‘Suntok sa buwan’ na ma-impeach pa si VP Sara
- BULGAR

- May 15, 2025
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 15, 2025

PAGPAPA-IMPEACH KAY VP SARA, ‘SUNTOK NA SA BUWAN’ -- Sa pagkakapanalo sa pagka-senador nina reelectionist Senators Bong Go, Ronald Dela Rosa, Pia Cayetano, Imee Marcos, Las Piñas City Rep. Camille Villar ay “suntok na sa buwan” ang naisin ng Marcos administration na ma-impeach o mapatalsik sa puwesto si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio.
Sa impeachment trial kasi kapag siyam na senador ang kumontra, absuwelto na si VP Sara, hindi na siya mapapatalsik bilang VP ng ‘Pinas, na ang nais nating ipunto, limang winning senators (Bong Go, Dela Rosa, Pia Cayetano, Imee at Camille) na ang anti-impeachment, idagdag pa diyan ang mga incumbent senators Robin Padilla, Mark Villar, Alan Cayetano, so walo na, isa na lang, eh sa mga naunang interview ay nagpahayag na ng pagkontra sa impeachment ang magkapatid sa ama na sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. JV Ejercito, Sen. Sherwin Gatchalian at Sen. Migz Zubiri, tapos independent minded pa sina elected Sen. Bam Aquino at Sen. Kiko Pangilinan na hindi kayang diktahan ng Marcos admin, period!
XXX
DAHIL ‘MAABSUWELTO’ SI VP SARA SA IMPEACHMENT CASE, TULOY ANG LABAN NIYA SA PAGKA-PRESIDENTE SA 2028 ELECTION -- Dahil malabo nang ma-impeach, isa lang ang nakikita ngayon ng publiko.
Tuloy ang laban ni VP Sara sa pagka-presidente sa 2028, lalo’t sa bibig na niya mismo nanggaling ang katagang pamumunuan daw niya ang may prinsipyong oposisyon, abangan!
XXX
WALANG PANTAPAT SI PBBM KAY VP SARA NA MALAKAS NA KANDIDATO SA 2028 PRESIDENTIAL ELECTION -- Walang malakas na kandidato ang Marcos admin na puwedeng ipantapat kay VP Sara sa 2028 presidential election, kasi ang napupusuan ni PBBM na gawing kandidato sa pagka-presidente na si Speaker Martin Romualdez ay ubod nang hina sa mga presidential survey.
Kung ang ginawa sana ni PBBM pagkaupo niyang presidente ay nakipag-usap kay Speaker Romualdez na maglagay ng malaking pondo para sa subsidiya sa bigas sa 2023 national budget, at inatasan ang Dept. of Agriculture (DA) na magbenta ng bigas na P20 per kilo sa merkado, aba’y sana ubod nang bango sa publiko ang kanyang administrasyon, ubod din sana ng lakas na kandidato ni Speaker Romualdez sa pagka-presidente.
Hindi nila agad ginawa iyan, kaya bumaho sa publiko ang Marcos admin, at lumabas na pinakamahinang presidential candidate si Speaker Romualdez sa 2028 election, boom!
XXX
HINDI LANG SA SENATORIAL ELECTION, KUNDI PATI SA LOCAL ELECTION MARAMING ARTISTANG NATALO SA HALALAN -- Hindi lang sa senatorial election, kundi pati sa local election ay napakaraming kandidatong artista ang natalo sa mga tinakbuhan nilang position sa local level.
Patunay iyan na namumulat na ang mamamayan, na hindi na nila iboboto ang mga artista na kaya lang siguro nagsipagkandidato ay mga laos na sa showbiz, na ang tila gusto namang ‘pagkakitaan’ ay pulitika, period!







Comments