St. Clare at Marinero, tatapusin na ang serye sa qf ng D-League
ni Anthony E. Servinio - @Sports | August 5, 2022

Sisikapin ng mga paboritong Adalem Construction-St. Clare College at Marinerong Pilipino na tapusin ng maaga ang kanilang mga hiwalay na serye sa quarterfinals ng 2022 PBA D-League Aspirants Cup sa Araneta Coliseum ngayong Biyernes. Haharapin ng #3 Saints ang #6 Builders Warehouse-UST sa 11 a.m. pagkatapos buksan ng #4 Skippers at #5 Centro Escolar University ang aksiyon sa 9 a.m.
Tinapos ng Saints, Skippers at Scorpions ang elimination round na tabla sa 4-3 panalo-talo subalit nanaig ang Adalem Construction at Marinero sa tiebreaker upang makamit ang twice-to-beat. Humabol ang Builders Warehouse sa huling upuan matapos talunin ang Wangs Basketball-Letran noong Martes, 89-81.
Isang puntos lang ang panalo ng Saints sa Tigers, 87-86, sa unang tapatan nila noong Hulyo 21. Sasandal muli ang Adalem Construction sa mahusay na laro nina Johnsherick Estrada, John Edcel Rojas at Joshua Fontanilla na nagsama para sa 54 puntos sa tagumpay.
Matapos mabigo sa Saints, nagwagi ang Builders Warehouse ng kanilang nalalabing tatlong laban upang makapasok sa quarters. Kailangan ipagpatuloy nina Sherwin Concepcion, Nic Cabanero, Kean Baclaan at Bryan Santos ang mainit nilang laro upang pahabain ng isa pang laro ang kanilang kampanya.
Kahit hawak ng Marinero ang twice-to-beat, sariwa pa ang alaala ng kanilang 77-84 pagkabigo sa CEU noong Lunes. Inaasahan na makakabalik ang kanilang numero unong shooter Juan Gomez de Liano na hindi naglaro dahil sa karamdaman at samahan sina Jollo Go, Arvin Gamboa at Adrian Nocum sa paghatid ng puntos.
Kung kailangan, sa Miyerkules gaganapin ang mga do-or-die na laban sa Araneta Coliseum muli. Naghihintay sa mga magwawagi sa best-of-3 semifinals ang numero unong Apex Fuel-San Sebastian at pumangalawang EcoOil-De La Salle.
Mga laro ngayong Biyernes – Araneta Coliseum 9:00 AM Marinerong Pilipino vs. CEU
11:00 AM Builders Warehouse-UST vs. Adalem Construction-St. Clare.





Comments