Tao pa rin ang panalo sa panahon ng robot at AI
- BULGAR

- 41 minutes ago
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | May 31, 2026

Noong isang araw nakita natin ang isang “online” balita na nanalo ang robot sa isang takbuhan sa Beijing. Lalampas na karaniwang balita lang ito na walang malalim na kabuluhan. Talaga? Simple? Walang malalim na kabuluhan?
Mananakbo po tayo. Nagsimula tayong tumakbo noon pang 1970, 56 na taon na ang nakararaan. Maganda, mahirap, puno ng hamon ang pagtakbo. Alam ito ng lahat ng tumatakbo. Kailangan ang lubos na disiplina kung nais mong tumakbo ng malayo at mabilis. Iba pang usapan kung nais mong maging propesyonal na mananakbo, lumalahok sa mga paligsahan: sprint; middle distance; long distance; half-marathon; full-marathon; ultra-marathon. Kakaibang paghahanda ang kailangan. Hindi lang katawan kundi ang buong pagkatao ang kailangang hubugin para maging mahusay, matatag at tunay na mananakbo. Paghuhubog ng buong pagkatao: katawan, isip, puso, diwa at kaluluwa.
Ito ang kinakailangan nating gawin noong nagpasya tayong takbuhin ang buong Pilipinas mula Mindanao hanggang Visayas at Luzon noong 1995. Mahabang paghahanda ang kinailangan nating daanan sa ilalim ng kumpas ng pinakaunang Pinoy Ultra-Runner na si Cesar Guarin. Salamat kay Cesar na pinaliwanag, pinakita at ibinahagi sa kanyang mahabang karanasan ang agham, hiwaga, pati “espiritwalidad” ng pagtakbo. Hindi pala ganu’n lang ang pagtakbo. Matinding hamon ito para maabot at mabuo ang pagkataong handog sa lahat ng Diyos, ang kakaibang pagkatao ng tunay at mananakbong may pananagutan.
Tao ang mananakbo noon. Ngunit, meron nang robot na mananakbo na natatalo ang tao. Kailangan ba ng paghuhubog at ensayo ng robot upang maging tunay, matatag at may pananagutang mananakbo? Meron bang pagkakaiba ang robot at tao? Dapat malinaw po ang sagot sa tanong na ito. Ngunit merong tagong tanong na lubhang mapanganib. Ano ang mas mahusay magtrabaho, mas menos gastos, at baka hindi pa kailangang suwelduhan? Iba ang pangangailangan ng tao sa pangangailangan ng robot, ng makinang gawa sa mga “microchips,” oo makinang elektroniko. At ang pinakatanyag at gamit na gamit ngayon ay ang AI o “Artificial Intelligence.” Kailangan pa ba ang guro, propesor, lecturer, titser kung lahat ng tanong mo, lahat ng kailangan mong gawin na magagawa ay maiaasa mo na sa AI?
Sa Magnifica Humanitas tinalakay ni Papa Leone XIV ang pag-unlad ng panlipunang doktrina ng Simbahan (Social teachings of the Church); ang responsableng paggamit ng teknolohiya; ang kultura ng kapangyarihan at ang pagbuo ng sibilisasyon sa pamamagitan ng pag-ibig at ang pagtatanggol sa pagkatao sa pamamagitan ng katotohanan, paggawa at kalayaan.
Mapapanood, mababasa at maririnig ang tinig ni Papa Leo XIV sa patuloy na pagpapaliwanag nito sa paninindigan ng Simbahan hinggil sa kapayapaan, katarungan, dangal ng tao at kalikasan sa gitna ng krisis ng giyera; pang-aabuso sa maliliit at mahihirap at sa hayagang paglalapastangan sa dangal at kabanalan ng kalikasan bilang larawan o mukha ng Diyos. Kung buhay pa si Papa Francisco, tiyak na matutuwa ito dahil sa maraming paraan makikitang ipinagpapatuloy ni Papa Leone XIV ang mga sinimulan ni Papa Francisco lalo na sa dalawang mahahalagang lihim nito, ang Laudato Si at Fratelli Tutti.
Maraming natuwa, nag-alala, nainis at nagtanong sa mga pahayag ni Papa Leone XIV hinggil sa laganap na paggamit ng teknolohiya sa lahat ng antas ng buhay. Nanganganib nang mapalitan ang puwersang makatao ng puwersang teknolohikal. Nang mapunta tayo sa Japan noong Enero 2024, ilang kainan ang napuntahan natin na merong mga “robot” na nagsisilbi. Natuwa’t nagulat tayo na merong lumalapit na robot sa aming lamesa para kumuha ng order o maghain ng order. Ngunit pinaliwanag ng kaibigan nating hapon na laganap na sa Japan ang “robotics” at napakabilis ng pag-unlad nito. Maraming industriyang nabawasan ng malaki ang manggagawang tao na napalitan na ng mga robot.
Nakikita’t nararamdaman na ang epekto nito sa maraming sangay ng buhay sa lipunan. Maraming positibong epekto ngunit marami ding nakababahalang epekto na kailangang lubos na pag-aralan at pag-usapan upang sa halip na makasama ay makabuti at maitaguyod ng teknolohiya ang likas na dangal ng tao. Salamat Papa Leone XIV. Salamat sa paalala na hindi mahihigitan ng makina at ng computer ang dangal at kadakilaan ng tao. Sama-samang pagbabantay, pag-aaral at responsableng pag-gamit ng teknolohiyang handog ng Diyos sa tao at mundo. Sa huli, makikita kung ano ang ibig sabihin ng paglikha sa tao bilang kawangis ng Diyos. Sa huli tao pa rin ang panalo dahil tao at hindi robot ang larawan o kawangis ng Diyos. Amen.





Comments