top of page

Taumbayan, patuloy ang sigaw sa hustisya sa flood control

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 hours ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | February 1, 2026



Boses by Ryan Sison


Nakakadismaya ang patuloy na pagkasira ng tiwala ng taumbayan sa mga mambabatas, lalo na sa gitna ng kontrobersiyang bumabalot sa umano’y katiwalian sa flood control projects—mga proyektong dapat sana’y pananggalang ng mamamayan laban sa sakuna.


Sa panahong puno ng pangako ngunit binabaha ng duda ang Kongreso, malinaw na may malalim na puwang na kailangang ayusin.


Sa isang eucharistic celebration noong Enero 28 na inorganisa ng House of Representatives, nagpaalala si Novaliches Bishop na may pag-asa pang maibalik ang tiwala ng mga Pilipino. Ayon sa obispo, ang susi ay hindi grandstanding o palusot, kundi pagsisisi at tapat na paglilingkod sa taumbayan. Binigyang-diin niya na nararapat lamang na ibigay ng mga mambabatas ang serbisyong karapat-dapat sa mamamayan.


Sa paggunita sa aral ni St. Francis, ipinaalala niyang ang tunay na dangal ay nagmumula sa pagbibigay at paglilingkod, hindi sa titulo o impluwensiya. Ang pondo ng bayan ay hindi personal na bangko, at ang proyekto ay hindi plataporma para sa pansariling interes. Hinikayat din niya ang mga kongresista na maglingkod nang may pagmamahal at walang bahid ng sariling pakinabangan, isang landas na tinawag niyang “daan tungo sa kadakilaan.” Idinagdag pa niya na ang Katolisismo ay relihiyon ng ikalawang pagkakataon—isang panawagan sa pagbabago at bagong simula. Ngunit ang ikalawang pagkakataon ay hindi awtomatikong ibinibigay; ito’y pinatutunayan sa gawa.


Bilang bahagi ng spiritual and values formation program ng Kamara, ang pagdiriwang ay nagsisilbing salamin ng konsensya. Gayunpaman, ang tunay na pagtupad sa responsibilidad ay nasa labas ng simbahan—sa pagiging transparent sa badyet, sa integridad ng proyekto, at sa pakikipag-ugnayan sa mga komunidad na unang naaapektuhan ng kalamidad. Sa pakikinig, pag-amin, at pagwawasto, dito nasusukat kung paano pangalagaan ng mga nasa taas ang taumbayan.


Ang tiwala ng mamamayan ay hindi basta-bastang ibinibigay; ito ay pinagsusumikap dapat ng gobyerno. Kung seryoso ang mga mambabatas sa panawagan ng pagbabago, kailangan nilang patunayan na ang kapangyarihan ay serbisyo. Sa pagbabalik-loob at tapat na aksyon, posible ang bagong simula. Kung hindi, mananatiling mga salita lamang at lulubog sa baha ang pag-asa ng bayan.




Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page