top of page
Sharlene San Pedro - IG.jpg

Tag-ulan na, malamang kinakabahan na ang mga sangkot sa flood control scandal

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 9 hours ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 1, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


KAPAG NABIGO ULI ANG PLANONG KUDETA SA SENADO, SIGURADONG HANGGANG MATAPOS ANG TERMINO NI PBBM, SI CAYETANO PA RIN HEAD NG SENATE — May mga kumakalat na naman sa social media na balita na ngayong Hunyo 1 ay magkakaroon umano ng kudeta sa Senado. Ayon sa mga ulat, may dalawang senador na kaalyado ni Senate President Alan Cayetano ang lilipat umano sa minority bloc ni Sen. Tito Sotto upang patalsikin siya sa puwesto. Sinasabi rin na si Sen. Sherwin Gatchalian ang iluluklok bilang bagong Senate President.


Noong nakaraang linggo ay lumabas na rin ang mga balitang mapapatalsik si SP Cayetano, ngunit hindi ito natuloy. Kaya kung mabibigo na naman ang panibagong tangkang ito, posibleng manatili siya sa puwesto hanggang sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hunyo 30, 2028. Period!


XXX


CONG. ROMUALDEZ, DOBLE SAKIT-ULO KASI KAKASUHAN NA SIYA NI OMBUDSMAN REMULLA NG PLUNDER, GIGISAHIN PA SIYA NG KOMITE NI SEN. MARCOLETA — Hindi man aminin, tiyak na doble ang sakit ng ulo na kinahaharap ngayon ni Leyte 1st Dist. Rep., former Speaker Martin Romualdez.


Bukod kasi sa umano’y inihahandang kasong plunder ng tanggapan ni Bienvenido Remulla laban sa kanya, inaasahan ding magiging sentro siya ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Sub-Committee na pinamumunuan ni Rodante Marcoleta sa Hunyo 4, 2026.


Ika nga, dalawang kampo umano ang tumututok sa kanya—ang kampo ni Ferdinand Marcos Jr., na nagtalaga kay Remulla bilang Ombudsman, at ang kampo ni Vice President Sara Duterte, dahil si Sen. Marcoleta ay kilalang malapit sa mga Duterte. Boom!


XXX


MALI ANG DESISYON NI SP CAYETANO NA ITALAGA ANG NAGTATAGONG SI SEN. BATO BILANG CHAIRMAN NG SENATE COMMITTEE ON PUBLIC ORDER AND DANGEROUS DRUGS — Pinutakte ng batikos sa social media si SP Cayetano matapos niyang italaga si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa bilang chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs.


Alam naman umano ni SP Cayetano na hindi lantad sa publiko si Sen. Bato dahil sa kinahaharap nitong usapin kaugnay ng kaso sa International Criminal Court (ICC), kaya marami ang nagtatanong kung paano nito lubos na magagampanan ang tungkulin bilang pinuno ng isa sa mahahalagang komite sa Senado.


Dahil dito, may mga nagsasabing mas mainam sana kung ginawa muna siyang co-chairman ng komite at nagtalaga ng ibang senador bilang chairman upang matiyak na tuluy-tuloy ang pagtalakay sa mga panukalang batas at iba pang usaping may kaugnayan sa public order at dangerous drugs.


Sa ganitong paraan, ayon sa mga kritiko, maiiwasan ang anumang pagkaantala sa trabaho ng komite at masisiguro ang maayos na pagganap nito sa tungkuling magbalangkas at magsuri ng mga panukalang batas para sa kapakanan ng bansa. Period!


XXX


KAPAG NAGKABAHA SA PANAHON NG TAG-ULAN, PUPUTAKTIHIN NA NAMAN NG BATIKOS ANG MGA SEN. AT CONG. NA SANGKOT SA FLOOD CONTROL SCANDAL — Ayon sa PAGASA, papasok na ang tag-ulan sa bansa. Hindi man aminin, tiyak na kakaba-kaba na naman ang mga senador at kongresistang sangkot umano sa flood control projects scam, dahil kasunod ng ulan ang baha at siguradong puputaktihin na naman sila ng batikos mula sa mamamayan. Boom!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page