Rally kontra Pax Silica sa Cebu, 2 reporter at 2 pulis nadale

by Mervin Reyes @News | November 18, 2026

Photo: Rally at protesta kontra Pax Silica sa Cebu - Jacq Hernandez - Circulated
Dalawang mamamahayag at dalawang pulis ang iniulat na nasugatan sa protesta laban sa Pax Silica initiative sa kahabaan ng Colon Street sa Cebu City nitong Lunes.
Itinanggi ng Cebu City Police na sila ang nagsimula ng komosyon at sinabing una nilang ipinatupad ang maximum tolerance sa demonstrasyon kahit walang rally permit.
Ayon sa pulisya, nakialam lamang sila matapos umanong magsunog ng effigy ang ilang raliyista at tangkaing agawin ang isang fire extinguisher, na nagdulot ng tensyon sa pagitan ng dalawang panig.
Kinumpirma ng pulisya na dalawang opisyal nila ang nasugatan. Bukas din umano sila sa imbestigasyon kaugnay ng mga ulat na dalawang mamamahayag ang nasaktan sa insidente.
Samantala, kinondena ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Central Visayas ang naging aksyon ng pulisya. Binatikos din ni ACT Teachers Party-list Representative Antonio Tinio ang tinawag niyang marahas na dispersal sa mga nagpoprotesta.
Isinagawa ang demonstrasyon bilang pagtutol sa paglahok ng Pilipinas sa Pax Silica initiative at sa pagbisita ni United States President Donald Trump para sa 49th ASEAN Summit.





Comments