Solo parents, may “K” sa flexible work schedule

Updated: Jan 9, 2021
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | January 6, 2021
Dear Chief Acosta,
Ako ay solo parent at mayroon akong katibayan na identification card. Kanina lang ay natanggap ako sa trabaho. Sinabi sa akin ng isa sa aking mga kaibigan na maaari diumano akong mag-request ng flexible work schedule dahil sa sitwasyon ko. Tama ba siya? – Jane
Dear Jane,
Para sa inyong kaalaman, ang inyong katanungan ay tinatalakay sa Republic Act No. 8972 o ang Solo Parents’ Welfare Act of 2000. Nabanggit sa Section 6 ng nasabing batas na:
“Section 6. Flexible Work Schedule. - The employer shall provide for a flexible working schedule for solo parents: Provided, That the same shall not affect individual and company productivity: Provided, further, That any employer may request exemption from the above requirements from the DOLE on certain meritorious grounds.”Ayon sa nabanggit na probisyon ng batas, ang solo parent ay dapat mabigyan ng flexible working schedule ng kanyang employer. Gayunman, hindi ito dapat makaapekto sa productivity ng nasabing empleyado at ng kumpanya. Higit pa rito, maaaring humingi ng exemption mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang employer sa nasabing flexible working schedule kapag mayroon siyang sapat na dahilan para hindi sumunod sa patakaran na ito.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments