top of page
Search

ni Janiz Navida @Showbiz Special | January 14, 2026



Lipa Vice-Mayor Mikee Morada ang ugali ng kanyang misis na si Alex Gonzaga

Photo: IG / Mikee at Alex



Dumayo kami sa Lipa, Batangas last Sunday sa imbitasyon ng good friend naming si Joel Umali Peña, Lipa City Tourism Council head at isa sa mga owners ng Big Ben Complex.


Tulad nu’ng nakaraang taon, inimbita kami ni Joel para mapanood ang ipinrodyus niyang Sebastian, The Musical na ginanap sa mismong San Sebastian Cathedral sa Lipa.


Umani ng masigabong palakpakan ang cast ng musical play sa pangunguna ni Vince Conrad na gumanap na San Sebastian. 


Puring-puri ng mga Lipeños ang napaka-talented group na taun-taong nagtatanghal tuwing nalalapit na ang kapistahan ni San Sebastian. Papasa na kasing mga propesyonal na theater actors ang cast sa galing nilang umarte at ang gaganda ng boses.


Maayos din ang story at script na si Joel din pala ang sumulat at mas na-appreciate ng mga nanood ang presentation this year kesa last year dahil maikli lang ito pero malinaw ang mensahe tungkol sa naging buhay ni San Sebastian kaya siya naging santo at kung bakit ipinagdiriwang ang kapistahan ng tinaguriang Patron Saint of Soldiers.


Nakausap namin si Vince Conrad after ng musical show at nabanggit niyang may kontrata pala siya sa Viva Artists pero nagtapos na raw ito na hindi siya nabigyan ng projects dahil pinipili rin daw niya ‘yung mga naka-align lang din sa kanyang values at hindi naman puwede sa kanya ang mga sexy roles.


Sa ngayon, naghahanap daw siya ng bagong manager na puwedeng mag-manage sa kanyang career. At dahil guwapo at talented naman siya, right break and time lang siguro ang kailangan para makapasok siya sa showbiz.


Anyway, after naming manood ng Sebastian, The Musical, nag-dinner muna kami bago bumalik ng Manila. May nakakuwentuhan kaming ilang Lipeños at nagulat kami sa chikang narinig namin.


Hindi naman paninira ang dating sa amin ng kuwentong hindi pala nagugustuhan ng ilang kamag-anak ni Lipa Vice-Mayor Mikee Morada ang ugali ng kanyang misis na si Alex Gonzaga kundi pamumuna lang daw ito sa aktres-TV host para malaman niyang may ilang nao-offend sa kanyang pagka-jologs at ugaling-kalye kahit pa raw nasa formal occasion siya.


Ayon sa aming kausap, mabait naman daw si Alex kapag kaharap ang mga kamag-anak ni Mikee, pero ‘yung kawalan nga lang daw nito ng breeding ang inaayawan sa kanya.


Well, naturalesa na kasi talaga ni Alex ang pagiging makulit at galawgaw, pero ‘yun nga, hindi naman lahat ng tao ay makakaunawa sa kanya. Kahit naman ang kanyang Mommy Pinty at Ate Toni Gonzaga, paulit-ulit na rin siyang pinagsasabihan, so siguro, kailangan na talagang makiramdam nang mabuti si Alex kung paano siya kikilos at magsasalita depende sa kanyang mga kaharap.


Well, next week ay makikipiyesta uli kami sa Lipa para naman sa kanilang Rigodon de Honor at para manood ng parada. Makita kaya uli namin ang mga celebrities na taga-Lipa na sumama last year ngayong tapos na ang campaign period?


Itsitsika namin sa inyo next time. Okidok?!



Kahit dinedma raw sa wedding ni Claudia…

DENNIS, SASAMAHAN ULI NG UTOL SA KASAL NI JULIA



Hindi nakatangging magpainterbyu si Gene Padilla after ng premiere night at mediacon ng pelikulang Breaking The Silence kung saan isa siya sa cast.


First time na nakorner ng entertainment press si Gene matapos ang controversial issue sa kasal ng pamangkin niyang si Claudia Barretto kay Basti Lorenzo last year.


Inamin ng younger brother ni Dennis Padilla na simula nu’ng matapos ang kasal ni Claudia hanggang ngayon, hindi pa rin nagkaroon ng komunikasyon sa pagitan ng dalawang pamilya.


Pero tahimik naman na raw silang pare-pareho at hindi pa rin naman sumusuko si Dennis sa panunuyo sa mga anak kahit walang reply ang mga ito, dahil bali-baligtarin man ang mundo, magkakadugo sila. Hangad din niyang maayos ang relasyon ng kapatid sa mga anak sa tamang panahon. 


Payo nga raw niya sa kanyang kuya, “‘Wag mo nang ipilit ang sarili mo, sa tamang panahon, ‘yung gusto mong mangyari na magkaayos kayo, darating ‘yun, ibibigay ng Panginoon ‘yun.”


Wala naman daw siyang sama ng loob sa mga pamangkin na sina Julia, Claudia at Leon, gayundin sa ex-sis-in-law na si Marjorie Barretto at kung sakali ngang magkakasalubong sila, babatiin daw niya ang mga ito.


“Kung babatiin ako, okay, kung hindi ako babatiin, okay,” sabi pa ni Gene. 

Natanong nga si Gene kung sakaling si Julia naman ang ikasal, pupunta rin daw kaya siya?


Sagot nito, “A-attend ako, kahit ‘di ako imbitado, a-attend ako. Kahit ‘di ako pansinin lahat, wala akong pakialam. Basta isinama ako ng kapatid ko, sasamahan ko pa rin siya. Kasi dugo pa rin namin ‘yun kahit bali-baligtarin natin.”


Samantala, napapanahon ang mensahe ng pelikulang Breaking The Silence na tumatalakay sa mental health problems lalo na ng mga kabataan dahil sa bullying, family issues, depression at kung anu-ano pang factors.


Mula sa direksiyon ni Errol Ropero at produced ng Gummy Entertainment, bida sa BTS sina Potchi Angeles at Shira Tweg at kasama rin sa pelikula sina Ramon Christopher Gutierrez, Rob Sy, Jeffrey Santos, Pinky Amador, Pekto Nacua, Bugoy Cariño, Mark Herras, Gray Weber (ang cute na ingleserang bagets na anak ng producer ng movie) at Ryrie Sophia.


Walang theatrical release ang BTS at sa halip, sadyang ginawa ito ni Direk Errol para ipalabas sa mga eskuwelahan nang maging aware ang mga guro at estudyante sa parehong private at public schools tungkol sa issue ng mental health.

 
 

ni Janiz Navida @Showbiz Special | January 10, 2026



Aljur at AJ Raval

Photo: IG / AJ Raval



Sobrang in love talaga sa isa’t isa sina AJ Raval at Aljur Abrenica at kahit sa social media, very vocal sila sa feelings nila para sa isa’t isa.


Last week, nag-post nga si AJ sa kanyang Instagram ng compilation ng video clips ng mga happy moments nila ni Aljur. Makikita kung paano pinasasaya ng aktor ang kanyang bagong prinsesa (o reyna?) na si AJ, kaya naman ganu’n na lang ka-in love sa kanya ang dating sexy actress.


Sa naturang post, proud ngang sinabi ni AJ na “Well, I’m a lucky woman.”

Sa huling post naman ni AJ sa IG kahapon kung saan compilation pa rin ng throwback photos-videos nila ni Aljur ang laman, may isang photo nila ni Aljur na beach ang background ang nakaagaw sa atensiyon ng ilang netizens dahil sa caption nitong: “Him: I wish I met you earlier.”





Kaya naman, may nag-comment na “Grabe ang sakit nito marinig para kay Kylie.”

Si Kylie Padilla ang tinutukoy ng netizen na ex-wife ni Aljur Abrenica.


May ilang netizens ang ‘di nagustuhan ang post ni AJ, lalo na ang caption dahil parang pinalalabas daw ni Aljur na sising-sisi siya na naging bahagi ng buhay niya si Kylie kung saan nagkaroon pa sila ng dalawang anak — sina Alas Joaquin at Axl Romeo.


May mga kumuwestiyon din sa intensiyon ni AJ sa pag-post nito. Para raw proud na proud pang ipinagsisigawan ni AJ na sa kanya ang huling halakhak dahil siya ang nagpapaligaya ngayon kay Aljur.


Well, wala pang reaksiyon si Kylie sa latest post ni AJ, pero siguro naman, hindi na pag-aaksayahan pa ng pansin at papatulan ng anak ni Sen. Robin Padilla ang pang-iintriga ng ilang netizens sa caption ni AJ.


Pare-pareho na silang masaya sa kani-kanilang buhay kaya dedmahin na lang ang mga gusto pang sumira sa magandang relasyon nila ngayon.




P-POP NOVA Girl Group


PERSONAL naming na-meet ang bagong P-Pop girl group na Nova na binubuo ng 6 members na pinangungunahan ng leader nilang si Red kasama sina Vie, Dea, Karel, Wendy at Ella sa ginanap na media launch-contract signing nila last Thursday sa Music Box, QC.


Agad nagpa-sample ang grupo ng kanilang original song titled All In, na in fairness, may “K” silang idolohin ng mga kabataang fanatic sa mga K-Pop at P-Pop groups dahil magagaling nang kumanta, nakakahawa pa ang kanilang mga dance moves.


Bago nabuo ang Nova, may kani-kanyang buhay at career ang 6 members nito. 

Si Pamela “Red” Pangilinan na leader ng grupo at may hawig kay Kakie Pangilinan ay Marketing graduate pala sa De La Salle University, pero mas piniling kumanta at sumayaw dahil ito raw ang passion niya mula pagkabata.


Pareho namang call center agents sina Vie Hernandez at Andrea “Dea” Alarcon, pero nang dumating ang opportunity na mapabilang sa Nova, iniwan din nila ang work para i-share ang kanilang talent sa pagkanta at pagsasayaw. Umaasa silang makakaabot sa global stage para magbigay ng karangalan sa mga kapwa Pilipino.


Si Chloe “Karel” Sar ay theater performer bago napunta sa Nova. Bata pa rin ay pangarap na niyang maging performer at inspiration niya sina Nadine Lustre at Jennie ng BlackPink.


Suki naman ng amateur singing contests at nakapag-join na rin sa The Voice Teens at Tawag ng Tanghalan si Wendy Figura. Hindi man umabot sa semi-finals, hindi pa rin sumuko si Wendy na idol sina Sarah Geronimo at Gigi de Lana na abutin ang pangarap niyang kumanta. Kaya sobrang saya siya nang mapasama sa Nova.


Hindi pa rin nakaka-graduate ng college si Nova Sheila Ella na sina Regine Velasquez at BTS naman ang mga idol, pero dahil sa pangarap na maging performer, hindi na niya pinalagpas ang chance na maging member ng Nova.

Pangarap daw ng P-Pop group na ito na maka-collaborate ang SB19. 


At sa posibilidad na i-bash sila dahil maikukumpara sa mga nauna nang sumikat na P-Pop group tulad ng BINI, ayon sa 6 members ng Nova, wala silang intensiyong tapatan o makipagkumpitensiya sa BINI na hinahangaan din nila.


Naniniwala ang Nova sa kasabihang “The more, the merrier” kaya kung mas marami raw Pinoy ang makakapagdala ng pangalan ng Pilipinas sa global stage, mas maganda.


Mas naniniwala silang dapat suportahan ng mga Pinoy performers ang isa’t isa kesa magkumpitensiya para sa kasikatan.


Ang mahalaga sa kanila ngayon ay maipakita ang kanilang talento at makapagpasaya ng mga fans, hindi lang dito sa ‘Pinas kundi maging sa ibang bansa.


Sa January 19, guest ang Nova sa TikToClock ng GMA-7, so see for yourself kung tama kami na may potensiyal silang makilala bilang P-Pop group tulad ng BINI.



Muling itinataas ng Ginebra San Miguel, ang pinakamabentang gin sa buong mundo, ang antas ng pagkukuwento sa pinakabagong kampanya nitong “Tatak ng Tapang, Tatak Ginebra.”


Isa itong makapangyarihang ebolusyon ng kanilang matagal nang pagkilala sa giting at tapang ng mga Pilipino. Sa pagkakataong ito, nakatutok ang atensyon sa mga totoong tao—apat na indibidwal na ang katatagan ay hindi lamang bahagi ng isang kwento, kundi makikita sa mga peklat sa katawan na bakas ng kanilang mga pinagdaanan.


Ayon kay Sales and Marketing Manager Allan Mercado, ang digital campaign na ito na inilunsad nitong ika-31 ng Disyembre upang salubungin ang bagong taon, ay nagmamarka ng isang makabuluhang pagbabago.


“Iba ito sa nakaraan. Binibigyang-pugay natin ang mga totoong tao—mga ordinaryong indibidwal na ang mga kwento ay tunay na makakaugnayan ng ating mga mamimili. Ang aming pag-asa ay magsilbi silang inspirasyon sa iba sa pamamagitan ng kanilang pagiging totoo at pagiging relatable upang habulin ang kanilang mga pangarap.”


Sa puso ng kampanyang ito ay ang isang unibersal na katotohanan: lahat ay may kinakaharap na laban sa buhay. Bawat isa sa atin ay may sariling pakikibaka at sariling mga hamon. Gayunpaman, sa loob ng bawat isa sa atin ay nananahan ang katapangan—ang tapang na harapin ang mga hadlang, ipaglaban ang mga mahalaga, at ituloy ang ating mga pangarap—para sa ating mga pamilya, para sa ating sarili, at para sa ating bansa.


“Ito ang uri ng katapangan na hindi kailanman umaatras at hindi kailanman sumusuko, anuman ang hamon. Ito ang tapang na nagtutulak sa atin na magtiyaga hanggang sa makamit natin ang ating mga layunin,” sabi ni Ron. “Yan ang Tatak ng Tapang. Yan ang Tatak Ginebra.”


Sa pamamagitan ng “Tatak ng Tapang, Tatak Ginebra,” ipinagpapatuloy ng brand ang legasiya nito sa pagbibigay-pugay sa katapangan—sa pagkakataong ito, sa pamamagitan ng mga totoong mukha, totoong mga peklat at marka sa katawan, at totoong kwento.


Ang GSMI ang producer ng pinakamabentang gin sa mundo, ang Ginebra San Miguel. Ang iba pang de-kalidad na distilled spirits nito ay kinabibilangan ng GSM Blue Light Gin, GSM Blue Mojito, GSM Blue Margarita, GSM Blue Gin Pomelo, GSM Blue Lychee Martini, Ginebra San Miguel Premium Gin, 1834 Premium Distilled Gin, Archangel Reserve Premium Dry Gin, Antonov Vodka, Freedom Island Light Rum, Primera Light Brandy, at ang no. 1 Chinese wine sa Pilipinas, ang Vino Kulafu.

 
 

ni Janiz Navida @Showbiz Special | January 8, 2026



Vice Ganda sa viral video

Photo: SS / Viral / Circulated



Nasa cloud 9 pa sana si Vice Ganda mula sa pagkakapanalo niyang Best Actor sa nakaraang 51st Metro Manila Film Festival para sa pelikulang Call Me Mother at short vacation abroad bago bumalik sa hosting job sa It’s Showtime pero ngayon, viral na naman at naba-bash ang Unkabogable Star sa social media.


May isang Pinoy fan kasi na nakakita at nag-video kay Vice sa airport habang pabalik ng ‘Pinas ilang araw pa lang ang nakararaan.


Nag-viral ang naturang video clip dahil sa dialogue ng may-edad nang babae na “Ay, si ano ‘to, artista. Si ano ‘to. Artista ‘to. Ito ‘yung sikat na artista sa Pilipinas,” pero hindi mabanggit ang name ni Vice.


Dagdag pang bati-tanong ng babae kay Vice Ganda habang patuloy na kinukunan ng video ang naglalakad na It’s Showtime host, “Uwi ka na ng ‘Pinas? Happy New Year!”


Nilingon naman ni Vice ang fan at bumati rin ng “Happy New Year po!” pero kasunod nito ay nag-dialogue ang komedyante ng “‘Di n’yo nga ako kilala, ate, eh!” na sinundan ng mahinang tawa.


Nagpaliwanag ang fan na nakikita niya sa TV si Vice pero malamang, na-startstruck at na-mental block ito kaya ‘di masabi ang pangalan ni Meme.


Sa puntong ‘yun ng video ay maririnig ang baklang kasama ni Vice na nag-dialogue ng “Tama na video, Mother!”


Sa episode naman ng It’s Showtime nu’ng Lunes (Enero 5), sa isang portion ng show ay ni-reenact ni Vice ang nangyari sa airport at du’n nga umamin ang TV host na nabuwisit at napikon siya sa ginawang pag-video ng fan at pagsasabi pa sa kanya na sikat siya sa ‘Pinas pero hindi naman pala siya kilala.


Hirit ni Vice sa isang contestant ng show, “Kamukha mo ‘yung nagbi-video sa ‘kin sa airport,” na sinundan ng pag-ulit nito sa dialogue ng fan, “Ay, kilala ko ‘to, eh. Sikat ‘to. Sikat ‘to, eh. Artista ‘to, eh.”


Pagkatapos, du’n na nga umamin si Vice na na-offend siya sa ginawa ng fan. “Tapos echosera, ‘di raw niya alam ang pangalan ko, eh, kitang-kita ko siya nu’ng nakita niya ako, ‘Si Vice Ganda,’ tapos vinideo ako.”


Dagdag pang kuwento nito, “Ang layo ng nilakad niya, girl, ha? Talagang binuwisit niya ako. ‘Ay, sikat ‘to, eh. Sikat ‘to!’ Ganito ang mukha nu’n (patungkol sa contestant). Ayoko nang ikuwento ‘yung buo dahil maba-bash ka lalo, ‘day!”


Dahil sa viral video, samu’t sari na naman ang reaksiyon ng mga netizens kay Vice. May mga nakakaintindi sa Unkabogable Star dahil baka pagod daw sa biyahe at nagmamadaling makauwi. May mga kumampi rin na nakakainsulto naman talaga ‘yung way ng pagkakasabi ng babae na sikat si Vice pero ‘di niya mabanggit ang name.


Pero may mga netizens din ang humirit na nagpakita na naman ng kagaspangan ng ugali at pag-a-attitude si Vice. Kitang-kita raw sa paglalakad nito nang mabilis kahit alam na may kumukuha sa kanya ng video ang kayabangan at dedma lang sa kapwa Pilipino na humahanga sa kanya. At mas nakumpirma pa nga raw ang pagiging ‘entitled’ nito dahil sa bibig niya mismo nanggaling ang para sa kanya ay ‘pambubuwisit’ ng fan dahil panay ang sabing sikat siya pero ‘di nga mabanggit ang name niya.


May mga nagsabi ring bakit hindi na lang sinabi ni Vice sa naturang fan ang kanyang pangalan kung ‘di nito mabanggit nang diretso. Ang mahalaga naman daw ay nakilala siya nito.


Hindi rin maiwasang maikumpara ng ilan na nu’ng nagmo-mall tour at nagpo-promote si Vice ng Call Me Mother ay todo-kaway ito sa mga fans, pero nu’ng may fan ngang nakakilala sa kanya sa airport, nagmamadali itong maglakad at nagalit pa ang kasama na kinunan siya ng video.


Well, ayaw na naming makadagdag sa stress at anxiety ni Vice sa dami na naman ng namba-bash ngayon sa kanya. Basta ang masasabi na lang namin, the more tayong bine-bless ni Lord, mas dapat tayong maging mapagkumbaba at mabait sa ating kapwa.

Agree, mga Mother?




Boy Abunda, Pia at Alan Peter Cayetano - CIA with BA


SA unang episode ng taon ng CIA with BA, tinalakay sa segment na Tanong ng Pilipino ang isang viral video kung saan makikitang hinaharang ng mga pulis ang isang SUV na umano’y tumatakas. 


Sa nasabing video, makikita rin ang pagbabasag ng windshield ng sasakyan, na agad nagbunsod ng diskusyon tungkol sa paggamit ng puwersa ng kapulisan.


Dahil dito, may viewer na nagtanong, “Kailan pinapayagan ang pulis na gumamit ng ganitong klaseng pwersa?” 


Umani ang video ng iba’t ibang reaksiyon online, partikular kung lehitimo ba ang naging aksiyon ng mga pulis.


Ayon kay Atty. Matt Cesa, nakadepende sa sitwasyon ang paggamit ng puwersa at dapat itong angkop sa banta.


“Kailangan mong gumamit ng force depende sa situation. Kung may danger sa ibang tao, may harm sa sarili mo, ‘di mo magawa ‘yung duty mo, kailangan mong mag-inflict ng commensurate force,” paliwanag niya.


Iginiit naman ni Atty. Rafael Rivera ang prinsipyo ng necessity.


“You may use force as it is necessary,” aniya, sabay sabing ang ikinilos ng driver sa video ay maaaring ituring na banta na nangangailangan ng agarang aksiyon ng kapulisan.


Dagdag pa ni Rivera, base sa nakikitang sitwasyon, makatwiran ang pagpigil sa sasakyan. 


Tinalakay din ng panel ang posibleng kaso kung mapatutunayang ilegal ang pagkakuha ng sasakyan. Ayon kay Atty. Marian Cayetano, maaaring kasuhan ang driver ng carnapping.


Sa pagtatapos ng talakayan, napapanahon ang paalala ni Tito Boy Abunda laban sa mabilis na paghuhusga batay lamang sa viral videos.


“We’re so quick to judge base sa ating napapanood sa social media… may tendency tayong gumawa ng sarili nating assumptions,” aniya, na hinikayat ang publiko na unawain muna ang buong konteksto ng bawat insidente.


Ang CIA with BA na pinangungunahan nina Senador Alan at Pia Cayetano at ni Tito Boy ay napapanood tuwing Linggo, alas-11 ng gabi sa GMA-7.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page