Tameme kay Aljur, pero… MADIR NI KYLIE, BINANATAN NA RIN SI CRISTY FERMIN
ni Janiz Navida @Showbiz Special | October 26, 2021

Like mother, like daughter ba talaga?!
Oh, ayan, nag-post na rin kasi ang nanay ni Kylie Padilla ng banat sa beteranang kolumnista-TV host na si Ninang Cristy Fermin matapos nitong ibulgar at segundahan ang controversial post ni Aljur Abrenica na diumano'y may kabit ang misis nito.
Kung matatandaan, si Kylie ang unang napikon at tinawag na "matanda na" si 'Nang Cristy ay sinisiraan pa raw siya, pero binura rin naman niya agad ang socmed post na 'yun.
Ngayon naman, may IG post daw ang nanay ni Kylie na si Liezl Sicangco na ganito ang sinasabi, “Sobra ka na, Cristy Fermin!!! Gawin kaya sa 'yo 'yang pinaggagawa mo, siraan ka ng hindi totoo, gusto mo?
“Walang kalaban-laban ang mga taong sinisiraan mo. One sided ka!!!
“'Di mo naman alam ang totoo at kung ano ang pinagdadaanan ng tao. Magbago ka na bago ka pa bawian ng buhay.”
Hala siya! Galit na galit, gustong manakit?!
Naku, ha? Eh, bakit nu'ng si Aljur ang nag-post at inakusahan si Kylie na unang nagkaroon ng kabit, wala naman kaming narinig na pagtatanggol mula kay Mrs. Liezl Sicangco?
Hindi ba't dapat ay si Aljur ang sinasabihan niya 'yan at hindi ang mga manunulat na trabaho lang naman ang ibalita kung ano ang nakakarating sa aming impormasyon?
Eh, no wonder pala kung bakit ganu'n ang naging attitude ni Kylie sa isang 'MATANDA NA', dahil mana-mana lang naman.
'Yun lang, sayang, hindi kay Robin Padilla nagmana ng ugali si Kylie kundi sa kanyang ina, di sana'y marunong rumespeto sa 'MATANDA NA' ang aktres.
Pero in fairness kay Kylie, ikinatuwa naman namin 'yung hindi na niya tinapatan 'yung kabastusan ni Aljur Abrenica at mas pinili niyang protektahan ang mga anak nila kaya nag-ingat siya sa mga sinabi sa kanyang interview sa Kapuso Mo, Jessica Soho.
Dahil umatras na nga si Narvacan, Ilocos Sur Mayor Chavit Singson sa dapat sana'y banggaan nila ng anak na si Ryan Singson sa pagka-vice-governor ng lalawigan, may ilang nag-react na mabuti raw at may nag-give way sa kanila para hindi matulad sa banggaan nina Sen. Tito Sotto at Sen. Kiko Pangilinan na parehong tumatakbong vice-president sa 2022 elections.
Kung sino pa nga naman kasi ang magkakapamilya, sila-sila pa ang nag-aagawan sa posisyon sa pulitika.
At dahil pahinga nga muna ngayon sa pulitika si Mayor Chavit, we heard na puro negosyo ang inaasikaso nito.
Bukod sa pag-i-invest ni LMP President Chavit Singson ng 100 million dollars sa South Korea ay abala rin ang kanyang LCS Group of Companies para sa iba’t ibang proyektong ginagawa nito ngayon sa bansa.
Isa sa mga pinagkakaabalahan ngayon ng grupo ni Mayor Chavit ang pagpapatayo ng common towers upang magamit ito ng tatlong pangunahing telecommunication companies ng bansa katulad ng Globe, Smart at DITO, para mas maraming marating na lugar at mas maging maayos ang signal ng mga telecoms.
Ang common towers ay hindi ipinatayo at hindi pag-aari ng mga telecommunication companies kundi ng mga independent companies katulad ng LCS Group at magsisilbi itong parang tollway, babayaran ng telco companies upang magamit nila ang mga towers.
Sa ngayon, may nakatayo nang mahigit 100 common LCS towers mula sa Region 1, 2 and 3 at meron na rin dito sa Metro Manila. Layunin nitong makapagpatayo ng 6000 common towers sa loob ng anim na taon sa buong bansa.
Ang common towers ng LCS group ay makikilala bilang pinakamalaking nagmamay-ari ng common towers sa buong Pilipinas.
Samantala, nasa South Korea pala uli si Mayor Chavit upang magbigay ng karagdagang investment para sa entertainment dahil sikat na sikat ang nasabing bansa sa paggawa ng magagandang teleserye, na sinusundan naman talaga ng karamihan hindi lamang sa Asia kundi pati na rin sa buong mundo.
Gusto ni Mayor Chavit na suportahan ito kasama na rin ang iba pang negosyo katulad ng pagpapatayo ng hotels, condominium at malls.
Well, siguro, kung nakipagsosyo na lang sa kanya ang dati niyang BFF na si Sen. Manny Pacquiao kesa tumakbo sa pagka-pangulo sa 2022, mas marami pang matutulungan at mabibigyan ng trabaho sa pagtatayo nila ng iba't ibang negosyo.
Eh, kaso nga, hindi nakinig si Sen. Manny sa payo sa kanya ni Mayor Chavit kung paano iha-handle ang kanyang bilyones at itinuloy pa rin ang ambisyong maging pangulo.
So, tingnan na lang natin after ng eleksiyon kung magkakatotoo ang hirit ni Mayor Chavit na baka matalo na, maging purdoy pa ang Pambansang Kamao.





Comments