Spurs at Celtics, 3-1 na isa na lang sa playoffs
- BULGAR

- 3 hours ago
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | April 28, 2026

Photo: Nabigo sa tangkang pag-swak ng bola si Alperen Sengun (28) ng Houston Rockets habang nakadepensa si Los Angeles Lakers center/forward Jaxson Hayes (11) at forward LeBron James (23) sa 2nd quarter game ng NBA playoffs kahapon sa Toyota Center. (Troy Taormina-Images/Reuters)
Binitin ng Houston Rockets ang martsa ng bisitang Los Angeles Lakers, 115-96 sa 2026 NBA Playoffs kahapon sa Toyota Center. Isang panalo na lang ang kailangan ng San Antonio Spurs at Boston Celtics matapos ang mga impresibong tagumpay.
Unang quarter lang nakasabay ang Lakers at mula roon ay tuloy-tuloy ang arangkada ng Rockets hanggang maging 97-69 maaga sa huling quarter. Ito ang unang panalo ng Houston sa seryeng best-of-seven subalit matapos mahulog sa unang tatlong laro.
Bumanat ng 23 si Amen Thompson habang 20 si Tari Eason. Hindi pa rin naglaro si Kevin Durant dahil masakit ang bukong-bukong.
Umahon ang Spurs mula sa 39-58 butas bago magwakas ang pangalawang quarter at ibinaon ang Portland Trail Blazers 114-93, at itayo ang 3-1 bentahe. Balik-aksyon si Victor Wembanyama at agad uminit para sa 18 ng kanyang 27 sa huling dalawang quarter na may kasamang 12 rebounds at 7 supalpal.
Rumatrat ng 24 3-points ang Celtics para tambakan ang Philadelphia 76ers, 128-96, at lumamang ng 3-1. Anim na tres si reserba Payton Pritchard para pamunuan ang Boston sa kanyang 32 habang nagpatak ng 30 si Jayson Tatum at 20 kay Jaylen Brown.
Sa isa pang serye, panalo ang Toronto Raptors sa bisitang Cleveland Cavaliers, 93-89, para pumantay sa 2-2. Sumandal ang Raptors sa mga paniguradong free throw ni Scottie Barnes sa huling minuto upang magtala ng 23 at tinumbasan ni Brandon Ingram na 23 din.
Samantala kahit lamang ng 3-1 ang Minnesota Timberwolves sa Denver Nuggets, kailangang maghanda silang tapusin ang serye na wala sina Donte DiVincenzo at Anthony Edwards. Napilay ang sakong ni DiVincenzo sa Game 4 at ooperahan na sabay nasaktan ang tuhod ni Edwards at walang linaw kung kailan babalik.




Comments