top of page

TB sa bansa lumalala, panawagan sa publiko, ito ay nagagamot

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | March 23, 2026



Boses by Ryan Sison


Nakakabahala ang patuloy na pagdami ng kaso ng tuberculosis o TB sa Metro Manila, tahimik ngunit mapanganib na banta na tila nakakalusot sa kamalayan ng maraming Pilipino. 


Sa kabila ng modernong gamutan at impormasyon, nananatiling malaki ang bilang ng apektado, patunay na hindi pa sapat ang aksyon laban sa sakit na matagal nang dapat kontrolado.


Batay sa datos ng Department of Health Epidemiology Bureau-Integrated Tuberculosis Information System (DOH-ITIS), umabot na sa 101,807 ang naitalang kaso ng TB sa National Capital Region. Isang malinaw na indikasyon ito na nananatiling seryosong isyu sa kalusugan ang TB, lalo na sa mga urban areas kung saan siksikan ang populasyon at mas mabilis kumalat ang impeksyon.


Ayon sa DOH, may solusyon at lunas sa TB. 


Binibigyang-diin na hindi dapat katakutan o ikahiya ang sakit dahil ito ay nagagamot, lalo na kung maagapan. Gayunpaman, ang tunay na panganib ay nagsisimula kapag pinipiling itago ng pasyente ang kondisyon o ipagpaliban ang pagpapagamot, na nagreresulta sa mas komplikadong sitwasyon.


Patunay na hindi lang usaping medikal ang TB kundi isyung panlipunan. Maraming Pinoy ang natatakot ma-stigma, mawalan ng trabaho, o mahusgahan ng komunidad, kaya mas pinipiling manahimik kaysa magpagamot. Dahil dito, lalo pang kumakalat ang sakit at nadadamay ang mas maraming inosenteng mamamayan.


Upang tugunan ito, pinaigting ng DOH Metro Manila Center for Health Development ang kanilang kampanya para sa mas maagang pagtukoy ng kaso, agarang gamutan, at preventive care. 


Layunin nitong hikayatin ang publiko na magpasuri agad at samantalahin ang mga libreng serbisyong pangkalusugan na inaalok ng gobyerno.


Kung tutuusin, hindi sapat ang pagkakaroon ng libreng gamutan kung ang mismong kamalayan at mindset ng tao ay hadlang sa paggaling. 


Kailangan ng mas malalim na edukasyon, mas malawak na kampanya, at higit sa lahat, pagbasag sa stigma na bumabalot sa TB. 


Ang laban kontra-TB ay hindi lamang responsibilidad ng gobyerno kundi ng buong lipunan.


Ang pagdami ng kaso ay paalala na ang kalusugan ay hindi dapat isinasantabi. Kung may sakit, may lunas, ngunit ang unang hakbang ay ang lakas ng loob na umamin at kumilos. Hangga’t may natatakot magpatingin, mananatiling buhay ang banta ng TB sa ating komunidad.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page