US Pres., join sa ASEAN Summit... Pax Silica, out sa topic nina BBM at Trump

ni Mylene Alfonso @News | November 18, 2026

Photo: PBBM at Donald Trump sa ASEAN - PCO
Dumating na sa Pilipinas si US President Donald Trump nitong Martes ng hapon para dumalo sa 49th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit at mga kaugnay na pagpupulong.
Alas-5:33 ng hapon nang lumapag ang eroplanong Air Force One sa Balagbag Ramp ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), sakay ang lider ng Amerika at kanyang delegasyon.
Sinalubong si Trump nina House Majority Leader Sandro Marcos, anak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.; Executive Secretary Ralph Recto; Philippine Ambassador to Washington Jose Manuel Romualdez; US Ambassador to the Philippines Lee Lipton; at Pasay City Mayor Imelda Calixto-Rubiano.
Kasama rin ng US President sina Secretary of State Marco Rubio at Treasury Secretary Scott Bessent.
Una rito, bukod sa mga seremonya, sinalubong din siya ng mga protesta mula sa iba’t ibang grupo sa bansa, partikular laban sa panukalang Pax Silica initiative.
Nilinaw naman ni US Ambassador Lee Lipton na walang nakatakdang anunsyo tungkol sa Pax Silica initiative sa ASEAN Summit.
Ayon kay Lipton, ang anumang desisyon kaugnay nito ay gagawin sa “full consultation with the government of the Philippines at the appropriate time.”
Samantala, hindi naman nagbigay ng katiyakan si Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro kung pipirmahan ang kasunduan sa Pax Silica initiative sa pagbisita ni Trump.
Matapos ang summit, inaasahang lilipad sina Trump, Pangulong Marcos at iba pang lider ng mundo patungong Shenzhen, China para sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Summit.





Comments