Tatlong edad 16, buking sa planong mass shooting

ni Gina Plenago @News | November 18, 2026

Photo: Ang napigilang tangkang mass shooting sa isang eskwelahan ng tatlong menor-de-edad sa Batac, Ilocos Norte - Circulated
Napigilan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang planong mass shooting sa isang eskwelahan ng tatlong menor-de-edad sa Batac, Ilocos Norte.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag na agad natunton ang kinaroroonan ng tatlong minor na nagbabalak ng mass shooting matapos magbigay ng impormasyon ang counterpart na Federal Bureau of Investigation (FBI).
“We interviewed them, and one of these subjects confessed that he actually had a plan to shoot,” aniya pa.
Nasa edad 16 ang mga sangkot, isang Grade 9, at dalawang Grade 11 na magkakaibigan, na nagsabing sa simula ng tradisyunal na Simbang Gabi sa Disyembre 16, nila gagawin ang pamamaril.
Ang impormasyon ay nalaman sa isang group chat ng mga kabataan kung saan pinag-uusapan na balak targetin ang limang estudyante na patuloy ang pambu-bully umano sa isa sa kanila simula noong Grade 7.
Ayon pa kay NBI director Matibag, nakuhanan nila ng baril ang menor-de-edad pero kinukumpirma pa kung saan o kanino nakuha nito ang armas.
Sinabi ng isa sa kanila na pinanood niya ang video ng Columbine High School massacre at ang tangkang pambobomba sa Colorado, United States noong 1999.
“What is alarming is that eventually, there is encouragement to commit suicide after the shooting,” ani Matibag.
Kusang isinuko umano ng mga magulang at guardian ang mga bata at ilang gamit para sa imbestigasyon.
Hindi umano nabanggit kung anong eskwelahan ang target, at nalaman ng NBI na isa ang nagsabi sa magulang na kailangan nila ng baril bilang ‘props’ sa gagawing film.
Patuloy pang iniimbestigahan ang mga ito.





Comments