top of page
RUN WILD - BARBIE, NAPABILIB SI ALDEN SA PAGIGING WILD-IG _barbaraforteza.jpg

Suplay ng kuryente sa buong bansa, hindi dapat pumapalya

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 13
  • 3 min read

ani Judith Sto. Domingo @Asintado | June 13, 2026



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Isang mapagpalang Araw ng Kalayaan sa ating mga tagasubaybay! Pangarap at dalangin natin ang tunay na kalayaan para sa ating mga kababayan—kalayaan

mula sa kahirapan at sa mababang kalidad ng pamumuhay sa ating bansa. Ngunit ang tanong ay kung kailan kaya darating iyan sa atin, at kung darating pa kaya iyan ng ganap sa ating panahon?


Pangarap ng bawat Pilipino ang magkaroon ng sapat na pagkain sa kanyang hapag-kainan. Pangarap ng bawat Pilipino na hindi mag-alala kung may masasakyan pa ba siyang pampublikong transportasyon matapos ang buong araw na pagtatrabaho.


Pangarap niyang magkaroon ng maaasahang suplay ng kuryente nasaan man siyang panig ng bansa. Pangarap din niyang umangat sa buhay at magtagumpay nang hindi kinakailangang makipagsapalaran sa ibang bayan.


Kaya naman sa abot ng ating munting kakayanan ay nakaagapay tayo sa bawat pagsisikap na magkaroon ng sapat na suplay ng kuryente sa buong bansa bilang ating maliit na ambag sa pagkamit ng mga pangarap na iyan.


Nitong Martes hanggang Huwebes ay dumalo tayo sa ginanap na tatlong araw na Nuclear Energy Awareness Training sa pangunguna ng Nuclear Energy Program Inter-Agency Committee o NEP-IAC na ginanap sa EUMB Hall ng Department of Energy sa BGC, Taguig City. Pasasalamat kina Director Patrick T. Aquino, Ms. Shiela dela Cruz, Ms. Andria Frago, Ms. Louise Andrea Melquiades, at kanilang mga kawani kasama na si Jewel Balon at Angela Mae Concepcion.


Nakatutuwang may higit sa 70 na mga propesyonal ang nakibahagi sa nasabing okasyon. Nasaksihan natin ang kanilang seryosong pakikinig at interesadong pagtatanong ukol sa nuclear, sa pagnanais na higit na mapayabong ang kanilang kakayanan sa larangang ito.


Sa nakaraang SWS survey na kinomisyon ng pamahalaan ay lumabas na mayorya na ng mga Pilipino ay tanggap ang napipintong paggamit ng enerhiyang nukleyar para sa kasapatan ng suplay ng kuryente sa bansa.


Patuloy naman ang paanyaya ng NEP-IAC sa mga propesyonal sa bansa na makibahagi sa Nuclear Energy Awareness Training series na ginaganap sa iba’t ibang panig ng Pilipinas para maihanda ang ating mga kababayang nais makapagtrabaho at makatulong sa pag-usad ng paggamit ng enerhiyang nukleyar. Kung hindi ako nagkakamali ay may dalawa o higit pang training na gaganapin sa taong ito at maaari ring mag-email sa inyong lingkod para sa mga nais makibahagi at matuto mula rito. May iba’t ibang programa rin ang NEP-IAC na maaaring daluhan ukol nga sa enerhiyang nukleyar.


Inaasahang mas mataas ang sasahurin ng mga maninilbihan sa operasyon ng nuclear power plant, gaya sa ibang bansa.


Para sa mga hindi pa nakababatid, maraming manggagawang Pilipino ang bahagi ng

konstruksiyon at pagmimintina ng Barakah Nuclear Power Plant sa United Arab Emirates na nagsusuplay ng 25 porsiyento ng kuryente ng UAE.


Kaya naman kung kakayanan lamang ang pag-uusapan, kayang kaya ng mga Pilipino ang anumang trabaho basta’t nagkaroon siya ng sapat na edukasyon, training at kasanayan na naaayon sa pamantayan ng buong mundo. Kayang kaya ng mga Pilipino ang maging haligi ng enerhiyang nukleyar sa bansa. Ang tanong ay bibigyan na nga ba natin ngayon ito ng pagkakataon?


Kadalasan, ang walang batayang pangamba at pagiging sobrang negatibo ang nagiging hadlang sa pag-usad ng magagandang pangarap. Nawa’y ang mga power outages sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas at ang nagaganap sa Gitnang Silangan na nakakaapekto sa bansa ang magbukas na nang tuluyan sa kaisipan ng ating mga kababayan at liderato ng bansa na bigyang-daan ang mas pinalawak na pagkukunan ng suplay ng kuryente sa buong Pilipinas!



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page