top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Manananggal sa ‘Pinas, nakilala sa ibang bansa… LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP

Writer: BULGAR
BULGAR
3 hours ago
3 min read

ni Vinia VIvar @Frankly | October 14, 2026



FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleasalonga

Photo: IG _msleasalonga



Hindi man naging ganap na matagumpay sa takilya ang animated film na Forgotten Island (FI), naniniwala ang Broadway icon na si Lea Salonga na may mahalagang achievement pa rin ito — ang maipakilala ang Filipino mythology sa international audience.


Sa isang exclusive interview sa ABS-CBN News, sinabi ng Tony Award-winning actress na hindi dapat box-office earnings lamang ang maging basehan ng tagumpay ng isang pelikula.


“I still count that as a win,” sey ni Lea, na kasama rin sa voice cast ng nasabing animated film.


Para sa kanya, malaking bagay na nabigyan ng pagkakataon ang isang kuwentong nakaugat sa kulturang Pilipino na maipakita sa mas malawak na audience.


Ayon sa ulat, nakapagtala ang FI ng tinatayang $50.2 million sa worldwide box office, kabilang ang $30.3 million sa North America at $19.9 million sa international markets. Mas mababa ito sa reported production budget na $80 million.


Depensa ni Lea tungkol sa resulta sa box office ng pelikula, “Just because something has been perceived to not do so great at the box office, all of a sudden, it’s a flop.”


Dagdag pa niya, “For me, it’s like, this movie got made. This movie got green-lit. And, you know, DreamWorks could have said, ‘This is not gonna make money,’ hence we will not green-light this. But they still did.”


Para sa aktres-singer, isang malaking achievement ang pagkakataong maipakita sa mga manonood sa ibang bansa ang mga kuwentong matagal nang bahagi ng kulturang Pilipino.


Naniniwala rin siyang may universal themes ang mga kuwentong nagmumula sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Sa kabila ng pagkakaiba-iba ng kultura, marami pa rin tayong pagkakatulad pagdating sa mga pangarap, pag-asa, at mga hangarin sa buhay.

Aniya, “We got to share our mythology with the world. I still count that as a win.”


Binigyang-diin din niya na patuloy pa ang theatrical rollout ng pelikula sa ilang international territories. Bukod dito, may iba pang revenue streams ang mga studio, gaya ng streaming at home-video sales, na maaaring makatulong sa kabuuang performance ng isang pelikula.


Sa Pilipinas naman, proud si Lea na naging maganda ang box office result nito, kung saan ay nakapagtala ang pelikula ng P97.2 million sa opening weekend at naiulat na pinakamalaking opening weekend para sa isang DreamWorks Animation film sa bansa.


Bukod pa rito ang mga isinagawang block screenings at group viewing parties.

Dahil sa laki ng naging pagtanggap ng Filipino audience, ikinumpara pa ni Lea ang performance nito sa mga blockbuster films ng yumaong action star na si Fernando Poe, Jr. (FPJ).


“I’m like, those are FPJ-level numbers,” biro niya.

“As long as people go eventually or find it eventually, then it’s still a win because now, people know what a manananggal is,” sey pa niya.





INA, BAGONG KARIBAL NI JULIA KAY COCO



SASABAK sa panibagong misyon si Coco Martin bilang isang undercover taxi driver sa Coco Martin’s Sigabo, na nananatiling numero-unong TV show sa Pilipinas sa iWant.


Kasabay ng mas maaksiyong kuwento ni Gabo (Coco), may mga bago siyang makakaengkuwentro sa pagpasok ng karakter ni Janice De Belen, kasama ang special guests na sina Ina Raymundo at Ricardo Cepeda.


Mapapanood na sa mga susunod na episodes ang pagsabak ni Gabo sa isang bigating misyon para sa ‘Anino’ na isang sikretong organisasyong lumalaban sa mga krimen, kung saan magpapanggap siya bilang taxi driver para imbestigahan ang kanyang VIP na pasahero (Ina) na sangkot sa mga ilegal na negosyo.


Bukod sa mga exciting na biyahe ni Gabo, hindi rin mawawala ang nakakakilig na mga eksena nina Coco at Julia Montes. Iigting kasi ang selos ng pekeng misis ni Gabo na si Gloria (Julia) dahil sa nakakatuwang biruan ng mister sa mapang-akit na karakter ni Ina.


Napapanood ang Coco Martin’s Sigabo gabi-gabi mula Lunes hanggang Biyernes, 8 PM, sa ALLTV2, TV5, A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live sa YouTube (YT) at Facebook (FB), at iWant. Umeere rin ito sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page