Tama na ang pagiging “kamote,” mga driving school sa bansa, higpitan ang regulasyon
- BULGAR

- 1 hour ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | March 12, 2026

Tama na sa pagiging “Kamote” sa kalsada, tuluyan na dapat higpitan ang pagbabantay sa mga driving school na nagkakaloob ng sertipikasyon sa mga aplikante ng lisensya.
Hindi simpleng administrative issue ang pagbibigay ng certificate nang hindi dumaraan sa tamang training.
Ito ay direktang usapin ng kaligtasan sa kalsada. Kapag may motorista na nagmamaneho nang walang sapat na praktikal na pagsasanay, hindi lamang ang kanyang buhay ang nalalagay sa panganib kundi pati ang publiko.
Dahil dito, pansamantalang sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang 12 accredited driving schools at kanilang mga instructor sa Metro Manila matapos umanong makitaan ng iregularidad sa pagbibigay ng Practical Driving Course (PDC) certificates.
Ayon sa ahensya, may mga ulat na may ilang estudyante na nabigyan ng sertipiko kahit hindi nila natapos o hindi man lamang dinaanan ang mandatory na walong oras ng practical driving instruction.
Naglabas ang LTO ng show cause orders (SCO) sa mga sangkot na driving school.
Inatasan ang kanilang mga kinatawan at instructor na magsumite ng nakasulat na paliwanag at kaukulang dokumento sa loob ng limang araw upang ipaliwanag ang mga alegasyon laban sa kanila.
Batay sa paunang imbestigasyon, ang naturang gawain ay maaaring lumabag sa LTO Memorandum Circular No. VDM-2023-2460.
Kabilang sa mga posibleng paglabag ang fraud, misrepresentation, irregular use of accreditation, at hindi pagsunod sa itinakdang regulasyon sa proseso ng driver education.
Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, ipinatupad ng LTO ang 30-araw na preventive suspension laban sa mga driving school at instructor na sangkot sa isyu.
Sa panahong ito, mahigpit silang ipinagbabawal na magsagawa ng anumang driver education activities at hindi rin sila maaaring gumamit ng Land Transportation Management System (LTMS) para sa pagproseso o pag-isyu ng mga sertipiko.
Nagbabala rin ang ahensya na kapag hindi nakapagsumite ng paliwanag ang mga sangkot, ituturing itong pagtalikod sa kanilang karapatang marinig, at magpapatuloy ang komite sa pagdedesisyon batay sa mga dokumento at rekord na hawak ng LTO.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng ganitong usapin. Noong nakaraang taon, 205 driving schools ang ipinatawag ng LTO dahil sa iba’t ibang paglabag, kabilang ang hindi tamang pag-isyu ng driving course certificates at pakikialam sa computer systems ng ahensya.
May ilang paaralan pa umano na lumalampas sa itinakdang daily limit ng pag-upload ng theoretical at practical driving certificates sa sistema ng LTO.
Ang ganitong klase ng iregularidad ay nagpapakita na may ilang institusyon na mas inuuna ang kita kaysa sa kaligtasan ng publiko.
Kapag napapadali ang pagkuha ng sertipiko nang hindi dumaraan sa tamang pagsasanay, nawawala ang tunay na layunin ng driver education.
Mahalagang ipakita ng pamahalaan na seryoso ito sa pagpapatupad ng regulasyon upang maprotektahan ang mga motorista at pedestrian.
Ang maayos na training sa pagmamaneho ay hindi lamang requirement para sa lisensya, kundi isang mahalagang responsibilidad upang mapanatiling ligtas ang bawat kalsada sa bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




Comments