Tattoo, hindi patunay ng pagiging kriminal
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | March 7, 2026

Dear Chief Acosta,
Napagbintangan ako ng pagnanakaw dahil lamang sa marami akong tattoo sa katawan. Isa sa mga tattoo ko ay sinasabi ng mga otoridad na tanda raw na miyembro ako ng isang sindikato na dawit sa serye ng nakawan sa lugar namin. Bukod sa mga tattoo ko ay wala namang ibang ebidensya na ipiniresenta laban sa akin. Sapat ba na basehan ang mga tattoo sa katawan upang isakdal ako sa isang krimen? — Bryan
Dear Bryan,
Isa sa mga karapatan na nakasaad sa ating Konstitusyon ay ang tinatawag na right of presumption of innocence. Sang-ayon dito, ang bawat indibidwal ay ipinapalagay na walang sala hangga’t hindi napapatunayan sa hukuman ang krimen na sa kanya ay inaakusa. Kaugnay nito, sa mga kasong kriminal tulad ng pagnanakaw, minamandato ng ating mga batas na ang ebidensya na kailangan ay “guilt beyond reasonable doubt.” Ito ay nangangailangan ng matibay at sapat na mga ebidensya kung saan walang ano mang pag-aalinlangang matitira sa isipan ng hukom na ang nasasakdal ang siya ngang may sala sa krimen. Sa kaso na People of the Philippines vs. Alberto Opida y Quiambao and Virgilio Marcelo (G.R. No. L-46272, June 13, 1986, sa panulat ni Honorable Associate Justice Isagani A. Cruz), sinabi ng Kataas-taasang Hukuman na:
“The scales of justice must hang equal and, in fact, should even be tipped in favor of the accused because of the constitutional presumption of innocence. Needless to stress, this right is available to every accused, whatever his present circumstance and no matter how dark and repellent his past. Despite their sinister connotations in our society, tattoos are at best dubious adornments only and surely not under our laws indicia of criminality. Of bad taste perhaps, but not of crime.
In any event, convictions are based not on the mere appearance of the accused but on his actual commission of crime, to be ascertained with the pure objectivity of the true judge who must uphold the law for all without favor or malice and always with justice.”
Malinaw sa nabanggit na ang pagkakaroon ng tattoo ay hindi tanda ng kriminalidad, kaya sa iyong kalagayan ay hindi maaaring gamitin ang pagkakaroon nito upang ikaw ay isakdal sa isang krimen. Ang pagtingin sa isang tao bilang kriminal ng dahil lamang sa kanyang mga tattoo o iba pang panlabas na palamuti sa katawan ay maituturing na diskriminasyon. Sa huli, ang paghusga ng isang hukom ay babatay sa mga ebidensya at hindi sa panglabas na kaanyuan ng isang tao.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




Comments