SSL: Lady Altas nakaalpas ng 1st win vs. San Beda

by Gerard Arce @Sports News | October 12, 2026

Photo: Nakuha ni #18 Nicollete Anne Gaa ng Perpetual Help Lady Altas ang bola na binanat ni #9 Janelle Bachar ng San Beda habang nakaabang si #6 Edel Mae Valdez sa 2026 Shakey's Super League Unity Cup sa Rizal Memorial Coliseum kahapon. Wagi ang Lady Altas 28-30, 25-19, 23-25, 25-17,16-14 na umabot sa 5th set. (Ben Maniclang)
Mga laro sa Biyernes
(Rizal Memorial)
1 p.m. - Letran vs San Beda
3 p.m. - JRU vs CSB
5 p.m. - NU vs Perpetual
Nanatiling buhay ang tsansa sa playoffs ng UPHSD DALTA Lady Altas matapos na matakasan ang San Beda na nagtapos sa dikdikang 28-30, 25-19, 23-25, 25-17, 16-14, upang makuha ang unang panalo sa 2026 Shakey’s Super League (SSL) Unity Cup kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.
Naging sandalan pagdating sa opensa ng Lady Altas si Jemalyn Menor, habang sumaklolo rin sa importanteng yugto sa laro si Cyrille Almeniana na bumirada ng krusyal na puntos para makuha ang 1-1 rekord sa Pool A.
“Talagang nagtulungan kami sa loob ng court, pinaghirapan namin talaga ito para maipanalo ‘yung game namin ngayong araw,” pahayag ni Menor, na nag-ukit ng game-high 25 points mula sa 23 kills, at tig-isang ace at block.
Nagdagdag si Almeniana ng 14 points, galing sa 13 atake. Tanging dalawang koponan lang ang uusad sa susunod na round, na pinagbibidahan ng 5-peat-seeking NU Lady Bulldogs sa 3-0, habang bida sa Pool B ang last year runner-up na UST (2-0); FEU (2-0) sa Pool C at UP (2-0) sa Pool D.
Nalasap ng San Beda ang ikalawang sunod na pagkatalo na pinagbidahan ni Angel Habacon sa 16 puntos.





Comments