top of page
FRANKLY - LISENSIYA NI BINI MIKHA, SINUSPINDE, SUMUKO SA LTO_IG _bini_mikha _FB Circulated

Sundalo man o sibilyan, walang lusot sa animal cruelty

Writer: BULGAR
BULGAR
4 hours ago
2 min read

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | November 12, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Panagutin ang sinumang mananakit at papatay ng hayop, lalo na kung ang karahasan ay ginagawa nang walang anumang paggalang sa buhay. Hindi dapat maging biro, palabas o simpleng usapin lamang sa social media ang ganitong pangyayari.


Ang pagpatay sa isang aso ay hindi lamang usapin ng pagmamaltrato sa hayop, kundi paalala rin na kailangang pairalin ang disiplina, malasakit at pananagutan sa bawat miyembro ng lipunan, kabilang ang mga nagsisilbi sa pamahalaan.


Nagsasagawa ngayon ng imbestigasyon ang Philippine Army sa isang sundalong nakatalaga sa 1st Infantry Division sa Zamboanga del Sur matapos kumalat ang video na nagpapakita umano sa kanya na hinihiwa ang lalamunan ng isang aso gamit ang kutsilyo. Dahil sa insidente, inalis na siya sa kanyang tungkulin habang dinidinig ang kasong administratibo laban sa kaniya.


Ayon sa pahayag ng militar, demotion o pagbaba ng ranggo ang pinakamababang posibleng parusang administratibo kung mapatutunayang responsable ang sundalo. Hindi rin isinasara ang posibilidad na magsampa ng hiwalay na kasong kriminal ang mga nagrereklamo alinsunod sa umiiral na batas. Binigyang-diin din ng Army na hindi nito kukunsintihin ang anumang uri ng pagmamaltrato sa hayop at titiyaking masusunod ang wastong proseso bago magpataw ng parusa.


Nauna nang nanawagan ng pananagutan ang animal welfare group na Strategic Power for Animal Respondents (SPAR) Philippines matapos makatanggap ng impormasyon mula sa mga indibidwal na umano’y nakakakilala sa sundalong sangkot. Hinimok nito ang mga awtoridad na tiyaking masusing masisiyasat ang insidente.


Kasabay nito, pinaiigting din ng Philippine Army ang pagpapatupad ng social media policy nito. Naitala na ang mahigit 300 paglabag na patuloy na iniimbestigahan, habang 24 na tauhan ang napatawan na ng iba’t ibang kaparusahan.


Mahalagang makita ng taumbayan na ang unipormeng suot ng isang kawani ng pamahalaan ay may kaakibat na mas mataas na responsibilidad. Ang mga sundalo ay inaasahang nagtataguyod ng disiplina at nagpoprotekta sa buhay, kaya nararapat lamang na seryosohin ang anumang alegasyong may kinalaman sa karahasan.


Hindi sapat ang pansamantalang pagkakatalaga sa ibang tungkulin o pangakong magsasagawa ng imbestigasyon. Kailangang matiyak na may patas at malinaw na proseso, at kung mapatutunayan ang pananagutan, dapat ipataw ang naaangkop na parusa.


Ang paggalang sa buhay ay hindi lamang para sa tao. Bahagi rin nito ang pagtrato nang makatao sa mga hayop na walang kakayahang ipagtanggol ang kanilang sarili. Ang disiplina ay hindi nasusukat sa ranggo o uniporme, kundi sa paggalang sa buhay at kahandaang managot sa bawat maling nagawa.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page