Supervisor, ‘di maaaring sumali sa unyon ng rank-and-file
- BULGAR

- 1 hour ago
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | February 6, 2026

Dear Chief Acosta,
Kasulukuyan akong nagtatrabaho bilang isang supervisor sa isang pabrika. Sa kasalukuyan ay may unyon na binubuo ng mga karaniwang empleyado sa aming kumpanya. Gusto ko sanang malaman kung puwede ba akong sumali sa nasabing unyon. – Romina
Dear Romina,
Bago ang lahat, alamin muna natin kung sinu-sino ang itinuturing na supervisory employees. Ayon sa Article 219 (m) ng Labor Code, ang mga supervisor ay ang mga empleyado na:
“ART. 219. [212] Definitions.
(m) are those who, in the interest of the employer, effectively recommend such managerial actions if the exercise of such authority is not merely routinary or clerical in nature but requires use of independent judgment. All employees not falling within any of the above definitions are considered rank -and-file employees for purposes of this Book.”
Ang tanong ngayon ay kung ang isang supervisor ay maaaring sumali sa unyon ng mga karaniwang empleyado ng kanilang kumpanya. Ang sagot ay matatagpuan sa Article 255 ng naturang Code, na nagsasabi na ang mga supervisor ay hindi maaaring sumali sa unyon ng mga rank-and-file employees:
“ARTICLE 255. [245] Ineligibility of Managerial Employees to Join Any Labor Organization; Right of Supervisory Employees. — Managerial employees are not eligible to join, assist or form any labor organization. Supervisory employees shall not be eligible for membership in the collective bargaining unit of the rank-and-file employees but may join, assist or form separate collective bargaining units and/or legitimate labor organizations of their own. The rank and file union and the supervisors' union operating within the same establishment may join the same federation or national union.”
Malinaw sa nasabing probisyon ng batas na hindi maaaring sumali ang isang supervisor sa unyon ng mga rank-and-file employees. Gayunpaman, pinahihintulutan ng batas ang mga supervisor na bumuo ng kanilang sariling unyon na hiwalay sa unyon ng mga rank-and-file employees.
Ang layunin ng nasabing pagbabawal ay upang maiwasan na maimpluwensiyahan ng mga supervisor ang mga rank-and-file employees sa loob ng union, sapagkat inaasahan na ang mga supervisor ay kumakatawan at nagtataguyod ng interes ng kumpanya o employer. Ito rin ay upang maiwasan ang pagsasabwatan ng mga supervisor at mga empleyado laban sa kumpanya, na maaaring makaapekto sa mga karapatan ng kumpanya.
Sa iyong sitwasyon, kung ang iyong mga tungkulin ay saklaw ng depinisyon ng isang supervisory employee sa ilalim ng Labor Code, hindi ka maaaring sumali sa unyon na binubuo ng mga rank-and-file employees sa inyong kumpanya.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.








Comments