“Dy-Incredible” nakadepensa ng korona sa Bare Knuckle

by Gerard Arce @Sports News | October 12, 2026

Photo: It's okey boy! Tila ibinubulong ni Pinoy Gabriel Dy sa tinalo niyang Briton pagkatapos ng Bare Knuckle fight nila. (dyfbpix)
Napanatili ni Rolando Gabriel “Dy-Incredible” Dy ang kanyang korona sa bisa ng 3d round technical knockout kontra British boxer Scott McHugh para sa Bare Knuckle Boxing super welterweight championship kahapon sa BKB 60: Newcastle sa Tyne and Wear, England.
Mabibigat na solidong patama ang ibinigwas ng 36-anyos mula Dasmariñas City, Cavite sa ikalawang title defense at ika-5 sunod na panalo, kabilang ang 4 na knockout victories para iangat sa 7-1 na kartada kasama ang 6 na panalo mula sa knockouts.
Matapos mapasakamay ang titulo kontra Liam Reese noong 2025, unang beses nadepensahan ng dating mixed martial arts champion ang korona kontra sa dating two-time world boxing champion Paulie “Magic Man” Malignaggi nitong Mayo 16 na nagtapos sa 2nd round KO sa BKB 54 sa Manchester, United Kingdom.
Tuluyang tinapos ni Dy ang bakbakan sa third round kasunod ng dumadagundong na kaliwang hook upang tuluyang ipatigil ng referee ang laban sa 47 segundo kasunod ng paghagis ng tuwalya sa corner ng Briton. Tinuldukan ni McHugh ang karera kasunod ng 22 na laban, na tatlong beses ring nabigo para sa world title na may 16-6 rekord kasama ang anim na KOs.





Comments