top of page
TEKA NGA - MARIEL, KUMALAT NA TATAKBONG SENADOR, NILAIT NG NETIZENS_IG _marieltpadilla.jpe

Korporasyon at pamahalaan, panagutin sa pagsira kay inang kalikasan

Writer: BULGAR
BULGAR
2 days ago
3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 17, 2026



Fr. Robert Reyes


Kausap natin noong nakaraang araw si Fr. Warren Puno ng Diyosesis ng Lucena, Quezon. Katatapos lang niyang maglakad mula Atimonan, Quezon hanggang Maynila. Tinawag niya itong “Lakad Panaghoy” para bigyang pansin ang walang habas at walang habag na pagsira ng mga korporasyon; pamahalaan at karaniwang mamamayan na nawalan na ng paggalang at pagkilala sa banal na pagkalinga kay inang kalikasan.


Bata pa si Fr. Warren. Tila wala pa itong apatnapu’t limang taong gulang. Nakilala na natin si Padre Waren noong batang-bata pa siyang sumusuporta sa iba’t ibang adbokasiya natin para sa kalikasan. Pinasalamatan natin si Warren at hinikayat na patuloy na magpursigi upang labanan ang ang maling pananaw at diwang ikinakalat ng mga sangay ng pamahalaan at mga korporasyon na sa halip na magtanggol, magtaguyod at mag-ligtas ay sila pa ang nangunguna sa pagsira; pagpapahina at tuluyang pagpatay sa ating inang kalikasan.

                  

Unang narinig, nakita at naramdaman si Padre Warren, ang lider ng Quezon for Environment (QUEEN) nang tinutulan nito ang “1,200 Megawatt coal-fired power plant” sa Atimonan. Sinu-sino ba ang kinakausap at binabalaan na din ni Padre Warren?


Unang-una ang mga dambuhalang korporasyon tulad ng may-ari ng Atimonan Coal-fired Power Plant at ang mga katulad nito na nagtatayo ng mga dam; nagpuputol ng puno; nagbubungkal at humahawi ng mga bundok para tayuan ng mga subdibisyon mula low hanggang high-cost, atbp. Naroroon din ang mga umaabusong mga kawani ng mga ahensiya  ng pamahalaan, lalo na ang DENR na kilalang-kilala sa pagbibigay ng permit sa mga korporasyong mapanira sa kalikasan. Nang tawagan natin si Padre Warren ipina-abot natin sa kanya ang galak at pagsuporta sa kanyang napapanahon at lubhang kinakailangang adbokasiya. Nabanggit natin sa kanya ang pangangailangang hanapin ang mga paring tulad niya na nagmamahal at nagmamalasakit sa nagdurusa at patuloy na pinagsasamantalahang kaputol, kapatid, kapamilyang ina, ama, kapatid, na mga iba’t ibang bahagi, sangkap, na bumubuo (sa labas at loob) kay Inang Kalikasan.

                  

Taga Quezon si Padre Warren at taga-Tondo naman ang bayaning Andres Bonifacio. Naging bahagi ng pakikibaka ng Bayaning Andres ang paglalakad. Binuo nito ang konsepto ng “Lakaran Tungo sa Liwanag.”  At sa Bundok Banahaw, sa bundok na itinuring na banal ni Ermano Pule (Apolinario de la Cruz) pinanday ng Bayaning Andres gamit ang kanyang “Lakaran.”

                  

Halos dalawang dekada na ang nakararaan nang buuin sa Hong Kong ng ilang Overseas Filipino Workers ((OFW) ang Lakbay-Dangal. Marami sa mga mahahalaga at kilalang bayani ang dumaan sa Hong Kong. Nagtatrabaho si Jose Rizal sa Hong Kong at dito niya nakilala ang isa sa kanyang mga minahal na babae, si Josephine Bracken. Sa Hong Kong din kumilos sina Mariano Ponce; Artemio Ricarte; Emilio Aguinaldo (Hong Kong Junta); atbp.  At nagkaroon ang ilan sa amin ng mas malalim na interes sa buhay ni  Jose Rizal sa Hong Kang.  Sinimulan naming puntahan ang lugar ng dating klinika sa mata ni Rizal. Natagpuan namin ito sa Rednaxela Street sa “Mid-Levels” ng Hong Kong na maaabot sa paggamit ng sikat na “Travelator” sa De Voeux Street. Naging assignment natin mula kay Fr. Louise Ha, “Archivist ng Hong Kong Diocese” na hanapin ang libingan ni Josephine Bracken, atbp. At unti-unting nabuo ang magandang ideya ng “Lakbay-Dangal” ang paglalakad sa paligid ng Hong Kong na may paliwanag ng mga Overseas Filipino Workers (OFW). Naimbitahan pa namin si Carlos Celdran para magbigay ng panayam hinggil sa pagiging “Historical Tourist Guide.”

                  

Sa gitna ng ating pag-dalaw sa Hong Kong noong nakaraang lunes hanggang biyernes (ika-12 hanggang 16 ng Oktubre, 2026) bumalik ang makulay at makabuluhang Lakaran natin tuwing Sabado at Linggo kasama ang ating mga OFW sa Hong Kong. Ang bawat isa sa kanila ay may espesyal na kuwento ng paglalakbay at kung pagsasama-samahin, pagaaralan, pagninilayan at susuriin, ito na nga ang matuturing na “Lakaran,” ang banal at makabuluhang paglalakbay ng Sambayanan at Bansang Pilipinas. Ito din ang kahalagahan at kabuluhan ng Paglalakad ni Padre Warren Puno. Dumudugtong lang si Padre Warren sa sinimulan ng maraming nauna sa kanya. Dumudugtong din sa lakad ng mga bayani ang ginagawa ng mga nagsusulong ng hustisya at pananagutan sa patuloy na ‘Impeachment.” Ganon din ang mga pinaglalaban ang West Philippine Seas bilang atin dahil nasa loob ng Philippine Especeicial Economic Zone. At huwag kalimutan ang mga lumalaban sa korupsyon, partikular ang mga kongresista na ipinapakita ang korupsyon ng nagmumula sa “Ghost at Sub-Standard Flood Control themes.”

                  

Doon sa Hong Kong, sa Pilipinas at sa iba’t ibang bahagi ng mundo, tuluy-tuloy na naglalakad ang lahat tungo sa liwanag. Balot sa kadiliman ang labas at loob ng mga indibidwal at ang buong bansa ngunit, kung maglalakad maaaninag ang liwanag sa anumang pusikit ng langit na tila tinatanggihan ng mga kay gagandang munting bituin.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page