top of page
BULGARY - MOIRA, UMAMING ALAM ANG DAHILAN NG HIWALAYAN NINA SAM AT CATRIONA_IG _moiradelat

Dapat gumawa ng batas na life imprisonment, parusa sa gun owners na ang kanilang baril ay nagagamit ng ibang tao sa pamamaril

Writer: BULGAR
BULGAR
3 hours ago
3 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 20, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


DAPAT MAY BATAS NA LIFE IMPRISONMENT PARA SA MGA GUN OWNER NA ANG KANILANG BARIL AY NAGAGAMIT NG IBANG TAO SA PAMAMARIL – May estudyante na namang namaril sa loob ng isang paaralan sa Banga, South Cotabato, at tatlong mag-aaral ang namatay kabilang ang namaril at marami ang sugatan.


Ang baril na ginamit ng estudyante sa pamamaril ay baril ng kanyang amang gun instructor, at ganyan din ang ginawa ng isang estudyante sa Tacloban City, baril ng kanyang tiyahing pulis ang ginamit niya sa pamamaril sa loob ng kanilang paaralan, apat na mag-aaral ang napatay dito at sa Zamboanga City ay baril naman ng kanyang amang Customs official ang ginamit ng isang estudyante sa pamamaril sa kanilang eskuwelahan, dalawang mag-aaral ang patay dito.


Naganap ang mga karahasang iyan sa loob ng eskuwelahan dahil sa pagpapabaya ng mga nagmamay-ari ng baril, na kung masinop sana nilang naitago sa lalagyan na mahirap buksan ay hindi sana nakuha ng mga batang estudyante ang kanilang mga armas, at wala sanang naganap na mga karahasan sa loob ng mga eskuwelahan.


Ang nais nating ipunto rito, dapat gumawa na ng batas ang Senado at Kamara na life imprisonment ang parusa sa mga gun owners na ang kanilang baril ay gagamitin ng ibang tao sa paggawa ng krimen, kapag may batas nang ganyan, sigurado, matuto na ang mga may-ari ng baril na pakaingatan at itago ang kanilang mga baril sa loob ng kanilang mga bahay, period!


XXX


KAHIT PABORAN NI PBBM ANG POSTPONEMENT NG BSKE SA NOV. 2, 2026, MALAKI ANG POSIBILIDAD NA MATULOY ANG HALALAN KAPAG KINUWESTIYON NA ITO NI ATTY. MACALINTAL SA SC – Nagpadala ng liham si election lawyer Atty. Romy Macalintal kay President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) na humihiling na i-veto ang panukala ng Senado at Kamara na ipagpaliban ang nakatakdang Barangay and Sangguniang Kabataan Election (BSKE) sa Nov. 2.


Ayos 'yan, ‘ika nga, kahit hindi i-veto ni PBBM ay nagparamdam na si Atty. Mac, na ibig sabihin kapag inaprub ito ng presidente ay kukuwestyunin ito ng election lawyer sa Supreme Court (SC) at malaki ang posibildad na ibasura ng Korte Suprema ang postponement sa BSKE sa Nov. 2, 2026 dahil nang paboran ng SC ang postponement ng BSKE noong Dec. 2025 ay masyadong dikit ang naging resulta ng botohan ng mga mahistrado, walo ang pabor at pito ang tutol sa BSKE Dec. 2025 postponement, ibig sabihin kahit isa lang ang pumanig sa "no postponement" mababaligtad ang desisyon at tuloy ang BSKE sa Nov. 2, abangan!


XXX


KAGUSTUHAN NINA JINGGOY AT MARCOLETA NA MAGING SENATOR-JUDGES SINUPALPAL DAHIL AYON KAY RET. JUSTICE CARPIO: “YOU CANNOT BE A SITTING JUDGE IF YOU ARE SITTING IN JAIL” – Sinupalpal ni Sr. Ret. Justice Antonio Carpio ang kagustuhan nina detenidong Sen. Jinggoy Estrada at detenidong Sen. Rodante Marcoleta na makadalo bilang mga senator-judges sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, kasi ayon sa retiradong mahistrado ay "You cannot be a sitting judge if you are sitting in jail."


Korek na korek, kasi pangit talagang tingnan na ‘yung preso ay gagawing judge, boom!


XXX


PRESYO NG LANGIS PATAAS NANG PATAAS KAYA DAPAT SUSPENDIHIN NA ANG VAT SA LANGIS AT OIL EXCISE TAX – Inanunsyo ng Department of Energy (DOE) na may bigtime oil price hike na naman next week, halos P11 ang maidadagdag sa kada litro ng diesel at P4 hanggang P5 naman ang maidagdag sa kada litro ng gasolina.


Kung hindi na talaga mapipigilan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa world market, dapat isuspinde na ni PBBM ang value-added tax (VAT) sa langis at ang oil excise tax dahil kapag sinuspinde niya 'yan ay malaking kabawasan sa magiging presyo ng krudo sa bansa, period!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page