


Kaugnay nito, tinalakay ng kagawaran at ng 65 education partners nito ang mga pangkalahatang plano at aktibidad bilang paghahanda para sa PISA.


Matatandaang sa pagbusisi ng panukalang pondo ng DepEd para sa 2025, sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na ang paghahanda para sa PISA sa 2025 ay parang Bar exam. 


Kaya bukod sa mga estudyante, kailangan ding suportahan ang mga guro sa pamamagitan ng pagtataguyod sa kanilang kapakanan. 


Masasabing ang resulta ng PISA ay nagbibigay ng mahalagang pananaw sa kalidad ng edukasyon sa buong mundo. 


Kaya bilang bansa na maraming hamon sa kalagayan ng edukasyon, kailangan ng mas matinding pagsisikap. Kailangang magtulungan ang gobyerno, pribadong sektor at ang komunidad.


Kailangan ng isang holistic na diskarte na hindi lamang umaasa sa mga tradisyunal na pamamaraan ng pagtuturo kundi pati na rin sa makabago at inklusibong mga solusyon. Dito papasok ang papel ng pribadong sektor sa pagbibigay ng suporta at inobasyon sa mga larangang ito.


Una, ang pagtutulungan ng DepEd at pribadong sektor ay maaaring magbigay daan sa mga bagong teknolohiya at kagamitan sa mga paaralan. Ang mga kumpanya sa teknolohiya ay maaaring magbigay ng mga digital platform, software, at iba pang mga mapagkukunan na magpapadali sa pagkatuto ng mga estudyante. 


Ikalawa, ang pribadong sektor ay maaaring magbigay ng suporta sa pamamagitan ng mga pagsasanay at seminar para sa mga guro. 


Ikatlo, ang pribadong sektor ay may kakayahang magbigay ng mga scholarship at iba pang anyo ng pinansyal na suporta sa mga mag-aaral na nangangailangan. 


Ang pagsasanib-puwersa ng DepEd at pribadong sektor ay hindi lamang tungkol sa paghahanda para sa PISA kundi pati na rin sa pangmatagalang pag-unlad ng sistema ng edukasyon sa bansa. 


Ang tunay na layunin ay mapabuti ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas sa kabuuan, na makikinabang ang lahat ng mag-aaral sa bawat antas.


Sa huli, ang tagumpay sa PISA ay magiging tanda ng tagumpay sa pag-unlad ng edukasyon sa Pilipinas.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page