top of page
FRANKLY - LISENSIYA NI BINI MIKHA, SINUSPINDE, SUMUKO SA LTO_IG _bini_mikha _FB Circulated

Notice to explain at termination, para sa legal na pagtanggal sa empleyado

Writer: BULGAR
BULGAR
3 hours ago
2 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 12, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Isa akong empleyado na natanggal sa trabaho dahil sa ilang ulit na pagliban sa trabaho nang walang paalam. Nais ko lamang itanong kung legal ba ang pagtanggal sa akin dahil wala namang isinagawang pagdinig upang kunin ang aking panig, binigyan lamang ako ng Notice to Explain at kalaunan ay Notice of Termination.


— Aressa



Dear Aressa,


Upang maging wasto ang pagtatanggal sa trabaho ng isang empleyado, kinakailangang matugunan nang naaayon ang mga kinakailangan para sa parehong substantive at procedural due process. Ang substantive due process ay tumutugon sa kadahilanan ng pagtanggal, kung saan kailangang tiyakin na may sapat na basehan na naaayon sa batas para matanggal ang isang empleyado sa trabaho. Ito ay tinatawag na just or authorized causes. 


Sa kabilang banda, ang procedural due process naman ay tumutukoy sa pagsunod sa mga alituntunin at hakbangin sa pagtatanggal sa isang empleyado at pagtiyak na ang nasabing empleyado ay nabigyan ng sapat at pantay na pagkakataon upang ipaliwanag ang kanyang panig, makatapos na maiparating sa kanya ang kanyang mga naging pagkakamali o paglabag sa trabaho.


Sa kaso na Susan M. Bance, et al. vs. University of St. Anthony and Santiago Ortega, Jr., (G.R. No. 202724, February 03, 2021, Ponente: Honorable Associate Justice Ramon Paul L. Hernando) ay ipinaliwanag ng Kataas-taasang Hukuman na:


“To comply with the requirements of procedural due process, two notices must be served to the employee. The conduct of a hearing or conference, though, is, as held in Perez v. Philippine Telegraph and Telephone Company, mandatory only "when requested by the employee in writing or substantial evidentiary disputes exist or a company rule or practice requires it, or when similar circumstances justify it.”


Maliwanag mula sa nabanggit, ang kinakailangan upang sumunod sa procedural due process ay ang tinatawag na Two-Notice Rule. Ayon sa mga kasong napagdesisyunan na ng Korte Suprema, ang mga abisong ito ay kinabibilangan ng: una, ang Notice to Explain, upang ipaalam sa empleyado ang kanyang mga paglabag at magbigay sa kanya ng pagkakataong tumugon o ipaliwanag ang kanyang panig sa loob ng makatwirang panahon. Ikalawa, ang Notice of Decision o Termination, na naglalaman ng desisyon na malinaw na nagsasaad ng batayan at dahilan sa naging pasya ng namamahala. Nabanggit din na kapag naibigay na ang mga abisong ito, hindi na kinakailangang magsagawa ng pagdinig (hearing). Maaari lamang itong isagawa kung hihilingin ng empleyado, may kailangang linawin sa mga usaping may kaugnayan sa kaso, ito ay nakapaloob sa mismong proseso ng kumpanya, o mga kahalintulad na pangyayari.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyong iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page