top of page
Imee Marcos - FB.jpg

SONA, dapat maghatid ng tunay na pag-asa

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 day ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | July 27, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Dinggin ang hinaing ng Pilipino dahil ang tunay na sukatan ng isang makabuluhang State of the Nation Address (SONA) ay hindi ang dami ng nagawang proyekto kundi ang malinaw na direksyon kung paano lulutasin ang mga problemang araw-araw na kinakaharap ng mamamayan. 


Sa gitna ng mataas na presyo ng mga bilihin, kakulangan sa trabaho at iba pang suliranin, mas inaasahan ng publiko ang mga konkretong hakbang kaysa sa listahan ng mga tagumpay ng administrasyon.


Ito ang lumabas sa isinagawang pre-SONA survey ng public affairs at stakeholder relations firm na EON, kung saan 1,200 Pilipinong nasa hustong gulang mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang tinanong mula Hulyo 7 hanggang 10, 2026. Ayon sa resulta, 48.3% ng mga respondent ang nagsabing nais nilang marinig sa ikalimang SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga solusyon sa kasalukuyang suliranin ng bansa.


Samantala, 22% lamang ang nagsabing mas nais nilang marinig ang mga naging tagumpay ng administrasyon, ang pinakamababang bilang sa mga pagpipilian.


Bukod dito, 35.6% ang naghihintay ng mas matitibay na hakbang laban sa korupsiyon at reporma sa pamahalaan, habang 34.7% ang nais ng update sa mga naunang ipinangako ng administrasyon. Nasa 32.8% naman ang umaasang maririnig ang konkretong plano upang mapababa ang presyo ng mga pangunahing bilihin. Mayroon ding 27.2% na humihiling ng tapat na pagtalakay sa tunay na kalagayan ng bansa at 23.5% ang gustong malaman ang mga programa ng gobyerno para sa susunod na taon.


Sa usapin naman ng mga problemang dapat pagtuunan ng Pangulo, nanguna ang ekonomiya at inflation na binanggit ng 67.1% ng mga respondent. Sinundan ito ng trabaho at sahod na may 56.2% , edukasyon na may 53.%, agrikultura at seguridad sa pagkain na may 47.3% , kalusugan na may 44.7%, gastos sa pamumuhay na may 43.3%, krimen at kaligtasan ng publiko na may 42.4%, at korupsiyon na may 42.2%.


Kapansin-pansin ding 30.8% lamang ng mga respondent ang naniniwalang maisasakatuparan ng pamahalaan ang mga pangakong ilalahad sa SONA. Ipinapakita nito na hindi lamang mga bagong pangako ang hinahanap ng publiko kundi patunay na ang mga ito ay maipatutupad.


Mahalagang maging gabay ang sentimyento ng mamamayan sa nilalaman ng SONA. Ang mga Pilipino ay naghahanap ng pag-asa na nakabatay sa konkretong plano, malinaw na pananagutan at agarang aksyon. Kung tunay na nais ng pamahalaan na mapalakas ang tiwala ng publiko, dapat nitong ipakita hindi lamang ang mga nagawa kundi ang malinaw na landas sa paglutas ng mga suliraning matagal nang pasan ng bawat pamilyang Pilipino. Ang pinakamahalagang talumpati ay yaong may kasunod na resulta na tunay na mararamdaman sa hapag-kainan, sa trabaho at sa pang-araw-araw na buhay ng taumbayan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page