top of page
BULGARY - MOIRA, UMAMING ALAM ANG DAHILAN NG HIWALAYAN NINA SAM AT CATRIONA_IG _moiradelat

The prodigal priest, ang pagbalik ni Father Bien

Writer: BULGAR
BULGAR
3 hours ago
3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 20, 2026



Fr. Robert Reyes


Atty. Bien plus Fr. Bien? Atty. Father o Father Atty. Bienvenido Salinas Jr. Pati nga si Fr. Bien hindi mawari kung ano talaga ang nangyari. Kay tagal at kay haba ng biyahe niya mula Calbayog hanggang Maynila noong 1972 upang pumasok sa San Jose Seminary para mag-aral sa pagpapari. Ganun na rin katagal nating kilala ang maituturing kong kapatid na si Bien.

                  

Magma-martial law noong pumasok si Bro. Bien Salinas sa San Jose Seminary sa loob ng Ateneo de Manila University Campus. Iba ang timpla ng kapaligiran. Mararamdaman ang takot at lihim na pangamba ng marami dahil sa kapansin-pansing paggala ng mga sundalo’t pulis sa Kalakhang Maynila at sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. At sa pagpasok namin ni Bien bilang magkaeskuwela sa unang semester, dalawang dagok na ang aming naranasan. Una, ang 40 araw na “Central Luzon Flood” na nagpalubog ng maraming bayan mula Metro Manila hanggang Bulacan at Pampanga. Humupa lamang ang hangin at ulan bandang Hulyo nang muling naibalik sa Tondo ang imahe ng Sto Niño na ninakaw bago magsimula ang ulan at baha. Pangalawa, bunga na rin ng matinding baha na nagpahirap ng buhay ng marami sa maraming bahagi ng Luzon, isa na rin itong naging dahilan sa pagdeklara ni former President Ferdinand Marcos Sr. ng Batas Militar sa buong bansa.

                  

Kaya’t naaalala natin ang kakaunting panahon na aming itinigil sa mga silid-aralan ng buong taong 1972. Panay relief operations ang unang mga buwan mula Hunyo hanggang Hulyo. At nang humupa na ang baha at unti-unting nakabalik na sa normal ang lahat, dumating naman ang Pangalawang Dagok noong ika-21 ng Setyembre 1972 nang ideklara ang Martial Law.

                  

Nagsimula sa matitinding kaganapan ang aming buhay ni Bro. Bien mula Baha hanggang Batas Militar. At kung paano nagsimula, ganoon ding nagpatuloy ang aming buhay sa Seminaryo. Sa mga sumunod na taon hanggang lumabas si Bro. Bien at naging Fr. Robert naman tayo, hindi dumali at naging ligtas bagkus lalo pang lumala ang buhay sa ating bansa. Naghigpit nang husto si former President Marcos. Nagtago o nag-underground ang maraming aktibista. Binuo namin nina Atty. Bien ang GomBurZa, ang samahan ng mga seminarista at paring nagmamahal sa Diyos, sumusunod kay Kristo at nagmamahal sa inang bayan.

                  

Napakabilis ng takbo ng panahon sa ilalim ng marahas na diktaduryang Marcos. Naging Pari tayo noong ika-18 ng Marso 1982. Lumabas naman si Bro. Bien sa pagitan ng 1979 at 1980. Nag-aral ito ng abogasya, nag-asawa, naging ama at naglingkod bilang abogado habang nagpapalaki ng mga anak. Hindi naputol ang ugnayan naming magkaeskuwela hanggang dumaan sa krisis silang mag-asawa at naayos ito; hanggang nabiyudo at inakala ni Bro. Bien na baka maaari pa siyang mag-asawa muli; hanggang biglang dinapuan muli ng tawag ng Diyos sa kanyang katandaan sa bandang ika-65 taong gulang ni Bro. Bien.


“Robert, parang tinatawag ako muli ng Diyos. Puwede mo ba akong tulungan?” Mula noon hanggang sa naging pari si Bien noong ika-30 ng Abril 2026, sa bawat hakbang ng kanyang pakikinig at pagsunod sa kalooban ng Diyos, sinamahan natin ang mahal na kaeskuwela’t kapatid. 

                  

Sa totoo lang, hindi ako nagtataka sa mahiwagang pangyayari sa buhay ni Bro. Bien. Maraming ulit na rin kasi nangyari sa akin ang maraming milagro ng biyaya ng Diyos. Bahagi na rin ng Diyos na ipagkaloob hindi lang kay Bro. Bien kundi sa buong Simbahang Katoliko ang biyaya ng kanyang pagkapari. Walang hanggang kapatawaran, pag-unawa at pagmamahal ang ipinakita ng Diyos kay Bro. Atty at ngayong Father Bienvenido Salinas. Ito ang pinakamalaking regalo ng Diyos, hindi lang sa kanya kundi sa lahat ng mananampalataya. Anuman ang ating naging nakaraan; anuman ang kahinaan at kasalanan; anuman ang ating pag-aalinlangan sa sarili at sa Kanya; walang hanggan ang Kanyang kapatawaran, pag-unawa at pagmamahal. 

                  


Nakagugulat at tinanggap ng GMA 7 ang istorya ng buhay at bokasyon ni Atty-Father, Father Atty Bienvenido Salinas Jr. Nararapat lang malaman at mapagnilayan, mapagdasalan at tularan ng lahat ang kakaibang pag-oo ng dating abogado na ngayo’y paring Fr. Bienvenido Salinas. Nakakatuwang gamitin na pamagat para sa istorya ni Fr. Bien ang The Prodigal Priest, The Father Bien Salinas Jr. Story. Mapapanood ito sa GMA 7 sa ganap na alas-8:15 ng gabi, ika-19 ng Setyembre 2026.

                  

Pinili ka, pinili tayong lahat ng Diyos, Fr. Bien. Ang tanong, pinipili rin ba natin Siya? Salamat sa iyong pagpili sa Kanya sa “Last two minutes” ng iyong buhay. Mabuhay ka, Fr. Bien, kaeskuwela, kaibigan, kapatid at kapwa-pari ni Kristo! Amen. 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page